Eclesiastes
9 Kaya isinapuso ko ang lahat ng ito, at naunawaan ko na ang matuwid at ang marunong, pati na ang mga gawa nila, ay nasa kamay ng tunay na Diyos.+ Walang alam ang mga tao tungkol sa ipinakitang pag-ibig o poot ng sinuman bago sila nabuhay. 2 Iisa lang ang kahihinatnan ng lahat,+ ang matuwid at ang masama,+ ang mabuti at ang malinis at ang marumi, ang naghahain at ang hindi naghahain. Ang mabuti ay gaya rin ng makasalanan; ang nananata ay gaya rin ng taong maingat sa pagbibitiw ng panata. 3 Ito ang nakakadismayang pangyayari sa ilalim ng araw: Dahil ang lahat ay may iisang kahihinatnan,+ ang puso ng mga tao ay punô ng kasamaan; at may kabaliwan sa puso nila sa buong buhay nila, at pagkatapos ay namamatay sila!*
4 May pag-asa para sa sinumang nabubuhay, dahil ang buháy na aso ay mas mabuti kaysa sa patay na leon.+ 5 Dahil alam ng mga buháy na mamamatay sila,+ pero walang alam ang mga patay;+ wala na rin silang tatanggaping gantimpala,* dahil lubusan na silang nalimutan.+ 6 Naglaho na rin ang kanilang pag-ibig, poot, at inggit, at wala na silang bahagi sa anumang gawain sa ilalim ng araw.+
7 Kaya kumain ka nang may pagsasaya at inumin mo ang iyong alak nang may masayang puso,+ dahil nalulugod na ang tunay na Diyos sa iyong mga gawa.+ 8 Lagi nawang maging puti ang iyong damit,* at lagi kang maglagay ng langis sa iyong ulo.+ 9 Masiyahan ka sa iyong buhay kasama ng minamahal mong asawa,+ sa lahat ng araw ng iyong maikling* buhay, na ibinigay Niya sa iyo sa ilalim ng araw, sa lahat ng iyong walang-kabuluhang araw, dahil iyan ang gantimpala* mo sa buhay at sa iyong pagsisikap, sa pagpapakapagod mo sa ilalim ng araw.+ 10 Anuman ang puwede mong gawin, gawin mo nang buong makakaya, dahil wala nang gawain, pagpaplano, kaalaman, o karunungan sa Libingan,*+ kung saan ka pupunta.
11 Mayroon pa akong nakita sa ilalim ng araw: Hindi laging ang matulin ang nananalo sa takbuhan, hindi laging ang malakas ang nananalo sa labanan,+ hindi laging ang marunong ang may nakakain, hindi laging ang matalino ang nagiging mayaman,+ at hindi laging ang may kaalaman ang nagtatagumpay,+ dahil lahat sila ay naaapektuhan ng panahon at di-inaasahang pangyayari. 12 Dahil hindi alam ng tao kung kailan siya mamamatay.*+ Kung paanong ang mga isda ay nahuhuli ng nakamamatay na lambat at ang mga ibon ay nahuhuli sa bitag, ang mga anak ng tao ay nabibitag ng kapahamakan, na bigla na lang dumarating.
13 Ito pa ang isa kong naobserbahan tungkol sa karunungan sa ilalim ng araw—at napahanga ako nito: 14 May isang maliit na lunsod na kaunti lang ang mga lalaki; sinalakay iyon ng isang makapangyarihang hari, at nagtayo siya ng matibay na harang sa palibot nito. 15 Doon ay may isang mahirap pero marunong na lalaki, at nailigtas niya ang lunsod dahil sa karunungan niya. Pero wala nang nakaalaala sa mahirap na taong iyon.+ 16 At sinabi ko sa sarili ko: ‘Ang karunungan ay nakahihigit sa lakas;+ pero ang karunungan ng isang mahirap ay hinahamak, at hindi pinakikinggan ang mga salita niya.’+
17 Mas mabuting pakinggan ang mahinahong pananalita ng marunong kaysa ang mga sigaw ng isang namamahala sa mga mangmang.
18 Ang karunungan ay nakahihigit sa mga sandata, pero kayang sirain ng isang makasalanan ang napakaraming mabubuting bagay.+