Liham sa mga Hebreo
8 Ito ngayon ang pangunahing punto ng pinag-uusapan natin: Tayo ay may gayong mataas na saserdote,+ at umupo siya sa kanan ng trono ng Dakilang Diyos sa langit,+ 2 isang lingkod* sa banal na lugar+ at sa tunay na tolda, na itinayo ni Jehova,* at hindi ng tao. 3 Dahil ang bawat mataas na saserdote ay inatasang maghandog ng mga kaloob at mga hain; kaya kailangang may maihandog din ang isang ito.+ 4 Kung siya ay nasa lupa, hindi siya magiging saserdote,+ dahil may mga tao nang naghahandog ng mga kaloob ayon sa Kautusan. 5 Ang sagradong paglilingkod ng mga taong ito ay isang paglalarawan at anino+ ng makalangit na mga bagay;+ kung paanong si Moises, nang itatayo na niya ang tolda, ay inutusan ng Diyos: Sinabi Niya: “Tiyakin mong gagawin mo ang lahat ng bagay ayon sa parisan na ipinakita sa iyo sa bundok.”+ 6 Pero ngayon, si Jesus ay inatasan sa isang mas dakilang paglilingkod,* dahil siya rin ang tagapamagitan+ ng isang mas mabuting tipan,+ na legal na pinagtibay ng mas magagandang pangako.+
7 Kung walang kapintasan ang unang tipan, hindi na kailangan pa ng ikalawa.+ 8 Pero nakita ng Diyos ang pagkukulang ng mga tao dahil sinabi niya: “‘Darating ang panahon,’ ang sabi ni Jehova,* ‘na makikipagtipan ako ng isang bagong tipan sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda. 9 Hindi ito gaya ng tipan ko sa kanilang mga ninuno noong hawakan ko ang kamay nila at akayin sila palabas ng lupain ng Ehipto.+ Dahil hindi sila nanatiling tapat sa aking tipan, huminto ako sa pagkalinga sa kanila,’ ang sabi ni Jehova.*
10 “‘Dahil ito ang ipakikipagtipan ko sa sambahayan ng Israel pagkatapos ng panahong iyon,’ ang sabi ni Jehova.* ‘Ilalagay ko sa isip nila ang mga utos ko, at isusulat ko ang mga iyon sa puso nila.+ At ako ang magiging Diyos nila, at sila ay magiging bayan ko.+
11 “‘At ang bawat isa sa kanila ay hindi na magtuturo sa kababayan niya at sa kapatid niya at magsasabi: “Kilalanin ninyo si Jehova!”* Dahil ako ay makikilala nilang lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila. 12 Dahil patatawarin ko sila* sa mga ginagawa nilang di-matuwid, at hindi ko na aalalahanin ang mga kasalanan nila.’”+
13 Nang sabihin niya ang tungkol sa “isang bagong tipan,” nawalan na ng bisa ang nauna.+ Ngayon, ang nawalan na ng bisa at naluluma ay malapit nang maglaho.+