Unang Liham sa mga Taga-Tesalonica
1 Akong si Pablo, kasama sina Silvano+ at Timoteo,+ ay sumusulat sa kongregasyon ng mga taga-Tesalonica+ na kaisa ng Diyos na Ama at ng Panginoong Jesu-Kristo:+
Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan.
2 Lagi naming pinasasalamatan ang Diyos kapag binabanggit namin kayong lahat sa panalangin,+ 3 dahil lagi naming naaalaala sa harap ng ating Diyos at Ama ang mga bagay na ginawa ninyo dahil sa inyong pananampalataya at pag-ibig at kung paano kayo nagtiis* dahil sa inyong pag-asa+ sa ating Panginoong Jesu-Kristo. 4 Dahil mga kapatid na minamahal ng Diyos, alam naming pinili niya kayo, 5 dahil nang ipangaral namin sa inyo ang mabuting balita, hindi lang kami basta nagsalita; ibinahagi namin iyon nang may puwersa, sa tulong ng banal na espiritu, at may kombiksiyon.+ At kayo mismo ang nakakita kung naging anong uri kami ng tao alang-alang sa inyo. 6 At tinularan ninyo kami+ at ang Panginoon,+ dahil tinanggap ninyo ang salita ng Diyos nang may kagalakan na mula sa banal na espiritu kahit nagdurusa kayo,+ 7 kaya naging halimbawa kayo sa lahat ng mananampalataya sa Macedonia at Acaya.
8 Ang totoo, hindi lang ang salita ni Jehova ang lumaganap sa Macedonia at Acaya sa pamamagitan ninyo; lumaganap din sa lahat ng lugar ang tungkol sa pananampalataya ninyo sa Diyos,+ kaya wala na kaming kailangan pang sabihin. 9 Dahil sila mismo ang paulit-ulit na nagsasabi kung paano namin kayo unang nakilala at kung paanong tinalikuran ninyo ang inyong mga idolo+ para magpaalipin sa buháy at tunay na Diyos 10 at para maghintay sa kaniyang Anak mula sa langit,+ si Jesus, na binuhay niyang muli* at siyang nagliligtas sa atin mula sa dumarating na poot ng Diyos.+