Ezekiel
37 Sumaakin ang kapangyarihan* ni Jehova, at sa pamamagitan ng espiritu niya, dinala ako ni Jehova at ibinaba sa gitna ng kapatagan,+ at iyon ay punô ng buto. 2 Pinadaan niya ako sa palibot ng mga iyon, at nakita kong napakaraming buto sa kapatagan, at tuyong-tuyo ang mga iyon.+ 3 Nagtanong siya: “Anak ng tao, puwede bang mabuhay ang mga butong ito?” Sinabi ko: “Kataas-taasang Panginoong Jehova, ikaw ang nakaaalam.”+ 4 Kaya sinabi niya: “Humula ka tungkol sa mga butong ito, at sabihin mo, ‘Kayong tuyong mga buto, pakinggan ninyo ang salita ni Jehova:
5 “‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova sa mga butong ito: “Bibigyan ko kayo ng hininga,* at mabubuhay kayo.+ 6 Lalagyan ko kayo ng mga litid at laman, at babalutin ko kayo ng balat at bibigyan ng hininga,* at mabubuhay kayo; at malalaman ninyo na ako si Jehova.”’”
7 At humula ako gaya ng iniutos sa akin. Habang humuhula ako, may narinig akong ingay, may kumakalampag, at nagsimulang magdugtong-dugtong ang mga buto. 8 At nakita kong nagkaroon sila ng mga litid at laman, at nabalot sila ng balat. Pero wala pa silang hininga.*
9 Sinabi pa niya sa akin: “Humula ka sa hangin. Humula ka, anak ng tao, at sabihin mo sa hangin, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Mula sa apat na hangin ay pumarito ka, O hangin, at hipan mo ang mga taong ito na pinatay para mabuhay sila.”’”
10 Kaya humula ako gaya ng iniutos niya sa akin, at nagkaroon sila ng hininga,* at nabuhay sila at tumayo,+ isang napakalaking hukbo.
11 At sinabi niya sa akin: “Anak ng tao, ang mga butong ito ay ang buong sambahayan ng Israel.+ Sinasabi nila, ‘Natuyo ang aming mga buto, at nawala ang aming pag-asa.+ Lubusan kaming inihiwalay sa iba.’ 12 Kaya humula ka, at sabihin mo, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Bubuksan ko ang inyong libingan+ at ibabangon kayo mula roon, bayan ko, at dadalhin ko kayo sa Israel.+ 13 At malalaman ninyo na ako si Jehova kapag binuksan ko ang inyong libingan at kapag ibinangon ko kayo at inilabas doon, O bayan ko.”’+ 14 ‘Ilalagay ko sa inyo ang espiritu ko, at mabubuhay kayo,+ at patitirahin ko kayo sa inyong lupain; at malalaman ninyo na akong si Jehova ang nagsalita at gumawa nito,’ ang sabi ni Jehova.”
15 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova: 16 “At ikaw, anak ng tao, kumuha ka ng patpat at isulat mo roon, ‘Para kay Juda at sa bayang Israel na kasama niya.’+ At kumuha ka ng isa pang patpat at isulat mo roon, ‘Para kay Jose, ang patpat ni Efraim, at sa buong sambahayan ng Israel na kasama niya.’+ 17 At pagdikitin mo ang mga iyon para maging isang patpat sa iyong kamay.+ 18 Kapag sinabi sa iyo ng iyong bayan,* ‘Hindi mo ba sasabihin sa amin kung ano ang ibig sabihin ng mga ito?’ 19 sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Kukunin ko ang patpat ni Jose, na nasa kamay ni Efraim, at ng mga tribo ng Israel na kasama niya, at ididikit ko ito sa patpat ni Juda; at gagawin ko silang iisang patpat,+ at magiging iisa na lang sila sa aking kamay.”’ 20 Ang mga patpat na sinulatan mo ay dapat na nasa iyong kamay para makita nila.
21 “At sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Kukunin ko ang mga Israelita mula sa mga bansa kung saan sila nanirahan, at titipunin ko sila mula sa lahat ng direksiyon at dadalhin sa lupain nila.+ 22 Gagawin ko silang iisang bansa sa lupain,+ sa mga bundok ng Israel, at isang hari ang mamamahala sa kanilang lahat,+ at hindi na sila magiging dalawang bansa; hindi na rin sila mahahati sa dalawang kaharian.+ 23 Hindi na nila durungisan ang sarili nila sa pamamagitan ng kanilang karima-rimarim na mga idolo* at kasuklam-suklam na mga gawain at lahat ng kanilang kasalanan.+ Ililigtas ko sila mula sa lahat ng kawalang-katapatan nila na naging dahilan ng pagkakasala nila, at lilinisin ko sila. Sila ay magiging bayan ko, at ako ang magiging Diyos nila.+
24 “‘“Ang lingkod kong si David ang magiging hari nila,+ at magkakaroon sila ng iisang pastol.+ Isasagawa nila ang mga hudisyal na pasiya ko at susundin ang mga batas ko.+ 25 Maninirahan sila sa lupaing ibinigay ko sa lingkod kong si Jacob, kung saan tumira ang inyong mga ninuno,+ at titira sila roon magpakailanman,+ sila at ang mga anak nila at ang mga anak ng mga anak nila;+ at ang lingkod kong si David ang magiging pinuno* nila magpakailanman.+
26 “‘“At makikipagtipan ako sa kanila para sa kapayapaan;+ ito ay magiging isang walang-hanggang tipan. Ibibigay ko sa kanila ang lupain nila at pararamihin sila,+ at ilalagay ko sa gitna nila ang aking santuwaryo magpakailanman. 27 Maninirahan akong kasama nila,* at ako ang magiging Diyos nila, at sila ay magiging bayan ko.+ 28 At malalaman ng mga bansa na akong si Jehova ang nagpapabanal sa Israel kapag ang aking santuwaryo ay nasa gitna na nila magpakailanman.”’”+