Ezekiel
36 “Ikaw, anak ng tao, humula ka tungkol sa mga bundok ng Israel, at sabihin mo, ‘O mga bundok ng Israel, pakinggan ninyo ang salita ni Jehova. 2 Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Sinabi sa inyo ng kaaway, ‘Sa amin na ang sinaunang matataas na lupain!’”’+
3 “Kaya humula ka, at sabihin mo, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Ginawa nila kayong tiwangwang at sinalakay mula sa lahat ng direksiyon, para mapasakamay kayo ng mga natira mula sa ibang bansa at maging usap-usapan at tampulan ng panghahamak ng mga tao,+ 4 kaya pakinggan ninyo ang salita ng Kataas-taasang Panginoong Jehova, O mga bundok ng Israel! Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova sa mga bundok at burol, sa mga batis at lambak, sa tiwangwang at wasak na mga lupain,+ at sa pinabayaang mga lunsod na sinamsaman at hinamak ng mga natira mula sa mga bansa sa palibot;+ 5 sinabi sa kanila ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Dahil sa nag-aalab kong galit,+ magsasalita ako laban sa mga natira mula sa ibang bansa at laban sa buong Edom, na tuwang-tuwa at may panunuyang+ inangkin ang lupain ko para mapasakanila ang mga pastulan nito at masamsaman ito.’”’+
6 “Kaya humula ka tungkol sa lupain ng Israel, at sabihin mo sa mga bundok at burol at sa mga batis at lambak, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Magsasalita ako dahil sa tindi ng galit ko, dahil tiniis ninyo ang pang-aalipusta ng mga bansa.”’+
7 “Kaya ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Itinataas ko ang kamay ko bilang panunumpa—mapapahiya rin ang mga bansang nakapalibot sa inyo.+ 8 Pero kayo, O mga bundok ng Israel, ay magsisibol ng mga sanga at mamumunga para sa aking bayang Israel,+ dahil malapit na silang bumalik. 9 Dahil ako ay sumasainyo, at bibigyang-pansin ko kayo, at sasakahin kayo at hahasikan ng binhi. 10 Palalakihin ko ang inyong bayan—ang buong sambahayan ng Israel—at ang mga lunsod ay titirhan,+ at ang wasak na mga bahagi ay muling itatayo.+ 11 Oo, palalakihin ko ang inyong bayan at pararamihin ang inyong mga alagang hayop;+ darami sila at magiging palaanakin. May maninirahan ulit sa inyo gaya ng dati,+ at gagawin ko kayong higit na sagana kaysa noon;+ at malalaman ninyo na ako si Jehova.+ 12 Palalakarin ko sa inyo ang bayan kong Israel, at magiging pag-aari nila kayo.+ Kayo ang magiging mana nila, at hindi na sila kailanman mawawalan ng anak dahil sa inyo.’”+
13 “Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Sinasabi nila sa inyo: “Isa kang lupaing nanlalamon ng tao at nawawalan ng anak ang iyong mga bansa dahil sa iyo,”’ 14 ‘kaya hindi ka na manlalamon ng tao, at hindi na mawawalan ng anak ang iyong mga bansa dahil sa iyo,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova. 15 ‘Hindi ko na hahayaang insultuhin ka ng mga bansa o tuyain ng mga bayan,+ at hindi na matitisod ang iyong mga bansa dahil sa iyo,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.”
16 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova: 17 “Anak ng tao, noong naninirahan pa ang sambahayan ng Israel sa kanilang lupain, pinarumi nila ito ng kanilang landasin at pakikitungo.+ Para sa akin, kasindumi ng regla ang landasin nila.+ 18 Kaya ibinuhos ko sa kanila ang galit ko dahil sa dugong pinadanak nila sa lupain at dahil pinarumi nila ang lupain+ sa pamamagitan ng karima-rimarim na mga idolo* nila.+ 19 Kaya pinangalat ko sila sa mga bansa at lupain.+ Hinatulan ko sila ayon sa kanilang landasin at pakikitungo. 20 Pero nang makasama nila ang mga bansang iyon, nilapastangan ng mga tao ang aking banal na pangalan+ nang sabihin ng mga ito sa kanila, ‘Sila ang bayan ni Jehova, pero kinailangan nilang umalis sa lupain niya.’ 21 Kaya kikilos ako para sa aking banal na pangalan, na nilapastangan ng sambahayan ng Israel sa gitna ng mga bansa kung saan sila nanirahan.”+
22 “Kaya sabihin mo sa sambahayan ng Israel, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Hindi ko ito gagawin para sa inyo, O sambahayan ng Israel, kundi para sa aking banal na pangalan, na nilapastangan ninyo sa gitna ng mga bansa kung saan kayo nanirahan.”’+ 23 ‘Pababanalin ko ang aking dakilang pangalan,+ na nalapastangan sa gitna ng mga bansa dahil sa inyo; at malalaman ng mga bansa na ako si Jehova,’+ ang sabi ng Kataas-taasang* Panginoong Jehova, ‘kapag napabanal ako dahil sa inyo sa harap nila. 24 Kukunin ko kayo mula sa mga bansa at titipunin mula sa lahat ng lupain, at ibabalik ko kayo sa lupain ninyo.+ 25 Wiwisikan ko kayo ng malinis na tubig, at magiging malinis kayo;+ aalisin ko ang lahat ng karumihan ninyo+ at lahat ng inyong karima-rimarim na idolo.+ 26 Bibigyan ko kayo ng bagong puso+ at bagong espiritu.*+ Aalisin ko ang pusong bato+ sa katawan ninyo, at bibigyan ko kayo ng pusong laman.* 27 Ilalagay ko sa loob ninyo ang aking espiritu, at susundin ninyo ang mga tuntunin ko,+ at tutuparin ninyo at isasagawa ang aking mga hudisyal na pasiya. 28 At titira kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno, at kayo ang magiging bayan ko at ako ang magiging Diyos ninyo.’+
29 “‘Ililigtas ko kayo mula sa lahat ng karumihan ninyo, at uutusan ko ang butil na maging mabunga, at hindi ako magpapasapit sa inyo ng taggutom.+ 30 Gagawin kong mabunga ang mga puno at ang bukirin para hindi na kayo muling mapahiya sa mga bansa dahil sa taggutom.+ 31 At maaalaala ninyo ang masamang landasin at mga gawain ninyo, at mandidiri kayo sa sarili ninyo dahil sa inyong kasalanan at kasuklam-suklam na mga gawain.+ 32 Pero huwag ninyong isipin na gagawin ko ito para sa inyo,’+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova. ‘Sa halip, dapat kayong mahiya dahil sa landasin ninyo, O sambahayan ng Israel.’
33 “Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Sa araw na linisin ko kayo sa lahat ng kasalanan ninyo, muli kong patitirhan ang mga lunsod+ at ipatatayo ang wasak na mga bahagi.+ 34 Ang tiwangwang na lupaing nakikita ng bawat nagdaraan ay sasakahin. 35 At sasabihin ng mga tao: “Ang tiwangwang na lupain ay naging gaya ng hardin ng Eden,+ at ang mga lunsod na giba, wasak, at tiwangwang noon ay may mga pader na at tinitirhan na rin.”+ 36 At malalaman ng natirang mga bansa sa palibot ninyo na ako mismong si Jehova ang nagtayo ng mga nagiba at na tinamnan ko ang lupaing tiwangwang. Ako mismong si Jehova ang nagsalita, at ginawa ko iyon.’+
37 “Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Hahayaan ko ring hilingin sa akin ng sambahayan ng Israel na paramihin ko silang tulad ng isang kawan. 38 Tulad ng isang kawan ng mga banal, tulad ng kawan sa Jerusalem* sa panahon ng mga kapistahan nito,+ magiging ganoon karami ang mga tao sa mga lunsod na dating giba;+ at malalaman nila na ako si Jehova.’”