Esther
2 Pagkatapos nito, nang humupa na ang galit ni Haring Ahasuero,+ naalaala niya ang ginawa ni Vasti+ at ang naging parusa rito.+ 2 At sinabi ng mga tagapaglingkod ng hari: “Magpahanap ang hari ng mga dalagang* magaganda at bata pa. 3 At mag-atas ang hari ng mga tauhan sa lahat ng nasasakupang distrito.+ Titipunin nila ang lahat ng dalagang magaganda at bata pa at dadalhin ang mga ito sa palasyo ng Susan,* sa bahay ng mga babae. Si Hegai+ na lingkod* ng hari at tagapag-alaga ng mga babae ang mag-aasikaso sa kanila, at pagagandahin sila* roon. 4 At ang dalagang pinakamagugustuhan ng hari ang magiging reyna kapalit ni Vasti.”+ Natuwa ang hari sa mungkahi, at ginawa niya iyon.
5 May isang lalaking Judio sa palasyo ng Susan*+ na ang pangalan ay Mardokeo,+ anak ni Jair na anak ni Simei na anak ni Kis, isang Benjaminita.+ 6 Pinalayas siya sa Jerusalem kasama ng bayan at ni Jeconias+ na hari ng Juda, na ipinatapon ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya. 7 Siya ang tumayong magulang ng pinsan* niyang si Hadasa,* o Esther,+ dahil ulilang lubos na ito. Ang dalaga ay maganda at kaakit-akit. Noong mamatay ang mga magulang niya, inampon siya ni Mardokeo. 8 Nang lumabas ang kautusan ng hari at nang dalhin ang maraming dalaga sa palasyo ng Susan* at ipagkatiwala kay Hegai,+ si Esther ay dinala rin sa bahay* ng hari sa pangangasiwa ni Hegai na tagapag-alaga ng mga babae.
9 Natutuwa si Hegai sa dalaga at magaan ang loob niya* rito, kaya agad niyang inasikaso ang pagpapaganda* sa dalaga+ at ang pagkain nito, at binigyan niya ito ng pitong piling kabataang babae mula sa bahay ng hari. Inilipat din niya si Esther at ang mga kabataang lingkod nito sa pinakamagandang lugar sa bahay ng mga babae. 10 Walang sinabi si Esther tungkol sa kaniyang bayan+ o mga kamag-anak dahil ibinilin ni Mardokeo+ sa kaniya na huwag itong sabihin kaninuman.+ 11 Araw-araw, naglalakad si Mardokeo sa harap ng looban ng bahay ng mga babae para alamin ang kalagayan ni Esther at kung ano ang nangyayari sa dalaga.
12 Bawat dalaga ay pinahaharap kay Haring Ahasuero pagkatapos ng 12-buwang pagpapaganda na itinakda para sa mga babae. Ganiyan katagal ang pagpapaganda* sa kanila—anim na buwan gamit ang langis ng mira+ at anim na buwan gamit ang langis ng balsamo+ at iba’t ibang pamahid na pampaganda. 13 Pagkatapos nito, ang dalaga ay handa nang humarap sa hari, at ibibigay sa kaniya ang anumang hilingin niya para sa pagpunta niya sa bahay ng hari galing sa bahay ng mga babae. 14 Sa gabi siya haharap sa hari, at kinaumagahan, uuwi siya sa ikalawang bahay ng mga babae, kung saan si Saasgaz ang lingkod* ng hari+ at tagapag-alaga ng mga pangalawahing asawa ng hari. Hindi na pupunta sa hari ang dalaga malibang gustong-gusto siya ng hari at ipatawag siya nito.+
15 Dumating ang araw na haharap na si Esther sa hari. Si Esther ay anak ni Abihail na tiyo ni Mardokeo, na siyang umampon sa kaniya.+ Hindi humiling si Esther ng anuman maliban sa inirekomenda ni Hegai na lingkod* ng hari at tagapag-alaga ng mga babae. (Samantala, humahanga kay Esther ang lahat ng nakakakita sa kaniya). 16 Dinala si Esther kay Haring Ahasuero sa kaniyang palasyo noong ika-10 buwan, ang buwan ng Tebet,* nang ikapitong taon+ ng paghahari niya. 17 At minahal ng hari si Esther nang higit kaysa sa lahat ng iba pang babae. Nagustuhan siya ng hari at pinahalagahan nang higit* kaysa sa lahat ng iba pang dalaga. Kaya inilagay ng hari ang korona sa ulo ni Esther at ginawa niya itong reyna+ kapalit ni Vasti.+ 18 At ang hari ay nagdaos ng malaking handaan para sa lahat ng kaniyang matataas na opisyal at mga lingkod bilang parangal kay Esther. Nagdeklara din siya ng amnestiya para sa lahat ng distritong sakop niya at namigay ng napakaraming regalo na hari lang ang makapagbibigay.
19 At nang tipunin ang mga dalaga+ sa ikalawang pagkakataon, si Mardokeo ay nakaupo sa pintuang-daan ng hari. 20 Walang sinasabi si Esther tungkol sa mga kamag-anak niya at sa bayan niya,+ gaya ng bilin sa kaniya ni Mardokeo; at palaging sinusunod ni Esther ang sinasabi ni Mardokeo, gaya noong nasa pangangalaga pa siya nito.+
21 Nang mga araw na iyon, habang nakaupo si Mardokeo sa pintuang-daan ng hari, ang dalawang opisyal sa palasyo na sina Bigtan at Teres, mga bantay-pinto, ay nagalit at nagplanong patayin si Haring Ahasuero. 22 Pero nalaman ito ni Mardokeo, at agad niya itong sinabi kay Reyna Esther. Nakipag-usap naman si Esther sa hari sa ngalan ni Mardokeo. 23 Inimbestigahan ito at napatunayang totoo, kaya ang dalawang lalaki ay ibinitin sa tulos; at lahat ng ito ay isinulat sa aklat ng kasaysayan sa harap ng hari.+