Jeremias
23 “Sa aba ng mga pastol na nagpapahamak at nagpapangalat sa mga tupa ng aking pastulan!”+ ang sabi ni Jehova.
2 Kaya ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel laban sa mga pastol na nagpapastol sa aking bayan: “Kayo ang nagpapangalat sa aking mga tupa; at patuloy ninyo silang pinananabog, at hindi ninyo sila pinag-uukulan ng inyong pansin.”+
“Narito, ibabaling ko sa inyo ang aking pansin dahil sa kasamaan ng inyong mga pakikitungo,”+ ang sabi ni Jehova.
3 “At titipunin ko ang nalabi sa aking mga tupa mula sa lahat ng mga lupain kung saan ko sila ipinanabog,+ at ibabalik ko sila sa kanilang pastulan,+ at sila ay tiyak na magiging palaanakin at darami.+ 4 At magbabangon ako sa kanila ng mga pastol na talagang magpapastol sa kanila;+ at hindi na sila matatakot, ni mangingilabot man sila,+ at walang sinumang mawawala,” ang sabi ni Jehova.
5 “Narito! Dumarating ang mga araw,” ang sabi ni Jehova, “at magbabangon ako para kay David ng isang sibol na matuwid.+ At isang hari ang tiyak na maghahari+ at kikilos nang may katalinuhan at maglalapat ng katarungan at katuwiran sa lupain.+ 6 Sa kaniyang mga araw ay maliligtas ang Juda,+ at ang Israel ay tatahang tiwasay.+ At ito ang kaniyang pangalan na itatawag sa kaniya, Si Jehova Ang Ating Katuwiran.”+
7 “Kaya nga, narito! dumarating ang mga araw,” ang sabi ni Jehova, “at hindi na nila sasabihin, ‘Si Jehova ay buháy na nag-ahon sa mga anak ni Israel mula sa lupain ng Ehipto,’+ 8 kundi, ‘Si Jehova ay buháy na nag-ahon at nagdala sa supling ng sambahayan ng Israel mula sa lupain ng hilaga at mula sa lahat ng mga lupain kung saan ko sila ipinanabog,’ at tiyak na mananahanan sila sa kanilang sariling lupa.”+
9 Kung tungkol sa mga propeta, ang aking puso ay nawasak sa loob ko. Ang lahat ng aking mga buto ay nagsimulang manginig. Ako ay naging gaya ng lalaking lasing,+ at gaya ng matipunong lalaki na pinanaigan ng alak, dahil kay Jehova at dahil sa kaniyang banal na mga salita. 10 Sapagkat ang lupain ay napuno ng mga mangangalunya.+ Sapagkat dahil sa sumpa ay nagdalamhati ang lupain,+ ang mga pastulan sa ilang ay natuyo;+ at ang kanilang landasin ng pagkilos ay masama, at ang kanilang kalakasan ay hindi tama.
11 “Sapagkat kapuwa ang propeta at ang saserdote ay narumhan.+ Sa aking bahay rin ay nasumpungan ko ang kanilang kasamaan,”+ ang sabi ni Jehova. 12 “Kaya para sa kanila ang kanilang daan ay magiging gaya ng madudulas na dako+ sa karimlan, na doon sila itutulak at tiyak na mabubuwal.”+
“Sapagkat magpapasapit ako sa kanila ng kapahamakan, ang taon ng pagtutuon ng pansin sa kanila,”+ ang sabi ni Jehova. 13 “At sa mga propeta ng Samaria+ ay nakakita ako ng katiwalian. Gumanap sila bilang mga propeta na inudyukan ni Baal,+ at patuloy nilang inililigaw ang aking bayan, ang Israel nga.+ 14 At sa mga propeta ng Jerusalem ay nakakita ako ng mga kakila-kilabot na bagay,+ pangangalunya+ at paglakad sa kabulaanan;+ at pinalalakas nila ang mga kamay ng mga manggagawa ng kasamaan upang hindi sila manumbalik,+ bawat isa mula sa kaniyang sariling kasamaan. Sa akin ay naging tulad silang lahat ng Sodoma,+ at ang mga tumatahan sa kaniya ay tulad ng Gomorra.”+
15 Kaya ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo laban sa mga propeta: “Narito, pakakainin ko sila ng ahenho, at bibigyan ko sila ng tubig na may lason upang inumin.+ Sapagkat mula sa mga propeta ng Jerusalem ay lumabas ang apostasya+ sa buong lupain.”
16 Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo: “Huwag ninyong pakinggan ang mga salita ng mga propeta na nanghuhula sa inyo.+ Ginagawa nila kayong walang kabuluhan.+ Ang pangitain ng kanilang sariling puso ang sinasalita nila+—hindi mula sa bibig ni Jehova.+ 17 Sinasabi nila nang paulit-ulit doon sa mga walang-galang sa akin, ‘Sinalita ni Jehova: “Kapayapaan ang sasainyo.” ’+ At sa bawat isa na lumalakad ayon sa pagkasutil ng kaniyang puso+ ay sinabi nila, ‘Walang kapahamakang darating sa inyo.’+ 18 Sapagkat sino ang tumayong kasama ng matalik+ na kapisanan ni Jehova upang makita niya at marinig ang kaniyang salita?+ Sino ang nagtuon ng pansin sa kaniyang salita upang marinig niya iyon?+ 19 Narito! Ang buhawi ni Jehova, ang pagngangalit mismo, ay tiyak na lalabas, isa ngang unos na umiinog.+ Sa ibabaw ng ulo ng mga balakyot ay iinog iyon.+ 20 Ang galit ni Jehova ay hindi mapapawi hanggang sa matupad na niya+ at hanggang sa mapangyari na niyang magkatotoo ang mga kaisipan ng kaniyang puso.+ Sa huling bahagi ng mga araw ay pag-iisipan ninyo iyon nang may pagkaunawa.+
21 “Hindi ko isinugo ang mga propeta, gayunma’y tumakbo sila. Hindi ako nagsalita sa kanila, gayunma’y nanghula sila.+ 22 Ngunit kung tumayo silang kasama ng aking matalik+ na kapisanan, naiparinig sana nila sa aking bayan ang aking mga salita, at kanila sanang naitalikod sila mula sa kanilang masamang lakad at mula sa kasamaan ng kanilang mga pakikitungo.”+
23 “Ako ba ay Diyos sa malapit,” ang sabi ni Jehova, “at hindi Diyos sa malayo?”+
24 “O maikukubli ba ang sinumang tao sa mga kublihang dako at hindi ko siya makikita?”+ ang sabi ni Jehova.
“Hindi nga ba ang langit at ang lupa ang aking pinupuno?”+ ang sabi ni Jehova. 25 “Narinig ko ang sinabi ng mga propeta na nanghuhula ng kabulaanan sa aking pangalan,+ na sinasabi, ‘Nanaginip ako! Nanaginip ako!’+ 26 Hanggang kailan iyon mananatili sa puso ng mga propeta na nanghuhula ng kabulaanan at siyang mga propeta ng pandaraya ng kanilang sariling puso?+ 27 Iniisip nilang ipalimot sa aking bayan ang aking pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga panaginip na patuloy nilang isinasaysay sa isa’t isa,+ kung paanong nalimot ng kanilang mga ama ang aking pangalan dahil kay Baal.+ 28 Ang propeta na may panaginip, isaysay niya ang panaginip; ngunit ang isa na kinaroroonan ng aking salita, salitain niya ang aking salita nang may katotohanan.”+
“Ano ang kinalaman ng dayami sa butil?”+ ang sabi ni Jehova.
29 “Hindi ba ang aking salita ay tulad din ng apoy,”+ ang sabi ni Jehova, “at tulad ng martilyong pampanday na dumudurog sa malaking bato?”+
30 “Kaya narito, ako ay laban sa mga propeta,”+ ang sabi ni Jehova, “yaong mga nagnanakaw ng aking mga salita, bawat isa mula sa kaniyang kapuwa.”+
31 “Narito, ako ay laban sa mga propeta,” ang sabi ni Jehova, “yaong mga gumagamit ng kanilang dila upang masabi nila, ‘Isang pasabi!’ ”+
32 “Narito, ako ay laban sa mga propeta ng bulaang mga panaginip,” ang sabi ni Jehova, “na nagsasaysay ng mga iyon at nagliligaw sa aking bayan dahil sa kanilang mga kabulaanan+ at dahil sa kanilang paghahambog.”+
“Ngunit hindi ko sila isinugo o inutusan man. Kaya talagang hindi sila magiging kapaki-pakinabang sa bayang ito,”+ ang sabi ni Jehova.
33 “At kapag ang bayang ito o ang propeta o saserdote ay nagtanong sa iyo, na sinasabi, ‘Ano ang pasanin ni Jehova?’+ sabihin mo rin sa kanila, ‘ “Kayo nga—O anong pasanin!+ At pababayaan ko nga kayo,”+ ang sabi ni Jehova.’ 34 Kung tungkol sa propeta o sa saserdote o sa bayan na nagsasabi, ‘Ang pasanin ni Jehova!’ ibabaling ko rin ang aking pansin sa taong iyon at sa kaniyang sambahayan.+ 35 Ito ang patuloy ninyong sinasabi, ng bawat isa sa kaniyang kapuwa at ng bawat isa sa kaniyang kapatid, ‘Ano ang isinagot ni Jehova? At ano ang sinalita ni Jehova?’+ 36 Ngunit ang pasanin+ ni Jehova ay huwag na ninyong banggitin,+ sapagkat ang nagiging pasanin ng bawat isa ay ang kaniyang sariling salita,+ at binago ninyo ang mga salita ng Diyos na buháy,+ ni Jehova ng mga hukbo, na ating Diyos.
37 “Ito ang sasabihin mo sa propeta, ‘Anong sagot ang ibinigay sa iyo ni Jehova? At ano ang sinalita ni Jehova?+ 38 At kung “Ang pasanin ni Jehova!” ang siyang patuloy ninyong sinasabi, kung gayon ay ito ang sinabi ni Jehova: “Dahil sa pagsasabi ninyo, ‘Ang salitang ito ang mismong pasanin ni Jehova,’ gayong patuloy akong nagsusugo sa inyo, na sinasabi, ‘Huwag ninyong sasabihin: “Ang pasanin ni Jehova!” ’ 39 kaya narito ako! At pababayaan ko kayo nang lubus-lubusan,+ at iiwan ko kayo at ang lunsod na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga ninuno—mula sa harap ko.+ 40 At ilalagay ko sa inyo ang kadustaan hanggang sa panahong walang takda at ang kahihiyan hanggang sa panahong walang takda, na hindi malilimutan.” ’ ”+