Ezekiel
29 Nang ika-10 taon, noong ika-12 araw ng ika-10 buwan, dumating sa akin ang salita ni Jehova: 2 “Anak ng tao, tumingin ka sa direksiyon ng Paraon na hari ng Ehipto, at humula ka laban sa kaniya at sa buong Ehipto.+ 3 Sabihin mo: ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova:
“Kikilos ako laban sa iyo, Paraon na hari ng Ehipto,+
Ang dambuhalang hayop sa katubigan na nakahiga sa mga kanal ng kaniyang Nilo*+
At nagsasabi, ‘Akin ang Ilog Nilo.
Ginawa ko ito para sa sarili ko.’+
4 Lalagyan ko ng mga kawit ang panga mo at pakakapitin ko sa mga kaliskis mo ang mga isda sa iyong Nilo.
Iaahon kita mula sa iyong Nilo kasama ang lahat ng isda sa Nilo na nakakapit sa mga kaliskis mo.
5 Iiwan kita sa disyerto, ikaw at ang lahat ng isda sa iyong Nilo.
Mabubuwal ka sa parang, at hindi ka pupulutin o titipunin.+
Ibibigay kita bilang pagkain para sa mababangis na hayop sa lupa at sa mga ibon sa langit.+
6 At malalaman ng lahat ng naninirahan sa Ehipto na ako si Jehova,
Dahil gaya ng isang piraso ng dayami,* hindi sila nakapagbigay ng suporta sa sambahayan ng Israel.+
7 Nang humawak sila sa kamay mo, nadurog ka,
At napilay ang balikat nila dahil sa iyo.
8 “‘Kaya ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Sasaktan kita sa pamamagitan ng espada,+ at lilipulin ko ang mga tao at hayop sa lupain mo. 9 Ang Ehipto ay magiging tiwangwang at wasak;+ at malalaman nila na ako si Jehova, dahil sinabi mo,* ‘Akin ang Ilog Nilo; ako ang gumawa nito.’+ 10 Kaya kikilos ako laban sa iyo at sa iyong Nilo, at ang lupain ng Ehipto ay gagawin kong wasak, tigang, at tiwangwang,+ mula Migdol+ hanggang Seyene+ na papunta sa hangganan ng Etiopia. 11 Hindi iyon lalakaran ng tao o alagang hayop,+ at hindi iyon titirhan nang 40 taon. 12 Gagawin kong pinakatiwangwang sa lahat ng lupain ang Ehipto, at ang mga lunsod nito ang magiging pinakatiwangwang na mga lunsod sa loob ng 40 taon;+ at pangangalatin ko ang mga Ehipsiyo sa mga bansa at lupain.”+
13 “‘Dahil ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Pagkatapos ng 40 taon, muli kong titipunin ang mga Ehipsiyo mula sa mga bayan kung saan sila nangalat;+ 14 ang bihag na mga Ehipsiyo ay ibabalik ko sa lupain ng Patros,+ ang pinagmulan nilang lupain, at magiging isang mahinang kaharian sila roon. 15 Ang Ehipto ay magiging mas mababa kaysa sa ibang kaharian at hindi na makapamamahala sa ibang bansa,+ at gagawin ko silang napakakaunti kaya hindi na sila makapananakop ng mga bansa.+ 16 Hindi na magtitiwala rito ang sambahayan ng Israel;+ magiging alaala na lang ito ng pagkakamali nila nang humingi sila ng tulong sa mga Ehipsiyo. At malalaman nila na ako ang Kataas-taasang Panginoong Jehova.”’”
17 Nang ika-27 taon, noong unang araw ng unang buwan, dumating sa akin ang salita ni Jehova: 18 “Anak ng tao, pinagtrabaho nang husto ni Haring Nabucodonosor*+ ng Babilonya ang kaniyang hukbong militar para sa pakikipaglaban sa Tiro.+ Nakalbo ang bawat ulo, at natalupan ang bawat balikat. Pero siya at ang hukbo niya ay walang natanggap na kabayaran sa paglaban niya sa Tiro.
19 “Kaya ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova, ‘Ibibigay ko kay Haring Nabucodonosor* ng Babilonya ang lupain ng Ehipto,+ at kukunin niya ang yaman nito at sasamsaman ito nang husto; at iyon ang magiging kabayaran para sa kaniyang hukbo.’
20 “‘Ibibigay ko sa kaniya ang lupain ng Ehipto bilang kabayaran niya, dahil nakipaglaban sila sa kaniya* para sa akin,’+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.
21 “Sa araw na iyon, patutubuin ko ang isang sungay para sa sambahayan ng Israel,*+ at bibigyan kita ng pagkakataong magsalita sa gitna nila; at malalaman nila na ako si Jehova.”