AMASA
[pinaikling anyo ng Amasias].
1. Anak ng kapatid na babae o kapatid sa ina ni David na si Abigail at ni Jeter (Itra), at pinsan nina Absalom at Joab. (2Sa 17:25; 1Cr 2:16, 17) Si Jeter ay tinatawag na isang Israelita sa Samuel at isang Ismaelita sa Mga Cronica, marahil dahil nanirahan siya sa teritoryong Ismaelita. Ipinangangatuwiran ng ilan na si Amasa ay siya ring si Amasai, isa sa mga sumama sa hukbo ni David sa Ziklag, ngunit ang gayong pagkakakilanlan ay hindi tiyak.—1Cr 12:18.
Pagkaraan ng maraming taon, nang sumama si Amasa sa paghihimagsik ni Absalom laban kay David, inilagay siyang tagapamahala sa hukbo ni Absalom bilang kahalili ni Joab. (2Sa 17:25) Ang paghihimagsik ay napigilan, ang anak ni David na si Absalom ay pinatay ni Joab, at inialok kay Amasa ang puwesto ni Joab bilang pinuno ng hukbo ni David, sapagkat gaya ng sinabi ni David, siya ay “aking buto at aking laman.”—2Sa 18:9-15; 19:13.
Muling bumangon ang paghihimagsik, sa pagkakataong ito ay ayaw ni Sheba na magkaroon ng bahagi kay David. (2Sa 20:1, 2) Si Amasa ay binigyan ng tatlong araw upang bumuo ng isang hukbo. Nang hindi siya dumating sa panahong takda, sinabihan si Abisai na kunin ang mga lingkod ni David at tugisin ang mga mapaghimagsik. Ang kapatid ni Abisai na si Joab at ang mga tauhan nito ay sumama sa kanila sa pagtugis kay Sheba. Sa wakas, nang salubungin sila ni Amasa na huling dumating, sa pagkukunwaring magbibigay ng isang magiliw na halik ay isinunggab ni Joab ang isa niyang kamay sa balbas ni Amasa at ginamit ang tabak sa kaniyang kabilang kamay upang wakwakin ang tiyan ni Amasa. (2Sa 20:4-12) Maaaring ito ang nararapat na kagantihan dahil sa pagpanig ni Amasa kay Absalom ngunit tiyak na hindi sa kamay ng isa na gumawa nito. Kaya iniutos ni David kay Solomon na si Amasa ay dapat na ipaghiganti sa pamamagitan ng kamatayan ni Joab.—1Ha 2:5, 32.
2. Anak ni Hadlai. Kasunod ng tagumpay laban sa Juda, nang ibinabalik ng mga Israelitang mandirigma ang kanilang mga kapatid bilang mga lingkod, si Amasa ay isa sa apat na pangulo ng Efraim na nakinig sa pagsusumamo ng propetang si Oded na isauli ang mga bihag. Tinulungan din niya yaong mga taga-Juda sa pamamagitan ng mga panustos at transportasyon na kinailangan sa kanilang pagbabalik.—2Cr 28:8-15.