Genesis
41 Pagkaraan ng dalawang buong taon, nanaginip ang Paraon+ na nakatayo siya sa tabi ng Ilog Nilo. 2 At mula sa ilog ay umahon ang pitong magaganda at matatabang baka, at nanginain ang mga iyon sa damuhan ng Nilo.+ 3 Kasunod ng mga iyon ay umahon mula sa Nilo ang pitong pangit at payat na mga baka, at tumayo ang mga iyon sa tabi ng matatabang baka sa may pampang ng Nilo. 4 Pagkatapos, nilamon ng pangit at payat na mga baka ang pitong magaganda at matatabang baka. At nagising ang Paraon.
5 Pero natulog siya ulit at nanaginip sa ikalawang pagkakataon. Sumibol sa isang tangkay ang pitong malalaki at matatabang uhay.+ 6 Kasunod ng mga iyon ay sumibol ang pitong uhay na payat at natuyot ng hanging silangan. 7 Nilamon ng payat na mga uhay ang pitong malalaki at matatabang uhay. At nagising ang Paraon, at naisip niyang nananaginip lang pala siya.
8 Kinaumagahan, hindi siya mapakali. Kaya ipinatawag niya ang lahat ng mahikong saserdote at matatalinong tao sa Ehipto. Sinabi ng Paraon sa kanila ang mga panaginip niya, pero walang makapagbigay sa Paraon ng kahulugan ng mga iyon.
9 Kaya sinabi ng punong katiwala ng kopa sa Paraon: “Sasabihin ko ngayon ang mga kasalanan ko. 10 Galit na galit noon ang Paraon sa mga lingkod niya. Kaya ipinakulong niya ako sa bilangguang nasa pangangasiwa ng pinuno ng mga bantay, ako at ang punong panadero.+ 11 Isang gabi, pareho kaming nanaginip. Magkaiba ang kahulugan ng mga panaginip namin.+ 12 At may kasama kami roon na isang lalaking Hebreo, na lingkod ng pinuno ng mga bantay.+ Nang ikuwento namin sa kaniya ang bawat panaginip,+ sinabi niya ang kahulugan ng mga iyon. 13 At kung ano ang sinabi niyang kahulugan, iyon nga ang nangyari. Ibinalik ako sa katungkulan ko, pero ibinitin sa tulos ang isa.”+
14 Kaya ipinatawag ng Paraon si Jose,+ at dali-dali nila siyang inilabas sa bilangguan.*+ Nag-ahit siya, nagpalit ng damit, at pumunta sa Paraon. 15 Sinabi ng Paraon kay Jose: “Nanaginip ako, pero walang makapagbigay ng kahulugan nito. Nabalitaan kong kapag narinig mo ang isang panaginip, kaya mong sabihin ang kahulugan nito.”+ 16 Sinabi ni Jose sa Paraon: “Hindi po ako! Ang Diyos ang magsasalita para sa ikabubuti ng Paraon.”+
17 Sinabi ng Paraon kay Jose: “Sa panaginip ko, nakatayo ako sa may pampang ng Ilog Nilo. 18 At mula sa Nilo ay umahon ang pitong magaganda at matatabang baka, at nanginain ang mga iyon sa damuhan ng Nilo.+ 19 Kasunod ng mga iyon ay umahon ang pito pang baka, na mahihina, napakapangit, at payat. Hindi pa ako nakakita ng ganoon kapangit na mga baka sa buong lupain ng Ehipto. 20 At nilamon ng payat at pangit na mga baka ang pitong matatabang baka. 21 Pero pagkatapos nilang lamunin ang mga iyon, walang makakahalata na ginawa nila iyon, dahil payat at pangit pa rin sila gaya noong una. At nagising ako.
22 “Pagkatapos, nakita ko sa panaginip ko na sumibol sa isang tangkay ang pitong malalaki at matatabang uhay.+ 23 Kasunod ng mga iyon ay sumibol ang pitong tuyong uhay na payat at natuyot ng hanging silangan. 24 At nilamon ng payat na mga uhay ang pitong matatabang uhay. Sinabi ko iyon sa mga mahikong saserdote,+ pero walang makapagpaliwanag nito sa akin.”+
25 Pagkatapos, sinabi ni Jose sa Paraon: “Iisa lang ang kahulugan ng mga panaginip ng Paraon. Ipinaalám ng tunay na Diyos sa Paraon kung ano ang gagawin Niya.+ 26 Ang pitong magagandang baka ay pitong taon. Ang pitong magagandang uhay ay pitong taon din. Iisa lang ang kahulugan ng mga panaginip. 27 Ang pitong payat at pangit na baka na umahong kasunod nila ay pitong taon, at ang pitong uhay na walang laman, na natuyot ng hanging silangan, ay nangangahulugang pitong taon ng taggutom. 28 Gaya nga ng sinabi ko sa Paraon: Ipinakita ng tunay na Diyos sa Paraon kung ano ang gagawin Niya.
29 “Magkakaroon ng pitong-taóng kasaganaan sa buong lupain ng Ehipto. 30 Pero kasunod nito ay magkakaroon naman ng pitong-taóng taggutom, at malilimutan nga ang lahat ng kasaganaan sa lupain ng Ehipto, at napakalaki ng pinsalang idudulot ng taggutom sa lupain.+ 31 At hindi na maaalaala ang naranasang kasaganaan sa lupain dahil sa kasunod nitong taggutom, dahil magiging napakatindi nito. 32 Dalawang beses itong napanaginipan ng Paraon dahil pinagtibay ito ng tunay na Diyos, at malapit na itong gawin ng tunay na Diyos.
33 “Kaya maghanap ang Paraon ng isang taong matalino at may unawa para atasang mamahala sa lupain ng Ehipto. 34 Kailangang kumilos ang Paraon at mag-atas ng mga mangangasiwa sa lupain, at kunin ng Paraon ang ikalimang bahagi ng ani sa Ehipto sa panahon ng pitong-taóng kasaganaan.+ 35 At titipunin nila ang lahat ng pagkain sa darating na saganang mga taon, at itatago nila at babantayan ang mga butil sa mga imbakan ng Paraon sa mga lunsod.+ 36 Iyon ang magiging suplay ng pagkain sa lupain para sa pitong-taóng taggutom na mararanasan sa Ehipto, para hindi malipol ang mga tao at hayop dahil sa taggutom.”+
37 Nagustuhan ng Paraon at ng lahat ng lingkod niya ang mungkahing ito. 38 Kaya sinabi ng Paraon sa mga lingkod niya: “May makikita pa ba tayong gaya ng lalaking ito na may espiritu ng Diyos?” 39 At sinabi ng Paraon kay Jose: “Dahil ipinaalám sa iyo ng Diyos ang lahat ng ito, wala nang mas matalino at mas may unawa kaysa sa iyo. 40 Ikaw mismo ang mamamahala sa sambahayan ko, at susundin ng buong bayan ko ang lahat ng sasabihin mo.+ Magiging mas dakila lang ako sa iyo dahil sa papel ko bilang hari.”* 41 Sinabi pa ng Paraon kay Jose: “Inaatasan kita ngayong mamahala sa buong lupain ng Ehipto.”+ 42 Pagkatapos, hinubad ng Paraon ang kaniyang singsing na panlagda at isinuot iyon kay Jose, dinamtan siya ng mga damit na yari sa magandang klase ng lino, at sinuotan siya ng gintong kuwintas. 43 Pinasakay niya rin siya sa ikalawang karwahe* ng hari, at sumisigaw sila sa unahan niya, “Avrek!”* Sa gayong paraan niya siya inatasang mamahala sa buong lupain ng Ehipto.
44 Sinabi pa ng Paraon kay Jose: “Ako ang Paraon, pero kung wala ang pahintulot mo, walang sinuman sa buong lupain ng Ehipto ang makagagawa ng anuman.”*+ 45 Pagkatapos, pinangalanan ng Paraon si Jose na Zapenat-panea at ibinigay sa kaniya bilang asawa si Asenat,+ na anak ni Potipera na saserdote ng On.* At si Jose ay nagsimulang mangasiwa* sa lupain ng Ehipto.+ 46 Si Jose ay 30 taóng gulang+ nang tumayo siya sa harap ng* Paraon na hari ng Ehipto.
Pagkatapos, umalis si Jose mula sa harap ng Paraon at lumibot sa buong lupain ng Ehipto. 47 At sa loob ng pitong-taóng kasaganaan, naging napakabunga ng* lupain. 48 At sa loob ng pitong taon, patuloy niyang tinipon ang lahat ng pagkain sa lupain ng Ehipto, at inilalagay niya ang pagkain sa mga lunsod. Sa bawat lunsod ay iniimbak niya ang pagkain mula sa mga bukid na nakapalibot dito. 49 Patuloy na nag-imbak si Jose ng napakaraming butil, tulad ng buhangin sa dagat, hanggang sa tumigil na silang alamin kung gaano karami iyon dahil hindi na iyon kayang alamin.
50 Bago dumating ang taon ng taggutom, nagkaroon ng dalawang anak na lalaki si Jose+ kay Asenat, na anak ni Potipera na saserdote ng On.* 51 Pinangalanan ni Jose ang panganay niya na Manases,*+ dahil ang sabi niya, “Ipinalimot sa akin ng Diyos ang lahat ng paghihirap ko at ang buong sambahayan ng ama ko.” 52 At pinangalanan niyang Efraim*+ ang ikalawa, dahil ang sabi niya, “Ginawa akong palaanakin ng Diyos sa lupain ng pagdurusa ko.”+
53 At natapos ang pitong-taóng kasaganaan sa lupain ng Ehipto,+ 54 at nagsimula ang pitong-taóng taggutom, gaya ng sinabi ni Jose.+ Naranasan ang taggutom sa lahat ng lupain, pero may tinapay* sa buong lupain ng Ehipto.+ 55 Nang maglaon, naapektuhan na rin ng taggutom ang buong lupain ng Ehipto, at nagsimulang humingi ng tinapay sa Paraon ang bayan.+ Kaya sinabi ng Paraon sa lahat ng Ehipsiyo: “Pumunta kayo kay Jose, at gawin ninyo ang anumang sabihin niya.”+ 56 Nagpatuloy ang taggutom sa buong lupa.+ At binuksan ni Jose ang lahat ng imbakan ng butil na nasa gitna nila at ipinagbili sa mga Ehipsiyo,+ dahil napakatindi ng taggutom sa lupain ng Ehipto. 57 Bukod diyan, pumupunta sa Ehipto ang mga tao sa buong lupa para bumili kay Jose, dahil napakatindi ng taggutom sa buong lupa.+