Ikalawang Cronica
8 Itinayo ni Solomon ang bahay ni Jehova at ang bahay* niya sa loob ng 20 taon.+ 2 Pagkatapos, muling itinayo ni Solomon ang mga lunsod na ibinigay ni Hiram+ kay Solomon at pinatira doon ang mga Israelita. 3 At pumunta si Solomon sa Hamat-zoba at sinakop iyon. 4 Pagkatapos, muli niyang itinayo ang Tadmor sa ilang at ang lahat ng imbakang lunsod+ na itinayo niya sa Hamat.+ 5 Pinatibay rin niya ang Mataas na Bet-horon+ at ang Mababang Bet-horon+ sa pamamagitan ng mga pader, pinto, at halang, 6 pati ang Baalat+ at ang lahat ng imbakang lunsod ni Solomon, ang lahat ng lunsod ng karwahe,+ ang mga lunsod para sa mga mangangabayo, at ang anumang gustong ipagawa ni Solomon sa Jerusalem, sa Lebanon, at sa lahat ng lupaing sakop niya.
7 Kung tungkol sa lahat ng natira sa mga Hiteo, Amorita, Perizita, Hivita, at mga Jebusita,+ na hindi kabilang sa Israel,+ 8 ang mga inapo nila na naiwan sa lupain—ang mga hindi napuksa ng mga Israelita+—ay ipinatawag ni Solomon para sa puwersahang pagtatrabaho, at ganito ang kalagayan nila hanggang ngayon.+ 9 Pero walang sinuman sa mga Israelita ang ginawang alipin ni Solomon para sa gawain niya,+ dahil sila ay kaniyang mga mandirigma, mga pinuno ng kaniyang mga ayudante,* at mga pinuno ng mga tagapagpatakbo niya ng karwahe at ng mga mangangabayo.+ 10 May 250 pinuno ang mga kinatawang opisyal ni Haring Solomon; sila ang namamahala sa mga tao.+
11 Kinuha rin ni Solomon ang anak na babae ng Paraon+ sa Lunsod ni David at dinala sa bahay na itinayo niya para dito,+ dahil ang sabi niya: “Kahit asawa ko siya, hindi siya dapat tumira sa bahay ni Haring David ng Israel, dahil ang mga lugar na pinaglagyan ng Kaban ni Jehova ay banal.”+
12 Pagkatapos, naghandog si Solomon ng mga haing sinusunog+ kay Jehova sa altar+ ni Jehova na itinayo niya sa harap ng beranda.+ 13 Ginawa niya ang nakatakdang gawain sa araw-araw at naghandog siya ayon sa utos ni Moises para sa mga Sabbath,+ mga bagong buwan,+ at mga itinakdang kapistahan tatlong ulit sa isang taon+—ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa,+ ang Kapistahan ng mga Sanlinggo,+ at ang Kapistahan ng mga Kubol.*+ 14 At binigyan niya ng mga atas ang mga pangkat ng mga saserdote+ ayon sa tuntunin ng ama niyang si David. Inilagay rin niya ang mga Levita sa mga puwestong itinakda sa kanila, para pumuri+ at maglingkod sa harap ng mga saserdote ayon sa nakatakdang gawain sa araw-araw, at ang mga pangkat ng mga bantay sa iba’t ibang pintuang-daan,+ dahil ito ang iniutos ni David na lingkod ng tunay na Diyos. 15 At sinunod nila ang lahat ng utos ng hari sa mga saserdote at sa mga Levita may kinalaman sa anumang bagay o may kinalaman sa mga imbakan. 16 Kaya ang lahat ng gawain ni Solomon ay organisado,* mula nang gawin ang pundasyon ng bahay ni Jehova+ hanggang sa matapos ito. Kaya natapos ang bahay ni Jehova.+
17 Noon pumunta si Solomon sa Ezion-geber+ at sa Elot+ sa dalampasigan sa lupain ng Edom.+ 18 Nagpadala sa kaniya si Hiram+ ng mga barko at ng makaranasang mga marino na pinangungunahan ng sarili nitong mga tauhan. Pumunta sila sa Opir+ kasama ng mga lingkod ni Solomon at kumuha roon ng 450 talento* ng ginto+ at dinala iyon kay Haring Solomon.+