Levitico
25 Sinabi pa ni Jehova kay Moises sa Bundok Sinai: 2 “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Kapag naroon na kayo sa lupaing ibinibigay ko sa inyo,+ dapat ninyong pagpahingahin ang lupain at sundin ang batas ni Jehova sa sabbath.+ 3 Anim na taon mong hahasikan ng binhi ang iyong bukid, at anim na taon mong pupungusan ang iyong ubasan, at titipunin mo ang bunga ng lupain.+ 4 Pero sa ikapitong taon, dapat mong lubusang pagpahingahin ang lupain dahil ito ay isang sabbath para kay Jehova. Huwag mong hahasikan ng binhi ang iyong bukid o pupungusan ang iyong ubasan. 5 Huwag mong gagapasin ang mga tumubo mula sa natirang mga butil matapos ang pag-aani, at huwag mong titipunin ang bunga ng punong ubas na hindi napungusan. Dapat na lubusang pagpahingahin ang lupain sa loob ng isang taon. 6 Pero puwede ninyong kainin ang tutubo sa lupain sa panahon ng sabbath nito; puwede mo itong kainin, pati na ng iyong mga aliping lalaki at babae, upahang trabahador, at mga dayuhang naninirahang kasama mo, 7 gayundin ng mga alagang hayop at maiilap na hayop sa iyong lupain. Lahat ng bunga ng lupain ay puwedeng kainin.
8 “‘Bibilang ka ng pitong sabbath ng mga taon; pitong ulit kang magbibilang ng pitong taon, kaya ang haba ng pitong sabbath ng mga taon ay 49 na taon. 9 Patutunugin mo nang malakas ang tambuli sa ika-10 araw ng ikapitong buwan; sa Araw ng Pagbabayad-Sala,+ patutunugin ninyo ang tambuli para marinig sa buong lupain ninyo. 10 Pababanalin ninyo ang ika-50 taon at maghahayag kayo ng paglaya sa lupain para sa lahat ng nakatira dito.+ Ito ay magiging isang Jubileo para sa inyo, at ang bawat isa sa inyo ay babalik sa pag-aari niya at sa pamilya niya.+ 11 Magiging isang Jubileo para sa inyo ang ika-50 taóng iyon. Hindi kayo maghahasik ng binhi o mag-aani ng tumubo mula sa natirang butil o magtitipon ng bunga ng mga punong ubas na hindi napungusan.+ 12 Dahil ito ay isang Jubileo. Dapat itong maging banal para sa inyo. Ang makakain lang ninyo ay ang magiging bunga ng lupain na kusang tumubo.+
13 “‘Sa taóng ito ng Jubileo, bawat isa sa inyo ay babalik sa pag-aari niya.+ 14 Kung may ibebenta kayo sa inyong kapuwa o may bibilhin kayo sa kaniya, huwag kayong mananamantala.+ 15 Kung bibili ka ng lupain mula sa iyong kapuwa, dapat mong bilangin kung ilang taon na ang lumipas pagkatapos ng Jubileo; ang presyong itatakda niya ay depende sa bilang ng natitirang mga taon ng pag-aani.+ 16 Kung maraming taon pa ang natitira, puwede niyang taasan ang presyo nito, pero kung ilang taon na lang ang natitira, dapat niyang babaan ang presyo nito, dahil ang dami ng ani ang ipinagbibili niya sa iyo. 17 Walang sinuman sa inyo ang mananamantala sa kapuwa niya,+ at dapat kang matakot sa iyong Diyos,+ dahil ako ang Diyos ninyong si Jehova.+ 18 Kung susundin ninyo ang mga batas ko at tutuparin ang aking mga hudisyal na pasiya, maninirahan kayo nang panatag sa lupain.+ 19 Ang lupain ay mamumunga;+ kakain kayo hanggang sa mabusog at maninirahan doon nang panatag.+
20 “‘Pero kung sasabihin ninyo: “Ano ang kakainin namin sa ikapitong taon kung hindi kami maghahasik ng binhi o magtitipon ng ani?”+ 21 pagpapalain ko kayo sa ikaanim na taon, at ang lupa ay magbubunga nang sapat para sa tatlong taon.+ 22 At maghahasik kayo ng binhi sa ikawalong taon; ang kakainin ninyo hanggang sa ikasiyam na taon ay mula sa nakaraang ani. Hanggang sa magbunga ang lupain, kakain kayo mula sa nakaraang ani.
23 “‘Hindi puwedeng ipagbili ang isang lupain nang panghabang panahon,+ dahil akin ang lupain.+ Dahil para sa akin, kayo ay dayuhan lang na naninirahan sa lupaing ito.+ 24 At sa buong lupain na pag-aari ninyo, ipagkakaloob ninyo sa nagbenta ang karapatang bilhing muli ang lupain.
25 “‘Kung maghirap ang kapatid mo at kinailangan niyang ibenta ang ilang pag-aari niya, ang ibinenta niya ay dapat bilhing muli ng isang manunubos na malapit na kamag-anak niya.+ 26 Kung walang manunubos ang isang tao, pero yumaman siya at kaya na niyang tubusin ito, 27 kukuwentahin niya ang halaga ng mga inani sa lumipas na mga taon mula nang ibenta niya ito, at ibabawas niya ito sa halagang binayaran ng bumili, at iyon ang ibabalik niya rito. Pagkatapos, makababalik na siya sa pag-aari niya.+
28 “‘Pero kung hindi niya ito kayang bawiin, ang ibinenta niya ay mananatili sa bumili nito hanggang sa taon ng Jubileo;+ at isasauli ito sa kaniya sa Jubileo kaya makababalik na siya sa pag-aari niya.+
29 “‘Kung ang isang tao ay may ibinentang bahay na nasa isang napapaderang lunsod, may karapatan siyang tubusin ito sa loob ng isang taon mula nang ibenta niya ito; ang karapatan niyang tumubos+ ay mananatili nang isang buong taon. 30 Pero kung hindi iyon mabiling muli sa loob ng isang taon, ang bahay na nasa napapaderang lunsod ay magiging permanenteng pag-aari ng bumili nito, sa lahat ng henerasyon niya. Hindi iyon ibabalik sa Jubileo. 31 Pero ang mga bahay na nasa bayan na walang pader ay ituturing na bahagi ng bukid. Ang karapatan para tubusin ito ay hindi mawawalan ng bisa, at dapat itong ibalik sa Jubileo.
32 “‘Kung tungkol sa mga bahay ng mga Levita sa loob ng mga lunsod nila,+ hindi kailanman mawawala ang karapatan ng mga Levita na tubusin ang mga ito. 33 Kung hindi bilhing muli ng Levita ang pag-aari niya, ang ibinentang bahay na nasa lunsod na pag-aari nila ay ibabalik din sa Jubileo,+ dahil ang mga bahay na nasa mga lunsod ng mga Levita ay ang pag-aari nila sa gitna ng mga Israelita.+ 34 Isa pa, ang mga pastulan+ na nakapalibot sa mga lunsod nila ay hindi puwedeng ibenta, dahil ito ay pag-aari nila magpakailanman.
35 “‘Kung ang kapatid mo na nakatira malapit sa iyo ay maghirap at hindi na niya kayang suportahan ang sarili niya, dapat mo siyang alalayan+ gaya ng gagawin mo sa isang dayuhang naninirahang kasama ninyo+ para manatili siyang buháy. 36 Huwag mo siyang tutubuan o pagkakakitaan.+ Matakot ka sa iyong Diyos,+ at ang kapatid mo ay mananatiling buháy na kasama mo. 37 Huwag mo siyang pauutangin nang may patubo+ o bebentahan ng iyong pagkain. 38 Ako ang Diyos ninyong si Jehova, na naglabas sa inyo sa Ehipto+ para ibigay sa inyo ang lupain ng Canaan, para ako ay maging Diyos ninyo.+
39 “‘Kung ang kapatid mo na nakatira malapit sa iyo ay maghirap at ipagbili niya ang sarili niya sa iyo,+ huwag mo siyang pipiliting magtrabaho na gaya ng isang karaniwang alipin.+ 40 Dapat siyang ituring na tulad ng isang upahang trabahador,+ gaya ng isang dayuhan.* Maglilingkod siya sa iyo hanggang sa taon ng Jubileo. 41 At aalis siya sa iyo, siya at ang kaniyang mga anak, at babalik siya sa pamilya niya. Dapat siyang bumalik sa pag-aari ng mga ninuno niya.+ 42 Dahil sila ay mga alipin ko na inilabas ko sa Ehipto.+ Hindi nila dapat ipagbili ang sarili nila bilang mga alipin. 43 Huwag mo siyang mamaltratuhin,+ at dapat kang matakot sa iyong Diyos.+ 44 Ang mga alipin mong lalaki at babae ay magmumula sa mga bansang nasa palibot ninyo, at mula sa mga ito ay makabibili kayo ng aliping lalaki o babae. 45 Puwede ka ring bumili ng alipin mula sa mga anak ng dayuhang naninirahang kasama ninyo,+ mula sa mga kapamilya nila na ipinanganak sa inyong lupain, at sila ay magiging pag-aari ninyo. 46 Puwede ninyo silang ipamana sa inyong mga anak para maging pag-aari ng mga ito magpakailanman. Puwede ninyo silang gawing manggagawa, pero huwag ninyong mamaltratuhin ang mga kapatid ninyong Israelita.+
47 “‘Pero kung yumaman ang isang dayuhan na naninirahang kasama ninyo at naghirap naman ang kapatid mo at kinailangan niyang ibenta ang sarili niya sa dayuhang naninirahang kasama ninyo o sa kapamilya nito, 48 hindi mawawalan ng bisa ang karapatang tubusin siya matapos niyang ibenta ang sarili niya. Puwede siyang bilhing muli ng isa sa mga kapatid niya;+ 49 puwede rin siyang bilhing muli ng kaniyang tiyo o ng anak ng tiyo niya, o ng isang malapit na kamag-anak, isang kapamilya niya.
“‘O kung yumaman siya, puwede rin niyang tubusin ang sarili niya.+ 50 Para magawa ito, bibilangin nila ng bumili sa kaniya kung ilang taon ang pagitan mula nang ibenta niya ang sarili niya hanggang sa taon ng Jubileo,+ at hahatiin nila sa mga taóng iyon ang halaga ng pagkabili sa kaniya.+ Sa mga panahong iyon, ang halaga ng bawat araw ng pagtatrabaho niya ay katulad sa upahang trabahador.+ 51 Kung marami pang taon ang natitira bago mag-Jubileo, mas malaking pantubos ang ibabayad niya, kaayon ng dami ng natitirang taon. 52 Pero kung ilang taon na lang ang natitira, kakalkulahin niya ang halaga at magbabayad siya ng mas mababang pantubos. 53 Sa bawat taon ng paglilingkod niya, dapat siyang ituring na gaya ng upahang trabahador; at dapat mong tiyakin na hindi siya mamaltratuhin ng panginoon niya.+ 54 Pero kung hindi niya mabiling muli ang sarili niya ayon sa mga kondisyong ito, lalaya siya sa taon ng Jubileo,+ siya at ang kaniyang mga anak.
55 “‘Dahil ang mga Israelita ay mga alipin ko. Sila ay mga alipin ko na inilabas ko sa Ehipto.+ Ako ang Diyos ninyong si Jehova.