Unang Cronica
12 Ito ang mga lalaking pumunta kay David sa Ziklag+ noong nagtatago siya dahil kay Saul+ na anak ni Kis, at kabilang sila sa malalakas na mandirigma na tumulong sa kaniya sa pakikipagdigma.+ 2 May mga pana sila, at nagagamit nila ang kanilang kanan at kaliwang kamay+ sa pagpapahilagpos ng bato+ at pagpana. Mga kapatid sila ni Saul, mula sa Benjamin.+ 3 Si Ahiezer ang pinuno, kasama si Joas, na mga anak ni Semaa na Gibeatita;+ sina Jeziel at Pelet, na mga anak ni Azmavet,+ si Beraca, si Jehu na Anatotita, 4 si Ismaias na Gibeonita,+ isang malakas na mandirigma na kasama sa tatlumpu+ at namumuno sa tatlumpu; kasama rin si Jeremias, si Jahaziel, si Johanan, si Jozabad na Gederatita, 5 si Eluzai, si Jerimot, si Bealias, si Semarias, si Sepatias na Haripita, 6 sina Elkana, Isia, Azarel, Joezer, at Jasobeam, na mga Korahita;+ 7 at sina Joela at Zebadias na mga anak ni Jeroham ng Gedor.
8 Ang ilan sa mga Gadita ay pumunta sa panig ni David sa kuta sa ilang;+ sila ay malalakas na mandirigma, mga sundalong sinanay sa pakikipagdigma, bihasa sa paggamit ng malaking kalasag at sibat, na ang mga mukha ay gaya ng sa mga leon at simbilis ng mga gasela* sa kabundukan. 9 Si Ezer ang nangunguna, si Obadias ang ikalawa, si Eliab ang ikatlo, 10 si Mismana ang ikaapat, si Jeremias ang ikalima, 11 si Atai ang ikaanim, si Eliel ang ikapito, 12 si Johanan ang ikawalo, si Elzabad ang ikasiyam, 13 si Jeremias ang ika-10, si Macbanai ang ika-11. 14 Ang mga ito ay mga Gadita,+ mga pinuno ng hukbo. Ang pinakamahina sa kanila ay katumbas ng 100, at ang pinakamalakas ay katumbas ng 1,000.+ 15 Ito ang mga lalaking tumawid sa Jordan noong unang buwan nang umaapaw ang tubig nito sa pampang, at itinaboy nila ang lahat ng nakatira sa mababang kapatagan, sa silangan at sa kanluran.
16 Ang ilan sa mga lalaki ng Benjamin at Juda ay pumunta rin kay David sa kuta niya.+ 17 Lumabas si David at sinabi sa kanila: “Kung kapayapaan ang dala ninyo at tutulungan ninyo ako, kaisa ninyo ako. Pero kung ibibigay ninyo ako sa mga kaaway ko kahit wala akong ginawang masama, makita nawa ito ng Diyos ng mga ninuno natin at siya ang humatol.”+ 18 Napuspos* ng espiritu si Amasai,+ na pinuno ng tatlumpu, at sinabi niya:
“Mga lingkod mo kami, O David, at kakampi mo kami, O anak ni Jesse.+
Sumaiyo nawa ang kapayapaan, at magkaroon nawa ng kapayapaan ang tumutulong sa iyo,
Dahil tinutulungan ka ng iyong Diyos.”+
Kaya tinanggap sila ni David at ginawa silang pinuno ng mga hukbo.
19 Ang ilan sa Manases ay lumipat sa panig ni David nang sumama siya sa mga Filisteo para makipaglaban kay Saul; pero hindi niya tinulungan ang mga Filisteo, dahil matapos mag-usap-usap ang mga panginoon ng mga Filisteo,+ pinaalis nila siya. Sinasabi nila: “Iiwan tayo niyan at kakampi sa panginoon niyang si Saul, at manganganib ang buhay natin.”+ 20 Nang pumunta siya sa Ziklag,+ ito ang mga lumipat sa panig niya mula sa Manases: sina Adnah, Jozabad, Jediael, Miguel, Jozabad, Elihu, at Ziletai, mga ulo ng libo-libo ng Manases.+ 21 Tinulungan nila si David sa paglaban sa grupo ng mga mandarambong, dahil lahat sila ay malalakas at matatapang na lalaki,+ at naging pinuno sila ng hukbo. 22 Araw-araw, may mga taong pumupunta kay David+ para tulungan siya hanggang sa lumaking gaya ng hukbo ng Diyos ang hukbo niya.+
23 Ito ang bilang ng mga pinuno ng mga nasasandatahan para sa digmaan na pumunta kay David sa Hebron+ para ilipat sa kaniya ang paghahari mula kay Saul ayon sa utos ni Jehova.+ 24 Ang mga lalaki ng Juda na may malaking kalasag at sibat ay 6,800, nasasandatahan para sa digmaan. 25 Sa mga Simeonita, may 7,100 malalakas at matatapang na mandirigma.
26 Sa mga Levita, 4,600. 27 Si Jehoiada+ ang lider ng mga anak ni Aaron,+ at may kasama siyang 3,700; 28 kasama rin niya si Zadok+ na isang malakas at matapang na lalaki, pati na ang 22 pinuno mula sa angkan nito.
29 Sa mga Benjaminita, na mga kapatid ni Saul,+ ay may 3,000, na ang karamihan ay dating tapat na naglilingkod sa sambahayan ni Saul. 30 Sa mga angkan ng mga Efraimita, may 20,800 malalakas, matatapang, at bantog na mga lalaki.
31 Sa kalahati ng tribo ni Manases, may 18,000 pinili at isinugo para gawing hari si David. 32 Sa tribo ni Isacar, na nakauunawa ng panahon at nakaaalam kung ano ang dapat gawin ng Israel, may 200 mula sa mga pinuno nila, at ang lahat ng kapatid nila ay pinamumunuan nila. 33 Sa Zebulon, may 50,000 puwedeng sumama sa hukbo, na handa sa pakikipagdigma at kumpleto sa sandata; at lahat sila ay sumama kay David nang lubos ang katapatan.* 34 Sa Neptali, may 1,000 pinuno, at may kasama silang 37,000 may malaking kalasag at sibat. 35 Sa mga Danita, ang mga handa sa pakikipagdigma ay 28,600. 36 At sa Aser, ang mga makakasama sa hukbo at handa sa pakikipagdigma ay 40,000.
37 Mula sa kabila ng Jordan,+ sa mga Rubenita, Gadita, at sa kalahati ng tribo ni Manases, may 120,000 sundalo na kumpleto sa sandata. 38 Silang lahat ay mga lalaking mandirigma na handa sa pakikipaglaban; pumunta sila sa Hebron na buo ang pasiyang gawing hari si David sa buong Israel, at ang lahat ng iba pa sa Israel ay nagkakaisa* na gawing hari si David.+ 39 At nanatili sila roon kasama ni David nang tatlong araw, kumakain at umiinom, dahil ipinaghanda sila ng mga kapatid nila. 40 At ang mga malapit sa kanila, maging ang mga nasa Isacar, Zebulon, at Neptali, ay nagdadala ng mga pagkaing sakay ng mga asno, kamelyo, mula,* at mga baka—mga pagkaing gawa sa harina, mga kakaning gawa sa piniping igos at mga kakaning pasas, alak, langis, at mga baka at mga tupang pagkarami-rami, dahil nagsasaya ang Israel.