Mga Bilang
31 At sinabi ni Jehova kay Moises: 2 “Ipaghiganti+ mo ang mga Israelita sa mga Midianita.+ Pagkatapos, mamamatay ka at ililibing gaya ng mga ninuno mo.”*+
3 Kaya sinabi ni Moises sa bayan: “Maghanda ang mga lalaki sa gitna ninyo para makipaglaban sa* Midian at para isagawa ang paghihiganti ni Jehova sa Midian. 4 Dapat kayong magpadala sa hukbo ng 1,000 mula sa bawat tribo ng Israel.” 5 Kaya mula sa libo-libong Israelita,+ 1,000 ang ipinadala ng bawat tribo, 12,000 lalaki na handa para sa digmaan.*
6 At isinugo sila ni Moises sa hukbo, 1,000 mula sa bawat tribo, kasama ang anak ni Eleazar na si Pinehas,+ ang saserdote para sa hukbo. Dala niya ang mga banal na kagamitan at panghudyat na mga trumpeta.+ 7 Nakipagdigma sila sa Midian, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises, at pinatay nila ang lahat ng lalaki. 8 Kasama sa pinatay nila ang limang hari ng Midian, sina Evi, Rekem, Zur, Hur, at Reba. Pinatay rin nila si Balaam+ na anak ni Beor gamit ang espada. 9 Pero ang mga babae at bata sa Midian ay binihag ng mga Israelita. Kinuha rin nila ang mga baka, kawan, at lahat ng pag-aari ng mga ito. 10 At sinunog nila ang lahat ng lunsod na tinitirhan ng mga ito at lahat ng kampo* ng mga ito. 11 Dinala nila ang lahat ng samsam, mga tao at hayop. 12 Dinala nila ang mga bihag at samsam kay Moises, kay Eleazar na saserdote, at sa kapulungan ng mga Israelita, sa kampo na nasa mga tigang na kapatagan ng Moab+ sa tabi ng Jordan sa Jerico.
13 At lumabas si Moises, si Eleazar na saserdote, at ang lahat ng pinuno ng bayan para salubungin sila sa labas ng kampo. 14 Pero nagalit si Moises sa mga lalaking inatasan na manguna sa labanan, ang mga pinuno ng libo-libo at pinuno ng daan-daan na dumarating mula sa digmaan. 15 Sinabi ni Moises: “Bakit wala kayong pinatay sa mga babae? 16 Ginawa nila ang sinabi ni Balaam at hinikayat ang mga Israelita na magtaksil+ kay Jehova gaya ng nangyari sa Peor,+ kaya sinalot ang bayan ni Jehova.+ 17 Patayin ninyo ang lahat ng batang lalaki at ang lahat ng babaeng nakipagtalik na sa lalaki. 18 Pero huwag ninyong patayin ang mga batang babae na hindi pa nakipagtalik sa lalaki.+ 19 Dapat kayong manatili sa labas ng kampo nang pitong araw. Ang lahat ng nakapatay at lahat ng humipo ng bangkay+ ay dapat magpabanal ng sarili+ sa ikatlo at ikapitong araw, kayo at ang mga bihag ninyo. 20 At dapat ninyong dalisayin* mula sa kasalanan ang lahat ng damit at lahat ng bagay na yari sa balat, sa balahibo ng kambing, o sa kahoy.”
21 Sinabi ni Eleazar na saserdote sa mga lalaking nakipagdigma: “Ito ang batas na iniutos ni Jehova kay Moises, 22 ‘Ang ginto, pilak, tanso, bakal, lata, at tingga, 23 ang lahat ng hindi nasusunog, ay paraanin ninyo sa apoy para maging malinis. Pero dapat din ninyo itong dalisayin sa tubig na panlinis.+ Ang lahat ng puwedeng masunog ay linisin ninyo sa tubig. 24 Dapat ninyong labhan ang mga damit ninyo sa ikapitong araw, at magiging malinis kayo. Pagkatapos, puwede na kayong pumasok sa kampo.’”+
25 At sinabi ni Jehova kay Moises: 26 “Ilista mo kung gaano karami ang samsam, ang mga bihag na tao at hayop; gawin ninyo ito ni Eleazar na saserdote at ng mga ulo ng mga angkan sa bayan. 27 Hatiin mo sa dalawang bahagi ang samsam—isang bahagi para sa mga kabilang sa hukbo na nakipagdigma at isang bahagi para sa iba pa sa bayan.+ 28 Mula sa mga sundalong nakipagdigma, kumuha ka ng buwis para kay Jehova—isa sa bawat 500 tao, baka, asno, at tupa. 29 Kunin ninyo iyon mula sa bahaging napunta sa kanila at ibigay kay Eleazar na saserdote bilang abuloy kay Jehova.+ 30 Mula sa bahaging ibinigay sa mga Israelita, kumuha ka ng isa sa bawat 50 tao, baka, asno, tupa, at iba pang alagang hayop, at ibigay mo ang mga iyon sa mga Levita,+ na nag-aasikaso ng mga gawaing may kaugnayan sa tabernakulo ni Jehova.”+
31 Kaya ginawa ni Moises at ni Eleazar na saserdote ang iniutos ni Jehova kay Moises. 32 At ang samsam, ang natira sa mga kinuha ng mga nakipagdigma, ay 675,000 tupa, 33 72,000 baka, 34 at 61,000 asno. 35 Ang mga babaeng hindi pa nakipagtalik sa lalaki+ ay 32,000. 36 Ang kalahati ng samsam, na bahagi ng mga nakipagdigma, ay 337,500 tupa. 37 Ang buwis para kay Jehova ay 675 tupa. 38 Sa 36,000 baka, ang buwis para kay Jehova ay 72. 39 Sa 30,500 asno, ang buwis para kay Jehova ay 61. 40 At sa 16,000 tao, ang buwis para kay Jehova ay 32. 41 Pagkatapos, ibinigay ni Moises kay Eleazar na saserdote+ ang buwis bilang abuloy kay Jehova, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.
42 Nang hatiin ni Moises ang samsam sa pagitan ng mga lalaking nakipagdigma at ng mga Israelita, ito ang napunta sa mga Israelita: 43 337,500 tupa, 44 36,000 baka, 45 30,500 asno, 46 at 16,000 tao. 47 At gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises, kumuha siya ng isa sa bawat 50 tao at hayop mula sa bahagi ng mga Israelita at ibinigay ang mga iyon sa mga Levita,+ na nag-aasikaso ng mga gawain sa tabernakulo ni Jehova.+
48 At lumapit kay Moises ang mga lalaking inatasan na manguna sa mga grupo* ng hukbo,+ ang mga pinuno ng libo-libo at pinuno ng daan-daan. 49 Sinabi nila kay Moises: “Binilang ng iyong mga lingkod ang mga lalaking mandirigma na nasa pangangasiwa namin, at walang isa man ang nawawala.+ 50 Kaya ang bawat isa sa amin ay maghahandog kay Jehova ng mga nakuha niya—mga kagamitang ginto, kadenilya sa paa,* pulseras, singsing na panlagda, hikaw, at iba pang alahas, bilang pambayad-sala para sa aming sarili sa harap ni Jehova.”
51 Kaya tinanggap ni Moises at ni Eleazar na saserdote ang ibinigay nilang ginto, ang lahat ng alahas. 52 Ang lahat ng gintong iniabuloy kay Jehova ng mga pinuno ng libo-libo at pinuno ng daan-daan ay 16,750 siklo.* 53 Ang bawat lalaking nakipagdigma ay kumuha ng samsam para sa sarili niya. 54 Tinanggap ni Moises at ni Eleazar na saserdote ang ginto na ibinigay ng mga pinuno ng libo-libo at pinuno ng daan-daan at ipinasok iyon sa tolda ng pagpupulong bilang paalaala para sa bayang Israel sa harap ni Jehova.