INGATANG-YAMAN
Isang dako, karaniwa’y isang gusali o silid, na pinaglalagakan ng salapi o iba pang mahahalagang bagay. Ipinakikita ng Bilang 31:54 na noon, ang “tolda ng kapisanan” ay nagsilbing tila isang sagradong ingatang-yaman na pinaglalagyan ng mga gintong iniabuloy. Ang mahahalagang bagay mula sa Jerico na nauukol “kay Jehova” ay ibinigay “sa kabang-yaman ng bahay ni Jehova,” anupat ipinahihiwatig nito na may isang uri ng ingatang-yaman na itinatag noon kaugnay ng tabernakulo. (Jos 6:17, 24) Ang mga Levita ang inatasang mamahala sa mga yaman na iniabuloy at sa mga samsam na pinabanal para sa Diyos. (1Cr 26:20-28) Mayroon ding ingatang-yaman sa templong itinayo ni Solomon, anupat doon inilalagay ang mga ginto at pilak, gayundin ang mamahaling mga kagamitan ng templo.—1Ha 7:51; 2Cr 5:1.
Sa ilalim ng monarkiya, ang Israel ay nagkaroon din ng maharlikang ingatang-yaman. (2Ha 20:13; 24:13; 2Cr 32:27, 28; Jer 38:11) Sa loob ng maraming taon, ang mga kayamanan ng maharlikang ingatang-yaman at ng ingatang-yaman ng bahay ni Jehova ay paulit-ulit na sinamsam ng mga kaaway o ginamit na pambayad o panuhol sa mga bansang pagano.—1Ha 14:26; 15:18; 2Ha 12:18; 14:14; 16:8; 18:15; 24:13.
Hinggil sa ingatang-yaman ng Babilonya, sinasabi ng Daniel 1:2 na dinala ni Nabucodonosor ang mahahalagang kagamitan ng bahay ni Jehova sa “imbakang-yaman ng kaniyang diyos.” Sa isang inskripsiyong Babilonyo, si Nabucodonosor ay inilalarawang nagsasabi ng ganito tungkol sa templo ni Merodac: “Sa loob ay nag-imbak ako ng pilak at ginto at mahahalagang bato . . . at inilagay ko roon ang bahay ng kayamanan ng aking kaharian.” (Ihambing ang Ezr 1:8.) Maaaring may mga pangalawahing ingatang-yaman sa iba’t ibang bahagi ng imperyo ang mga Babilonyo. (Dan 3:2) Gayon ang kaayusan ng mga Persiano, anupat sa lokal na mga ingatang-yaman inilalagay ang ilan sa salaping nakolekta ng mga satrapa bilang buwis. (Ezr 7:20, 21) Sa paanuman, ang mga pangunahing ingatang-yaman ng Persia ay nagsilbi ring maharlikang mga artsibo, na naglalaman ng mahahalagang rekord bukod pa sa ginto at iba pang mahahalagang bagay.—Ezr 6:1, 2; Es 3:9.
Kristiyanong Griegong Kasulatan. Noong naririto si Jesus sa lupa, isang bahagi ng templo sa Jerusalem ang tinawag na “ingatang-yaman.” (Ju 8:20) Lumilitaw na ito’y matatagpuan sa tinatawag na Looban ng mga Babae. Ayon sa mga impormasyong rabiniko, sa templong ito na muling itinayo ni Herodes ay may 13 kabang-yaman sa palibot ng dingding ng loobang iyon. (The Mishnah, Shekalim 2:1; 6:1, 5) Hugis-trumpeta ang mga kabang-yaman na ito, anupat may maliit na butas sa ibabaw ng bawat isa kung saan inihuhulog ng mga tao ang iba’t ibang abuloy at handog. (Mar 12:41) Ayaw ng mga saserdote na ilagay sa sagradong ingatang-yaman ang mga pirasong pilak na inihagis ni Hudas sa templo, “sapagkat,” sabi nila, “ang mga iyon ay halaga ng dugo.” (Mat 27:6) Pinaniniwalaan na ang templong ito ay mayroon ding isang pangunahing ingatang-yaman na pinagdadalhan ng mga salaping galing sa mga kabang-yaman.