Ezekiel
27 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova: 2 “Anak ng tao, umawit ka ng isang awit ng pagdadalamhati para sa Tiro,+ 3 at sabihin mo sa Tiro,
‘Ikaw na naninirahan sa pasukan ng karagatan,
Ang mangangalakal para sa mga bayang nasa maraming isla,
Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova:
“O Tiro, ikaw mismo ang nagsabi, ‘Sukdulan ang kagandahan ko.’+
4 Nasa gitna ng dagat ang iyong mga teritoryo,
At ginawa kang sukdulan sa ganda ng mga tagapagtayo mo.
5 Gawa sa puno ng enebro mula sa Senir+ ang lahat ng tabla mo,
At kumuha sila ng sedro mula sa Lebanon para sa iyong palo.*
6 Gawa sa punong ensina ng Basan ang mga sagwan mo,
At ang iyong proa* ay gawa sa kahoy na sipres na nilagyan ng garing* mula sa mga isla ng Kitim.+
7 Makukulay na telang lino mula sa Ehipto ang iyong layag,
At gawa sa asul na sinulid at purpurang lana mula sa mga isla ng Elisa+ ang pantabing sa iyong kubyerta.*
8 Ang mga naninirahan sa Sidon at Arvad+ ang mga tagasagwan mo.
Ang bihasa mong mga lalaki, O Tiro, ang mga mandaragat mo.+
9 Makaranasan* at bihasang mga lalaki ng Gebal+ ang nagtapal sa pagitan ng mga tabla ng iyong barko.+
Nakipagkalakalan sa iyo ang lahat ng barko sa dagat at mga marinero ng mga ito.
10 Kasama sa hukbo mo ang mga lalaking mandirigma ng Persia, Lud, at Put.+
Isinabit nila sa iyo ang kanilang kalasag at helmet, at nagdala sila sa iyo ng karangalan.
11 Ang mga lalaki ng Arvad sa hukbo mo ay nakaposisyon sa palibot ng iyong pader,
At matatapang na lalaki ang nagbantay sa iyong mga tore.
Nagsabit sila ng bilog na mga kalasag sa palibot ng pader mo,
At ginawa ka nilang sukdulan sa ganda.
12 “‘“Ang Tarsis+ ay nakipagkalakalan sa iyo dahil sa yaman mo.+ Ipinagpalit nila ang kanilang pilak, bakal, lata, at tingga para sa mga produkto mo.+ 13 Nakipagkalakalan din sa iyo ang Javan, Tubal,+ at Mesec;+ ipinagpalit nila ang kanilang mga alipin+ at kagamitang tanso para sa mga produkto mo. 14 Ipinagpalit ng sambahayan ni Togarma+ ang kanilang mga kabayo, kabayong pandigma, at mula* para sa mga produkto mo. 15 Ang mga taga-Dedan+ ay nakipagkalakalan sa iyo; nagtrabaho para sa iyo ang mga mangangalakal mula sa maraming isla; nagbigay sila sa iyo ng garing+ at ebano* bilang tributo.* 16 Nakipagkalakalan sa iyo ang Edom dahil sa dami ng iyong produkto. Ipinagpalit nila ang kanilang turkesa,* purpurang lana, telang may makukulay na burda, magagandang klase ng tela, korales, at rubi para sa mga produkto mo.
17 “‘“Nakipagkalakalan sa iyo ang Juda at Israel. Ipinagpalit nila ang trigo ng Minit,+ espesyal na mga pagkain, pulot-pukyutan,+ langis, at balsamo+ para sa mga produkto mo.+
18 “‘“Nakipagkalakalan sa iyo ang Damasco+ dahil sa yaman mo at dami ng iyong produkto. Ipinagpalit nila ang alak ng Helbon at lana ng Zahar* para sa mga produkto mo. 19 Ipinagpalit ng Vedan at ng Javan mula sa Uzal ang kagamitang bakal, kasia,* at kania* para sa mga produkto mo. 20 Ang Dedan+ ay nagsuplay sa iyo ng telang pansapin* kapag sumasakay sa hayop. 21 Nagtrabaho para sa iyo ang mga Arabe at lahat ng pinuno ng Kedar,+ na mga mangangalakal ng kordero,* lalaking tupa, at kambing.+ 22 Nakipagkalakalan sa iyo ang mga negosyante ng Sheba at Raama;+ ipinagpalit nila ang pinakamagagandang klase ng pabango, mamahaling mga bato, at ginto para sa mga produkto mo.+ 23 Nakipagkalakalan sa iyo ang Haran,+ Kane, Eden,+ at ang mga negosyante ng Sheba,+ Asur,+ at Kilmad. 24 Sa mga pamilihan mo, ipinagpalit nila ang kanilang magagandang kasuotan, mga asul na balabal na may makukulay na burda, at makukulay na karpet; ang lahat ng ito ay mahigpit na nakatali ng lubid.
25 Ang mga barko ng Tarsis+ ang nagdadala ng mga produkto mo,
Kaya napuno ka ng yaman at bumigat* sa gitna ng dagat.
26 Dinala ka ng mga tagasagwan mo sa dagat na may napakalalaking alon;
Winasak ka ng hanging silangan sa gitna ng dagat.
27 Ang iyong yaman, produkto, paninda, marinero, at mandaragat,
Ang mga nagtatapal sa pagitan ng mga tabla ng iyong barko, ang mga mangangalakal mo,+ at ang lahat ng mandirigma+
—Ang lahat ng* kasama mo—
Lahat sila ay lulubog sa pusod ng dagat sa araw ng pagbagsak mo.+
28 Kapag humiyaw ang mga mandaragat mo, mangingilabot ang mga lupain sa tabing-dagat.
29 Ang lahat ng tagasagwan, marinero, at mandaragat
Ay bababa sa kanilang barko at tatayo sa lupa.
31 Magpapakalbo sila at magsusuot ng telang-sako;
Tatangis sila dahil sa iyo at hahagulgol.
32 Sa pamimighati nila, aawit sila ng isang awit ng pagdadalamhati para sa iyo at hihiyaw:
‘Sino ang tulad ng Tiro, na tahimik na ngayon sa gitna ng dagat?+
33 Kapag dumarating ang mga produkto mo mula sa gitna ng dagat, marami kang napasasayang bayan.+
Yumaman ang mga hari sa lupa dahil sa iyong yaman at produkto.+
34 Ngayon ay nawasak ka sa gitna ng dagat, sa malalim na katubigan,+
At ang lahat ng iyong produkto at mamamayan ay lumubog na kasama mo.+
35 Ang lahat ng nakatira sa mga isla ay titingin sa iyo at matutulala,+
At ang mga hari nila ay mangangatog sa takot+ —makikita ito sa kanilang mukha.
36 Ang mga mangangalakal sa ibang bansa ay mapapasipol dahil sa nangyari sa iyo.
Ang wakas mo ay magiging biglaan at kakila-kilabot,
At lubusan ka nang maglalaho.’”’”+