PAGKABIHAG
Sa kasaysayan ng Bibliya, maraming iba’t ibang pagkabihag ang binabanggit. (Bil 21:29; 2Cr 29:9; Isa 46:2; Eze 30:17, 18; Dan 11:33; Na 3:10; Apo 13:10; tingnan ang BIHAG.) Gayunman, sa Bagong Sanlibutang Salin, ang salitang “pagkabihag” ay maaaring tumukoy sa maramihang pagpapatapon sa mga Judio mula sa Lupang Pangako noong ikawalo at ikapitong siglo B.C.E. na ginawa ng mga Kapangyarihang Pandaigdig ng Asirya at Babilonya, at tinatawag din itong “pagkatapon.”—Ezr 3:8; 6:21; Mat 1:17; tingnan ang PAGKATAPON; para sa pagtalakay sa “pagkabihag” na ginamit sa Galacia 3:19-25, tingnan ang PAGKAKULONG, PAGKABIHAG.
Nagbabala si Jeremias, si Ezekiel, at ang iba pang mga propeta tungkol sa malaking kapahamakang ito sa ganitong mga pananalita: “Ang sinumang ukol sa pagkabihag, sa pagkabihag!” “Ikaw naman, O Pasur, at ang lahat ng tumatahan sa iyong bahay, yayaon kayo sa pagkabihag; at paroroon ka sa Babilonya.” “May ganitong kapahayagan laban sa Jerusalem at sa buong sambahayan ng Israel . . . ‘Sa pagkatapon, sa pagkabihag ay yayaon sila.’” (Jer 15:2; 20:6; Eze 12:10, 11) Nang maglaon, may kinalaman sa pagbabalik ng mga bihag sa Babilonya, inilahad ni Nehemias (7:6): “Ito ang mga anak ng nasasakupang distrito na umahon mula sa pagkabihag ng itinapong bayan na dinala ni Nabucodonosor na hari ng Babilonya sa pagkatapon at nang maglaon ay siyang bumalik sa Jerusalem at sa Juda.”—Tingnan din ang Ezr 2:1; 3:8; 8:35; Ne 1:2, 3; 8:17.
Waring ang Asirya ang nagpasimula ng patakarang paalisin ang buong populasyon ng nabihag na mga bayan mula sa kanilang sariling lupain at patirahan ang teritoryong iyon sa mga bihag na mula naman sa ibang mga bahagi ng imperyo. Ang patakarang ito ng Asirya hinggil sa pagpapatapon ay hindi lamang ipinatupad laban sa mga Judio. Nang bumagsak ang Damasco, na kabisera ng Sirya, dahil sa mapangwasak na pagsalakay militar ng ikalawang kapangyarihang pandaigdig na ito, ipinatapon sa Kir ang taong-bayan ng Damasco, gaya ng inihula ng propetang si Amos. (2Ha 16:8, 9; Am 1:5) Dalawa ang naging epekto ng patakarang ito: Hinadlangan nito ang paghihimagsik ng ilang nalabi sa lupain; at ang nakapalibot na mga bansa na maaaring naging kaibigan ng mga kinuhang bihag ay hindi gaanong magnanais na tumulong sa baguhang mga banyaga na dinala roon mula sa malalayong lugar.
Kapuwa sa hilagang sampung-tribong kaharian ng Israel at sa timugang dalawang-tribong kaharian ng Juda, iisa ang pinakasanhi na humantong sa pagkabihag: ang pag-iwan sa tunay na pagsamba kay Jehova upang bumaling sa pagsamba sa huwad na mga diyos. (Deu 28:15, 62-68; 2Ha 17:7-18; 21:10-15) Sa bahagi naman ni Jehova, patuloy niyang isinugo ang kaniyang mga propeta upang babalaan ang dalawang bansa ngunit walang nangyari. (2Ha 17:13) Walang isa man sa mga hari ng sampung-tribong kaharian ng Israel ang lubusang lumipol sa huwad na pagsambang pinasimulan ng unang hari ng bansang iyon, si Jeroboam. Ang Juda naman, na kaniyang kapatid na kaharian sa T, ay hindi nagbigay-pansin kapuwa sa tahasang mga babala ni Jehova at sa pagkabihag na dinanas ng Israel. (Jer 3:6-10) Nang maglaon, ang mga tumatahan sa dalawang kahariang iyon ay dinala sa pagkatapon, anupat bawat bansa ay nakaranas ng mahigit sa isang lansakang pagpapatapon.
Pasimula ng Pagkatapon. Noong panahon ng paghahari sa Samaria ng Israelitang si Haring Peka (mga 778-759 B.C.E.), dumating ang Asiryanong si Haring Pul (Tiglat-pileser III) laban sa Israel, binihag niya ang isang malaking bahagi sa H, at ipinatapon niya ang mga tumatahan doon tungo sa mga silanganing bahagi ng kaniyang imperyo. (2Ha 15:29) Ang monarka ring ito ang bumihag sa teritoryo sa S ng Jordan at mula sa dakong iyon ay “dinala [niya] sa pagkatapon yaong mula sa mga Rubenita at mula sa mga Gadita at mula sa kalahati ng tribo ni Manases at dinala sila sa Hala at Habor at Hara at sa ilog ng Gozan upang manatili hanggang sa araw na ito.”—1Cr 5:26.
Noong 742 B.C.E., kinubkob ng hukbong Asiryano sa ilalim ni Salmaneser V ang Samaria. (2Ha 18:9, 10) Nang bumagsak ang Samaria noong 740 B.C.E., anupat nagwakas ang sampung-tribong kaharian, ang mga tumatahan doon ay dinala sa pagkatapon “sa Hala at sa Habor sa ilog ng Gozan at sa mga lunsod ng mga Medo.” Ayon sa Kasulatan, ito ay sa dahilang “hindi nila pinakinggan ang tinig ni Jehova na kanilang Diyos, kundi patuloy na nilabag ang kaniyang tipan, maging ang lahat ng iniutos ni Moises na lingkod ni Jehova. Hindi sila nakinig ni nagsagawa man.”—2Ha 18:11, 12; 17:6; tingnan ang SARGON.
Pagkatapos nito, ang mga bihag mula sa malalayo at nakapangalat na mga lugar ay dinala at pinamayan sa mga lunsod ng Samaria. “Pagkaraan nito ay nagdala ang hari ng Asirya ng mga tao mula sa Babilonya at Cuta at Ava at Hamat at Separvaim at pinatahan sila sa mga lunsod ng Samaria kahalili ng mga anak ni Israel; at pinasimulan nilang ariin ang Samaria at nanahanan sa mga lunsod nito.” (2Ha 17:24) Dinala rin ng mga banyagang ito ang kanilang paganong relihiyon; “ang bawat bansa ay naging tagagawa ng kani-kanilang diyos.” At dahil hindi nila pinakundanganan o iginalang si Jehova, “nagsugo [siya] ng mga leon sa gitna nila, at ang mga iyon ay pumatay sa gitna nila.” Dahil dito, ibinalik ng hari ng Asirya ang isa sa mga saserdoteng Israelita, “at siya ay naging guro nila kung paano nila dapat katakutan si Jehova.” Kaya naman gaya ng sinasabi ng ulat, “Kay Jehova sila natatakot, ngunit sila ay mga mananamba ng kani-kanilang mga diyos, ayon sa relihiyon ng mga bansa na mula roon ay dinala nila sila sa pagkatapon.”—2Ha 17:25-33.
Noong siglong iyon mula nang bumagsak ang hilagang kaharian at patuloy, nagsimula ang iba pang mga bantog na pagkatapon. Bago ang kahiya-hiyang pagkatalo ni Senakerib sa kamay ng Diyos noong 732 B.C.E., sinalakay niya ang iba’t ibang lugar sa Juda. Inangkin ni Senakerib sa kaniyang mga ulat ng kasaysayan na 200,150 ang binihag niya mula sa mga bayan at mga tanggulan sa teritoryo ng Juda, bagaman, kung ibabatay sa konteksto ng mga ulat na iyon, malamang na ang bilang na iyon ay pinalabis. (2Ha 18:13) Ang kahalili niya na si Esar-hadon at ang Asiryanong monarka na kasunod nito, si Asenapar (Ashurbanipal), ay kapuwa nagdala ng mga bihag sa mga teritoryong banyaga.—Ezr 4:2, 10.
Noong 628 B.C.E., iginapos ni Paraon Neco ng Ehipto ang anak ni Josias na si Jehoahaz ng timugang kaharian at dinala itong bihag sa Ehipto. (2Cr 36:1-5) Ngunit pagkaraan pa ng mahigit sa isang dekada, noong 617 B.C.E., saka dinala sa pagkatapon sa Babilonya ang unang mga bihag mula sa Jerusalem. Dumating si Nabucodonosor laban sa mapaghimagsik na lunsod na iyon at tinangay ang prominenteng mga tao, kabilang si Haring Jehoiakin at ang kaniyang ina, at ang mga lalaking gaya nina Ezekiel, Daniel, Hananias, Misael, at Azarias, kasama ang mga “prinsipe at ang lahat ng magigiting at makapangyarihang mga lalaki—sampung libo ang dinala niya sa pagkatapon—at gayundin ang bawat bihasang manggagawa at tagapagtayo ng mga balwarte. Walang sinumang itinira maliban sa mababang uri sa mga tao ng lupain . . . Mga opisyal ng korte at ang mga pangunahing tao sa lupain ay dinala niya bilang itinapong bayan mula sa Jerusalem patungo sa Babilonya. Kung tungkol sa lahat ng magigiting na lalaki, pitong libo, at sa mga bihasang manggagawa at sa mga tagapagtayo ng mga balwarte, isang libo, ang lahat ng makapangyarihang lalaki na may kakayahang makipagdigma, dinala sila ng hari ng Babilonya bilang itinapong bayan sa Babilonya.” Marami rin siyang kinuhang kayamanan mula sa templo. (2Ha 24:12-16; Es 2:6; Eze 1:1-3; Dan 1:2, 6) Ang tiyo ni Jehoiakin na si Zedekias ay pinaiwan bilang basalyong hari. May iba pa na mga kinikilala, kabilang na ang propetang si Jeremias, na nanatili rin sa Jerusalem. Dahil sa malaking bilang ng mga bihag na nakaulat sa 2 Hari 24:14, lumilitaw na ang bilang na 3,023 na nakatala sa Jeremias 52:28 ay tumutukoy sa mga may katungkulan, o sa mga ulo ng pamilya—anupat ang kanilang mga asawa at mga anak, may bilang na libu-libo, ay hindi kasama sa bilang na ito.
Ang huling pagkabihag ng Jerusalem na isinagawa ni Nabucodonosor ay natapos noong 607 B.C.E., pagkaraan ng 18-buwan ng pagkubkob. (2Ha 25:1-4) Noong panahong iyon, ang karamihan sa mga tumatahan sa lunsod ay dinalang bihag. Ang ilan sa mga maralita sa lupain ay hinayaang maiwan “bilang mga tagapag-alaga ng ubasan at bilang mga sapilitang trabahador” sa ilalim ng pagkagobernador ni Gedalias sa Mizpa. (Jer 52:16; 40:7-10; 2Ha 25:22) Kabilang sa mga dinalang bihag sa Babilonya “ang ilan sa mga maralita sa bayan at ang iba pa sa bayan na naiwan sa lunsod at ang mga humiwalay . . . at ang iba pa sa mga dalubhasang manggagawa.” Lumilitaw na ipinahihiwatig ng pananalitang “na naiwan sa lunsod” na malaking bilang ang namatay sa taggutom, sakit, o sunog, o kaya ay napatay sa digmaan. (Jer 52:15; 2Ha 25:11) Sa utos ng hari ng Babilonya ay pinatay ang mga anak ni Zedekias, ang mga prinsipe ng Juda, ang mga opisyal ng korte, ang ilang saserdote, at ang maraming iba pang prominenteng mamamayan. (2Ha 25:7, 18-21; Jer 52:10, 24-27) Maaaring ang lahat ng ito ang dahilan kung bakit waring kakaunti ang aktuwal na nakatala bilang mga dinala sa pagkatapon, na 832 lamang, malamang ay mga ulo ng sambahayan, anupat hindi kabilang ang kanilang mga asawa at mga anak.—Jer 52:29.
Pagkaraan ng mga dalawang buwan, pagkatapos na mapaslang si Gedalias, ang iba pa sa mga Judio na naiwan sa Juda ay tumakas patungong Ehipto, at isinama nila sina Jeremias at Baruc. (2Ha 25:8-12, 25, 26; Jer 43:5-7) Maaaring ang ilan sa mga Judio ay tumakas din patungo sa ibang mga bansa sa palibot. Malamang na sa mga bansang ito nagmula ang 745 bihag, mga ulo ng sambahayan, na itinapon pagkaraan ng limang taon nang pagdurug-durugin ni Nabucodonosor, bilang makasagisag na pamalo ni Jehova, ang mga bansang kahangga ng Juda. (Jer 51:20; 52:30) Sinabi ni Josephus na limang taon matapos bumagsak ang Jerusalem, dinaluhong ni Nabucodonosor ang Ammon at Moab at pagkatapos ay humayo siyang pababa upang maghiganti sa Ehipto.—Jewish Antiquities, X, 181, 182 (ix, 7).
Ang situwasyon ng Jerusalem ay naiiba sa situwasyon ng ibang nilupig na mga lunsod gaya ng Samaria, na muling tinahanan ng mga banyagang bihag mula sa ibang mga bahagi ng Imperyo ng Asirya. Kabaligtaran ng karaniwang patakaran ng mga Babilonyo sa mga lunsod na nilupig nila, ang Jerusalem at ang kapaligiran nito ay iniwang walang mga tao at tiwangwang, gaya ng patiunang itinalaga ni Jehova. Maaaring kuwestiyunin ng mga kritiko ng Bibliya kung bakit ang dating maunlad na lupain ng Juda ay biglang naging “tiwangwang na kaguhuan, na walang tumatahan,” ngunit hindi maikakaila na walang katibayan sa kasaysayan o mga rekord mula sa yugtong ito ang nagpapatunay na hindi ito nangyari. (Jer 9:11; 32:43) Sinabi ng arkeologong si G. Ernest Wright: “Ang karahasang sumapit sa Juda ay maliwanag . . . batay sa arkeolohikal na mga pagsusuri na nagpapakitang sunud-sunod na mga lunsod ang nawalan ng tumatahan noong panahong iyon, anupat marami ang hindi na muling pinanirahan.” (Biblical Archaeology, 1962, p. 182) Sumang-ayon si William F. Albright: “Wala ni isa mang nalalamang kaso na ang isang bayan sa mismong Juda ay patuluyang pinanirahan sa buong yugto ng pagkatapon.”—The Archaeology of Palestine, 1971, p. 142.
Ang Kalagayan ng mga Tapon. Sa pangkalahatan, itinuring ang pagkabihag bilang isang yugto ng paniniil at pagkaalipin. Sinabi ni Jehova na sa halip na pagpakitaan ng awa ang Israel, “sa matandang lalaki ay ginawa mong [ng Babilonya] napakabigat ng iyong pamatok.” (Isa 47:5, 6) Tiyak na may mga kabayaran (buwis, tributo, singil), batay sa kanilang inaani o kinikita, na siningil sa kanila gaya rin ng ipinataw sa iba pang mga bihag. Gayundin, maliwanag na paniniil ang mismong bagay na ang dakilang templo ni Jehova sa Jerusalem ay sinamsaman at winasak, ang mga saserdote nito ay pinatay o dinala sa pagkatapon, at ang mga mananamba rito ay dinala sa pagkabihag at ginawang mga sakop ng isang banyagang kapangyarihan.
Gayunman, ang pagiging tapon sa isang banyagang lupain ay hindi kasinsaklap kaysa kung ipinagbili sila sa malupit at habang-buhay na pagkaalipin o pinatay sila sa sadistikong paraan na karaniwang ginagawa ng mga Asiryano at mga Babilonyo sa kanilang mga nalupig. (Isa 14:4-6; Jer 50:17) Waring sa paanuman ay binigyan ng kalayaan sa pagkilos ang itinapong mga Judio at napangasiwaan nila ang kanilang sariling mga gawain. (Ezr 8:1, 16, 17; Eze 1:1; 14:1; 20:1) “Sa buong bayang itinapon, na pinayaon ko sa pagkatapon sa Babilonya mula sa Jerusalem,” ang sabi ni Jehova: “Magtayo kayo ng mga bahay at tahanan ninyo, at magtanim kayo ng mga hardin at kainin ninyo ang bunga ng mga iyon. Kumuha kayo ng mga asawa at magkaanak kayo ng mga anak na lalaki at mga anak na babae; at kumuha kayo ng mga asawa para sa inyong mga anak na lalaki at ibigay ninyo ang inyong mga anak na babae sa mga asawang lalaki, upang magsilang sila ng mga anak na lalaki at mga anak na babae; at dumami kayo roon, at huwag kayong kumaunti. Gayundin, hanapin ninyo ang kapayapaan ng lunsod na doon ay pinayaon ko kayo sa pagkatapon, at ipanalangin ninyo iyon kay Jehova, sapagkat sa kapayapaan niyaon ay magkakaroon ng kapayapaan para sa inyo.” (Jer 29:4-7) Ang ilan sa kanila ay nagkaroon ng mga kasanayan sa iba’t ibang hanapbuhay na pinakinabangan nila nang magwakas na ang pagkatapon. (Ne 3:8, 31, 32) Naging dalubhasa ang iba sa kanila sa pagnenegosyo at pangangalakal. Maraming pangalang Judio ang natagpuan sa mga rekord ng negosyo. Dahil sa gayong pakikipagkalakalan at pakikihalubilo sa mga di-Judio, ang wikang Hebreo ay naimpluwensiyahan ng Aramaiko.
Ang yugto ng pagkabihag, na umabot ng 80 taon para sa ilan, ay natural lamang na nakaapekto sa pagsamba ng komunidad sa tunay na Diyos na si Jehova. Yamang walang templo, altar, at organisadong pagkasaserdote, hindi posibleng maghandog ng pang-araw-araw na mga hain. Gayunman, ang pagtutuli, pag-iwas sa maruruming pagkain, pangingilin ng Sabbath, at palagiang pananalangin ay magagawa ng tapat na mga Judio sa kabila ng panlilibak at panunuya ng iba. Hinggil sa bihag na si Daniel, ang ‘paglilingkod niya nang may katatagan’ sa kaniyang Diyos ay alam na alam ni Haring Dario at ng iba pa. Kahit noong legal na ipagbawal ang pagsusumamo sa iba maliban sa hari anupat nilakipan ito ng parusang kamatayan, “tatlong ulit nga sa isang araw ay iniluluhod [ni Daniel] ang kaniyang mga tuhod at nananalangin at naghahandog ng papuri sa harap ng kaniyang Diyos, gaya ng lagi niyang ginagawa bago pa nito.” (Dan 6:4-23) Ang gayong katapatan sa kanilang limitadong pagsamba ay nakatulong upang hindi maiwala ng mga tapong ito ang kanilang pagkakakilanlan bilang isang bansa. Nakinabang din sila sa naobserbahan nilang pagkakaiba sa pagitan ng pagiging napakasimple ng pagsamba kay Jehova at ng mapagparangya at idolatrosong materyalismo ng Babilonya. Tiyak na nakinabang din sila sa pagkanaroroon ng mga propeta ni Jehova, sina Ezekiel at Daniel.—Eze 8:1; Dan 1:6; 10:1, 2.
Habang naoorganisa ang mga Judio sa mga lokal na sinagoga, kinailangan ang mas marami pang kopya ng Kasulatan sa mga komunidad ng mga Judiong tapon sa buong Media, Persia, at Babilonia. Nakilala si Ezra bilang “isang dalubhasang tagakopya ng kautusan ni Moises,” na nagpapahiwatig na may mga kopya ng Kautusan ni Jehova na dinala mula sa Juda, na iginawa rin ng mga kopya. (Ezr 7:6) Tiyak na kabilang sa mahahalagang balumbong ito ng nakaraang mga salinlahi ang aklat ng Mga Awit, ngunit malamang na ang Awit 137, marahil pati ang Awit 126, ay kinatha noong panahon ng pagkabihag o di-nagtagal pagkatapos nito. Ang anim na tinatawag na mga Salmong Hallel (113 hanggang 118) ay inaawit noon sa mga dakilang kapistahan ng Paskuwa pagkabalik ng mga nalabi mula sa Babilonya.
Pagsasauli at ang Pangangalat. Walang maaasahang paglaya sa patakaran ng Babilonya na huwag pabalikin ang kanilang mga bihag. Ang Ehipto, na dating hinihingan ng tulong ng Israel, ay wala sa kalagayang tumulong sa paraang militar o sa iba pang paraan, at wala ring maitutulong ang iba pang mga bansa, kung hindi man sila tuwirang napopoot sa mga Judio. Ang kanilang tanging pag-asa ay ang makahulang mga pangako ni Jehova. Maraming siglo bago nito, binanggit ni Moises at ni Solomon ang pagsasauli na kasunod ng pagkabihag. (Deu 30:1-5; 1Ha 8:46-53) Tiniyak din ng ibang mga propeta na magkakaroon ng katubusan mula sa pagkatapon. (Jer 30:10; 46:27; Eze 39:25-27; Am 9:13-15; Zef 2:7; 3:20) Sa huling 18 kabanata (49-66) ng hula ni Isaias, malawakan niyang tinalakay ang temang ito ng pagsasauli. Gayunman, napatunayang mali ang mga bulaang propeta sa paghula ng mas maagang paglaya, at ang mga nagtiwala sa kanila ay ganap na nabigo.—Jer 28:1-17.
May-katumpakang inihula ng tapat na si Jeremias na ang Jerusalem at Juda ay matitiwangwang nang 70 taon, na susundan ng pagsasauli. (Jer 25:11, 12; 29:10-14; 30:3, 18) Tungkol dito, noong unang taon ni Dario na Medo, “napag-unawa [ni Daniel] sa pamamagitan ng mga aklat ang bilang ng mga taon na may kinalaman doon ay dumating kay Jeremias na propeta ang salita ni Jehova, na magaganap ang mga pagkawasak ng Jerusalem, samakatuwid ay pitumpung taon.”—Dan 9:1, 2.
Ilang tapon ang bumalik sa Jerusalem mula sa Babilonya noong 537 B.C.E.?
Noong maagang bahagi ng 537 B.C.E., ang Persianong si Haring Ciro II ay nagpalabas ng isang batas na nagpapahintulot sa mga bihag na bumalik sa Jerusalem at muling itayo ang templo. (2Cr 36:20, 21; Ezr 1:1-4) Di-nagtagal, pinasimulan na ang mga paghahanda. Sa pangangasiwa ni Gobernador Zerubabel at ng mataas na saserdoteng si Jesua, naglakbay nang mga apat na buwan ang bumalik na mga tapon na may bilang na 42,360 bukod pa sa 7,537 alipin at mang-aawit. Magkaiba ang iniulat nina Ezra at Nehemias na bilang ng indibiduwal na sambahayang Israelita na bumalik, pero pareho ang iniulat nilang kabuuang bilang. (Tingnan ang NEHEMIAS, AKLAT NG.) Pagsapit ng ikapitong buwan, noong taglagas, naninirahan na sila sa kanilang mga lunsod. (Ezr 1:5–3:1) Sa patnubay ng Diyos, ang maharlikang linya ni David na umaakay tungo kay Kristo ay naingatan sa pamamagitan ni Jehoiakin (Jeconias) at ni Zerubabel. Gayundin, ang angkan ng Levitikong mataas na saserdote ay nanatiling walang patid sa pamamagitan ni Jehozadak at pagkatapos ay sa pamamagitan ng kaniyang anak na si Jesua.—Mat 1:11-16; 1Cr 6:15; Ezr 3:2, 8.
Nang maglaon, mas marami pang bihag ang bumalik sa Palestina. Noong 468 B.C.E., mahigit sa 1,750 ang sumama kay Ezra, at lumilitaw na mga adultong lalaki lamang ang kasama sa bilang na ito. (Ezr 7:1–8:32) Pagkaraan ng ilang taon, naglakbay si Nehemias mula sa Babilonya patungong Jerusalem nang mga dalawang beses, ngunit hindi binanggit kung ilang Judio ang bumalik na kasama niya.—Ne 2:5, 6, 11; 13:6, 7.
Winakasan ng pagkabihag ang pagkakahiwalay ng Juda at ng Israel. Nang dalhin ng mga manlulupig ang mga bihag tungo sa pagkatapon, hindi nila pinagbukud-bukod ang mga ito ayon sa pinanggalingang tribo. Sinabi ni Jehova, “ang mga anak ni Israel at ang mga anak ni Juda ay sinisiil na magkakasama.” (Jer 50:33) Nang bumalik ang unang pangkat noong 537 B.C.E., kabilang sa kanila ang mga kinatawan mula sa lahat ng tribo ng Israel. Pagkatapos na muling maitayo ang templo, 12 lalaking kambing ang inihain, “ayon sa bilang ng mga tribo ng Israel.” (Ezr 6:16, 17) Ang kanilang muling pagkakaisa pagkatapos ng pagkabihag ay ipinahiwatig sa mga hula. Halimbawa, ipinangako ni Jehova na ‘ibabalik niya ang Israel.’ (Jer 50:19) Karagdagan pa, sinabi ni Jehova: “Ibabalik ko ang mga nabihag sa Juda at ang mga nabihag sa Israel, at itatayo ko sila gaya ng sa pasimula.” (Jer 33:7) Ipinakikita ng ilustrasyon ni Ezekiel tungkol sa dalawang patpat na ginawang iisa (37:15-28) na ang dalawang kaharian ay muling magiging iisang bansa. Inihula ni Isaias na si Jesu-Kristo ay magiging isang batong katitisuran “ng dalawang sambahayan ng Israel,” na malayong mangahulugan na si Jesus, o ang 12 na isinugo niya noong kaniyang ikatlong paglalakbay sa Galilea, ay dadalaw sa mga pamayanan sa napakalayong Media upang mangaral sa mga inapo ng mga Israelita mula sa hilagang kaharian. (Isa 8:14; Mat 10:5, 6; 1Pe 2:8) Ang propetisang si Ana, na nasa Jerusalem noong isilang si Jesus, ay mula sa tribo ni Aser, isang tribo na dating kabilang sa hilagang kaharian.—Luc 2:36.
Hindi lahat ng Judio ay bumalik sa Jerusalem kasama ni Zerubabel; “isang nalabi lamang” ang nagbalik. (Isa 10:21, 22) Sa mga bumalik, iilan lamang sa kanila ang nakakita sa orihinal na templo. Ang marami sa matatanda ay hindi sumama dahil sa hirap ng paglalakbay. Ang iba naman, bagaman kaya nilang maglakbay, ay nagpasiyang magpaiwan na lamang. Tiyak na marami ang nagtamo ng kaunting materyal na kasaganaan sa paglipas ng mga taon at nasiyahan nang manatili sa kinaroroonan nila. Kung hindi pangunahin sa kanilang buhay ang muling pagtatayo ng templo ni Jehova, hindi nila susuungin ang mapanganib na pagbibiyaheng iyon, yamang hindi nila tiyak kung anong kinabukasan ang naghihintay sa kanila. At, sabihin pa, yaong mga nag-apostata ay walang dahilan upang bumalik.
Nangangahulugan ito na bilang isang bayan, ang iba sa mga Judio ay nanatiling nakapangalat at nakilala bilang ang Di·a·spo·raʹ, o “Pangangalat.” Noong ikalimang siglo B.C.E., may mga komunidad ng mga Judio sa lahat ng 127 nasasakupang distrito ng Imperyo ng Persia. (Es 1:1; 3:8) Maging ang ilang inapo ng mga tapon ay nagkaroon pa rin ng matataas na posisyon sa pamahalaan: halimbawa, sina Mardokeo at Esther sa ilalim ng pamamahala ng Persianong hari na si Ahasuero (Jerjes I), at si Nehemias bilang maharlikang katiwala ng kopa ni Artajerjes Longimanus. (Es 9:29-31; 10:2, 3; Ne 1:11) Noong tinitipon ni Ezra ang Mga Cronica, isinulat niya na marami sa mga nakapangalat sa iba’t ibang silanganing lunsod ang ‘nananatili hanggang sa araw na ito’ (mga 460 B.C.E.). (1Cr 5:26) Nang bumangon ang Imperyo ng Gresya, nagdala si Alejandrong Dakila ng mga Judio sa kaniyang bagong Ehipsiyong lunsod ng Alejandria, kung saan sila natutong magsalita ng Griego. Doon, noong ikatlong siglo B.C.E., pinasimulang isalin sa Griego ang Hebreong Kasulatan, isang bersiyon na nakilala bilang ang Septuagint. Dahil sa mga digmaang Siro-Ehipsiyo, maraming Judio ang nailipat sa Asia Minor at sa Ehipto. Nang malupig ni Pompey ang Jerusalem noong 63 B.C.E., nagdala siya ng mga Judio sa Roma bilang mga alipin.
Ang malawakang pangangalat ng mga Judio sa buong Imperyo ng Roma ay nakatulong sa mabilis na paglaganap ng Kristiyanismo. Nilimitahan ni Jesu-Kristo ang kaniyang pangangaral sa lupain ng Israel, ngunit inutusan niya ang kaniyang mga tagasunod na paabutin at palaganapin ang kanilang ministeryo “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gaw 1:8) Ang mga Judio mula sa iba’t ibang bahagi ng Imperyo ng Roma ay nasa Jerusalem upang dumalo sa kapistahan ng Pentecostes noong 33 C.E., at narinig nila ang mga Kristiyanong inianak sa espiritu na nangangaral tungkol kay Jesus sa mga wika ng Parthia, Media, Elam, Mesopotamia, Capadocia, Ponto, distrito ng Asia, Frigia, Pamfilia, Ehipto, Libya, Creta, Arabia, at Roma. Nang bumalik sa kani-kanilang lupain ang libu-libong ito, dala nila ang kanilang bagong-tuklas na pananampalataya. (Gaw 2:1-11) Sa karamihan ng mga lunsod na dinalaw ni Pablo, nakasumpong siya ng mga sinagoga kung saan madali siyang nakapagsalita sa mga Judiong nasa Pangangalat. Sa Listra, nakilala ni Pablo si Timoteo, na ang ina ay isang babaing Judio. Kararating pa lamang nina Aquila at Priscila mula sa Roma nang dumating si Pablo sa Corinto noong mga 50 C.E. (Gaw 13:14; 14:1; 16:1; 17:1, 2; 18:1, 2, 7; 19:8) Dahil maraming Judio sa loob at sa palibot ng Babilonya, pumaroon si Pedro upang isagawa ang kaniyang ministeryo sa gitna niyaong “mga tuli.” (Gal 2:8; 1Pe 5:13) Ang komunidad na ito ng mga Judio sa mga lugar sa palibot ng Babilonya ang nanatiling pinakamahalagang sentro ng Judaismo sa loob ng ilang panahon pagkatapos na mawasak ang Jerusalem noong 70 C.E.