Ayon kay Lucas
18 Pagkatapos, nagbigay siya sa kanila ng isang ilustrasyon para ituro na kailangan nilang manalangin lagi at huwag sumuko.+ 2 Sinabi niya: “Sa isang lunsod, may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang galang sa iba. 3 May isang biyuda rin sa lunsod na iyon at paulit-ulit siyang pinupuntahan nito, na sinasabi, ‘Siguraduhin mong mabibigyan ako ng katarungan mula sa kalaban ko sa batas.’ 4 Sa umpisa, ayaw ng hukom, pero pagkalipas ng ilang panahon, sinabi rin niya sa sarili niya, ‘Wala akong takot sa Diyos at wala rin akong galang sa mga tao, 5 pero dahil paulit-ulit akong ginugulo ng biyudang ito, sisiguraduhin kong mabigyan siya ng katarungan para hindi na siya magpabalik-balik at kulitin ako hanggang sa hindi ko na iyon matagalan.’”+ 6 Kaya sinabi ng Panginoon: “Napansin ba ninyo ang sinabi ng hukom kahit hindi siya matuwid? 7 Kung gayon, hindi ba sisiguraduhin din ng Diyos na mabigyan ng katarungan ang mga pinili niya na dumaraing sa kaniya araw at gabi,+ habang patuloy siyang nagiging matiisin sa kanila?+ 8 Sinasabi ko sa inyo, kikilos siya agad para mabigyan sila ng katarungan. Gayunman, kapag dumating ang Anak ng tao, talaga kayang makikita niya ang ganitong pananampalataya sa lupa?”
9 Ibinigay rin niya ang ilustrasyong ito para sa ilan na nag-iisip na matuwid+ sila at mababa ang tingin sa iba: 10 “Dalawang tao ang pumunta sa templo para manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa naman ay maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at tahimik na nanalangin, ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo na hindi ako gaya ng ibang mga tao—mangingikil, di-matuwid, mangangalunya—o gaya rin ng maniningil ng buwis na ito.+ 12 Dalawang beses akong nag-aayuno linggo-linggo; ibinibigay ko ang ikasampu ng lahat ng bagay na mayroon ako.’+ 13 Pero ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa malayo, ay ayaw man lang tumingala sa langit, kundi patuloy niyang sinusuntok ang dibdib niya at sinasabi, ‘O Diyos, maawa ka sa akin na isang makasalanan.’+ 14 Sinasabi ko sa inyo, umuwi ang taong ito at napatunayang mas matuwid kaysa sa Pariseong iyon.+ Dahil ang bawat isa na nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, pero ang sinumang nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.”+
15 Dinadala rin sa kaniya ng mga tao ang kanilang maliliit na anak para mahawakan niya; pagkakita rito, pinagalitan sila ng mga alagad.+ 16 Pero tinawag ni Jesus ang mga bata at sinabi: “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, at huwag ninyo silang pigilan, dahil ang Kaharian ng Diyos ay para sa mga gaya nila.+ 17 Sinasabi ko sa inyo, ang sinumang hindi tumatanggap sa Kaharian ng Diyos na gaya ng isang bata ay hindi makakapasok dito.”+
18 At isang tagapamahala ang nagtanong sa kaniya: “Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin para tumanggap* ng buhay na walang hanggan?”+ 19 Sinabi ni Jesus: “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Isa lang ang mabuti, ang Diyos.+ 20 Alam mo ang mga utos: ‘Huwag kang mangangalunya,+ huwag kang papatay,+ huwag kang magnanakaw,+ huwag kang tetestigo nang may kasinungalingan,+ parangalan* mo ang iyong ama at ina.’”+ 21 Sinabi niya: “Sinusunod ko ang lahat ng iyan mula pa sa pagkabata.” 22 Pagkarinig nito, sinabi ni Jesus, “May isa ka pang kailangang gawin: Ipagbili mo ang lahat ng pag-aari mo at ibigay mo sa mahihirap ang napagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit; pagkatapos, sumama ka sa akin, at maging tagasunod kita.”+ 23 Nang marinig ito ng tagapamahala, lungkot na lungkot siya, dahil napakayaman niya.+
24 Tumingin si Jesus sa tagapamahala, at sinabi niya: “Napakahirap para sa mayayaman na makapasok sa Kaharian ng Diyos!+ 25 Sa katunayan, mas madali pang makakapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa makapasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Diyos.”+ 26 Ang mga nakarinig nito ay nagsabi: “Kung gayon, sino pa ang makaliligtas?”+ 27 Sinabi niya: “Ang mga bagay na imposible sa mga tao ay posible sa Diyos.”+ 28 Pero sinabi ni Pedro: “Iniwan na namin ang mga pag-aari namin at sumunod kami sa iyo.”+ 29 Sinabi niya sa kanila: “Sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng umiwan sa kanilang bahay, asawang babae, mga kapatid, mga magulang, o mga anak alang-alang sa Kaharian ng Diyos+ 30 ay tatanggap ng mas marami pa sa panahong ito, at sa darating na sistema ay ng buhay na walang hanggan.”+
31 Pagkatapos, ibinukod niya ang 12 apostol at sinabi: “Makinig kayo. Pupunta tayo sa Jerusalem, at ang lahat ng isinulat sa pamamagitan ng mga propeta+ tungkol sa Anak ng tao ay matutupad.+ 32 Halimbawa, ibibigay siya sa mga tao ng ibang mga bansa,+ tutuyain,+ iinsultuhin, at duduraan.+ 33 Pagkatapos siyang hagupitin, papatayin nila siya,+ pero sa ikatlong araw ay mabubuhay siyang muli.”+ 34 Pero hindi nila naintindihan ang alinman sa mga ito, dahil itinago mula sa kanila ang ibig sabihin ng mga salitang ito.+
35 Habang papalapit si Jesus sa Jerico, may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos.+ 36 Dahil narinig niyang maraming tao ang dumadaan, nagtanong siya kung ano ang nangyayari. 37 Sinabi nila sa kaniya: “Dumadaan si Jesus na Nazareno!” 38 Kaya sumigaw siya: “Jesus, Anak ni David, maawa ka sa akin!” 39 Sinasaway siya ng mga nasa unahan at sinasabing tumahimik siya, pero lalo lang niyang isinigaw: “Anak ni David, maawa ka sa akin!” 40 Kaya huminto si Jesus at iniutos na ilapit sa kaniya ang lalaki. Nang makalapit ito, itinanong ni Jesus: 41 “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” Sinabi niya: “Panginoon, gusto kong makakita uli.” 42 Kaya sinabi ni Jesus sa kaniya: “Makakakita ka nang muli; pinagaling* ka ng pananampalataya mo.”+ 43 Agad siyang nakakita, at nagsimula siyang sumunod sa kaniya,+ na niluluwalhati ang Diyos. Gayundin, nang makita ito ng mga tao, lahat sila ay pumuri sa Diyos.+