Unang Cronica
17 Nang tumira si David sa sarili niyang bahay,* sinabi niya sa propetang si Natan:+ “Nakatira ako sa isang bahay na gawa sa mga sedro+ samantalang ang kaban ng tipan ni Jehova ay nasa tolda.”+ 2 Sinabi ni Natan kay David: “Gawin mo kung ano ang nasa puso mo, dahil ang tunay na Diyos ay sumasaiyo.”
3 Nang gabing iyon, dumating kay Natan ang mensaheng ito ng Diyos: 4 “Sabihin mo sa lingkod kong si David, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Hindi ikaw ang magtatayo ng bahay na titirhan ko.+ 5 Mula noong ilabas ko ang Israel, hindi pa ako nanirahan sa isang bahay, kundi nagpapalipat-lipat ako ng tolda at ng tabernakulo.*+ 6 Sa buong panahong kasama ako ng Israel, sinabi ko ba sa sinumang hukom ng Israel na inatasan kong magpastol sa bayan ko, ‘Bakit hindi ninyo ako ipinagtayo ng bahay na gawa sa sedro?’”’
7 “Sabihin mo ngayon sa lingkod kong si David, ‘Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo: “Kinuha kita mula sa mga pastulan, mula sa pag-aalaga ng kawan, para maging pinuno ng bayan kong Israel.+ 8 At ako ay sasaiyo saan ka man magpunta,+ at lilipulin ko sa harap mo ang lahat ng iyong kaaway;+ at gagawin kong kilala ang pangalan mo, gaya ng pangalan ng mga dakilang tao sa daigdig.+ 9 Bibigyan ko ng lupain ang bayan kong Israel at doon ko sila patitirahin, at mamumuhay sila roon at wala nang gagambala sa kanila; at hindi na sila pahihirapan* ng masasamang tao gaya ng ginawa sa kanila noon,+ 10 mula nang araw na mag-atas ako ng mga hukom sa bayan kong Israel.+ At tatalunin ko ang lahat ng kaaway mo.+ Sinasabi ko rin sa iyo, ‘Magtatatag si Jehova ng isang sambahayan* para sa iyo.’
11 “‘“Kapag nagwakas na ang buhay mo gaya ng iyong mga ninuno, gagawin kong hari na kahalili mo ang iyong supling,* ang isa sa mga anak mo,+ at gagawin kong matatag ang paghahari niya.+ 12 Siya ang magtatayo ng bahay para sa akin,+ at gagawin kong matibay ang trono niya magpakailanman.+ 13 Magiging ama niya ako, at magiging anak ko siya.+ Hindi mawawala ang aking tapat na pag-ibig sa kaniya+ kung paanong nawala ito sa isa na nauna sa iyo.+ 14 Aatasan ko siya sa bahay ko at sa kaharian ko magpakailanman,+ at mananatili ang trono niya magpakailanman.”’”+
15 Sinabi ni Natan kay David ang lahat ng salitang ito at ang buong pangitaing ito.
16 Kaya umupo si Haring David sa harap ni Jehova at nagsabi: “Sino ako, O Diyos na Jehova? At ano ang sambahayan ko para gawin mo sa akin ang lahat ng ito?+ 17 At para bang kulang pa ito sa iyo, O Diyos, kaya sinabi mo pa ang mangyayari sa sambahayan ng iyong lingkod hanggang sa malayong hinaharap,+ at tiningnan mo ako na parang isang taong dapat pang parangalan,* O Diyos na Jehova. 18 Ano pa ba ang masasabi sa iyo ng lingkod mong si David sa karangalang ibinigay mo sa akin? Kilalang-kilala mo ang iyong lingkod.+ 19 O Jehova, alang-alang sa iyong lingkod at ayon sa iyong kalooban, ginawa mo ang lahat ng dakilang bagay na ito at isiniwalat ang iyong kadakilaan.+ 20 O Jehova, wala kang katulad,+ at walang Diyos maliban sa iyo;+ pinatutunayan ito ng lahat ng narinig namin. 21 At anong bansa sa lupa ang kagaya ng bayan mong Israel?+ Tinubos sila ng tunay na Diyos bilang kaniyang bayan.+ Gumawa ka ng pangalan para sa iyong sarili sa pamamagitan ng iyong dakila at kamangha-manghang mga gawa.+ Itinaboy mo ang mga bansa sa harap ng iyong bayan,+ na tinubos mo mula sa Ehipto. 22 Ginawa mong sarili mong bayan ang Israel sa habang panahon;+ at ikaw, O Jehova, ang naging Diyos nila.+ 23 Ngayon, O Jehova, maging totoo nawa magpakailanman ang pangako mo may kinalaman sa iyong lingkod at sa sambahayan niya, at gawin mo nawa ang ipinangako mo.+ 24 Manatili* nawa ang pangalan mo at maging dakila+ magpakailanman, para sabihin ng mga tao, ‘Si Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, ay Diyos sa Israel,’ at maging matibay nawa ang pagkakatatag ng sambahayan ng lingkod mong si David sa harap mo.+ 25 O aking Diyos, sinabi mo sa iyong lingkod na magtatatag ka ng isang sambahayan* para sa kaniya. Kaya ang lingkod mo ay nagkaroon ng lakas ng loob na bigkasin ang panalanging ito sa iyo. 26 At ngayon, O Jehova, ikaw ang tunay na Diyos, at ipinangako mo ang mabubuting bagay na ito may kinalaman sa iyong lingkod. 27 Pagpalain mo nawa ang sambahayan ng iyong lingkod, at manatili nawa ito magpakailanman sa harap mo, dahil ikaw, O Jehova, ay nagbigay ng pagpapala, at pinagpala ito magpakailanman.”