Jeremias
23 “Kaawa-awa ang mga pastol na nagpapahamak at nagpapangalat sa mga tupa ng pastulan ko!” ang sabi ni Jehova.+
2 Kaya ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel laban sa mga pastol na nagpapastol sa bayan ko: “Pinangalat ninyo ang mga tupa ko; ipinagtatabuyan ninyo sila at hindi ninyo inaalagaan.”+
“Kaya paparusahan ko kayo dahil sa masasama ninyong ginagawa,” ang sabi ni Jehova.
3 “Pagkatapos ay titipunin ko ang natira sa mga tupa ko mula sa lahat ng lupain kung saan ko sila pinangalat,+ at ibabalik ko sila sa kanilang pastulan,+ at magiging palaanakin sila at darami sila.+ 4 At bibigyan ko sila ng mga pastol na talagang magpapastol sa kanila.+ Hindi na sila matatakot o masisindak, at walang mawawala sa kanila kahit isa,” ang sabi ni Jehova.
5 “Darating ang panahon,” ang sabi ni Jehova, “na magpapasibol ako mula kay David ng isang matuwid na sibol.*+ At isang hari ang mamamahala+ nang may unawa at magtataguyod ng katarungan at katuwiran sa lupain.+ 6 Sa panahon niya, ang Juda ay maliligtas,+ at ang Israel ay mamumuhay nang panatag.+ At ito ang itatawag sa kaniya: Si Jehova ang Ating Katuwiran.”+
7 “Pero darating ang panahon,” ang sabi ni Jehova, “na hindi na nila sasabihin, ‘Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova, na naglabas sa bayang Israel mula sa lupain ng Ehipto!’+ 8 Sa halip, sasabihin nila, ‘Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova, na naglabas at nagbalik sa mga inapo ng sambahayan ng Israel mula sa lupain sa hilaga’ at mula sa lahat ng lupain kung saan ko sila pinangalat, at titira sila sa sarili nilang lupain.”+
9 May kinalaman sa mga propeta:
Nadurog ang puso ko.
Ang lahat ng buto ko ay nanginginig.
Para akong isang lalaking lasing,
Isang lalaking lango sa alak,
Dahil kay Jehova at dahil sa kaniyang banal na mga salita.
10 Ang lupain ay punô ng mga mangangalunya;+
Dahil sa sumpa, nagdadalamhati ang lupain+
At natuyo ang mga pastulan sa ilang.+
Napakasama ng pamumuhay nila, at inaabuso nila ang kapangyarihan nila.
11 “Ang propeta at ang saserdote ay parehong marumi.*+
Kahit sa sarili kong bahay ay nakita ko ang kasamaan nila,”+ ang sabi ni Jehova.
Dahil magdadala ako ng kapahamakan sa kanila
Sa taon ng pagtutuos,”* ang sabi ni Jehova.
13 “At sa mga propeta ng Samaria+ ay nakakita ako ng kasuklam-suklam na mga bagay.
Nanghuhula sila sa ngalan ni Baal,
At inililigaw nila ang bayan kong Israel.
14 At sa mga propeta ng Jerusalem ay nakakita ako ng kakila-kilabot na mga bagay.
Mga mangangalunya sila+ at sinungaling;+
Pinalalakas nila ang loob* ng mga gumagawa ng masama,
At hindi nila tinatalikuran ang kanilang kasamaan.
15 Kaya ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo laban sa mga propeta:
“Pakakainin ko sila ng ahenho,
At paiinumin ko sila ng tubig na may lason.+
Dahil pinalaganap ng mga propeta ng Jerusalem ang apostasya sa buong lupain.”
16 Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo:
“Huwag ninyong pakinggan ang sinasabi ng mga propeta na nanghuhula sa inyo.+
Nililinlang* nila kayo.
17 Paulit-ulit nilang sinasabi sa mga lumalapastangan sa akin,
‘Sinabi ni Jehova: “Magkakaroon kayo ng kapayapaan.”’+
At sa lahat ng sumusunod sa sarili nilang mapagmatigas na puso ay sinasabi nila,
‘Hindi kayo mapapahamak.’+
18 Sino ba ang tumayong kasama ng mga taong malapít kay Jehova
Para makita at marinig ang salita niya?
Sino ang nagbigay-pansin sa salita niya para marinig iyon?
20 Ang galit ni Jehova ay hindi huhupa
Hanggang sa matupad at magawa niya ang nasa puso niya.
Sa huling bahagi ng mga araw ay malinaw ninyo itong mauunawaan.
21 Hindi ko isinugo ang mga propeta, pero tumakbo sila.
Hindi ko sila kinausap, pero nanghula sila.+
22 Pero kung tumayo silang kasama ng mga taong malapít sa akin,
Naihayag sana nila sa bayan ko ang mga salita ko
At naitalikod sana nila ang mga ito sa masamang landasin at sa paggawa ng masama.”+
23 “Ako ba ay Diyos lang sa malapit,” ang sabi ni Jehova, “at hindi Diyos sa malayo?”
24 “May tao bang makapagtatago sa isang lihim na lugar kung saan hindi ko siya makikita?”+ ang sabi ni Jehova.
“May makakalampas ba sa pansin ko sa langit at sa lupa?”+ ang sabi ni Jehova.
25 “Narinig ko ang mga propetang nanghuhula ng kasinungalingan sa pangalan ko. Sinasabi nila, ‘Nanaginip ako! Nanaginip ako!’+ 26 Hanggang kailan manghuhula ng kasinungalingan ang mga propeta? Sila ay mga propetang nagsasalita ng panlilinlang mula sa sarili nilang puso.+ 27 Gusto nilang malimutan ng bayan ko ang pangalan ko sa pamamagitan ng mga panaginip na sinasabi nila sa isa’t isa, kung paanong nalimutan ng mga ninuno nila ang pangalan ko dahil kay Baal.+ 28 Hayaang sabihin ng propetang nanaginip ang panaginip niya, pero ang tumanggap ng salita ko ay dapat maghayag ng salita ko nang may katapatan.”
“Ano ang pagkakatulad ng dayami at ng butil?” ang sabi ni Jehova.
29 “Hindi ba ang salita ko ay gaya ng apoy,”+ ang sabi ni Jehova, “at gaya ng martilyong pampanday na dumudurog sa malaking bato?”+
30 “Kaya ako ay laban sa mga propetang nagnanakaw ng aking mga salita mula sa isa’t isa,” ang sabi ni Jehova.+
31 “Ako ay laban sa mga propeta,” ang sabi ni Jehova, “ang mga gumagamit ng dila nila para sabihin, ‘Inihayag niya!’”+
32 “Ako ay laban sa mga propetang nagpapahayag ng di-totoong mga panaginip,” ang sabi ni Jehova, “sa mga nagsasaysay ng mga iyon at nagliligaw sa bayan ko dahil sa kanilang mga kasinungalingan at pagyayabang.”+
“Pero hindi ko sila isinugo o inutusan. Kaya wala silang anumang maitutulong sa bayang ito,”+ ang sabi ni Jehova.
33 “At kapag ang bayang ito o isang propeta o isang saserdote ay nagtanong sa iyo, ‘Ano ang pabigat* ni Jehova?’ sabihin mo sa kanila, ‘“Kayo ang pabigat! At itatapon ko kayo,”+ ang sabi ni Jehova.’ 34 Tungkol sa propeta o sa saserdote o sa bayan na nagsasabi, ‘Ito ang pabigat* ni Jehova!’ paparusahan ko ang taong iyon at ang sambahayan niya. 35 Patuloy ninyong sinasabi sa kapuwa ninyo at sa kapatid ninyo, ‘Ano ang sagot ni Jehova? Ano ang sinabi ni Jehova?’ 36 Pero huwag na ninyong banggitin ang pabigat* ni Jehova, dahil ang pabigat* ay ang salita ng bawat isa, at binago ninyo ang mga salita ng buháy na Diyos, si Jehova ng mga hukbo, ang Diyos natin.
37 “Ito ang sabihin mo sa propeta, ‘Ano ang isinagot sa iyo ni Jehova? Ano ang sinabi ni Jehova? 38 At kung patuloy ninyong sasabihin, “Ang pabigat* ni Jehova!” ito ang sinabi ni Jehova: “Dahil sinasabi ninyo, ‘Ang salitang ito ang pabigat* ni Jehova,’ matapos kong sabihin, ‘Huwag ninyong sasabihin: “Ang pabigat* ni Jehova!”’ 39 bubuhatin ko kayo at ihahagis mula sa harap ko, kayo at ang lunsod na ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo. 40 At ipapahiya ko kayo at dudustain; hindi iyon malilimutan kailanman.”’”+