Mga Bilang
35 Sinabi pa ni Jehova kay Moises sa mga tigang na kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan+ sa Jerico: 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na bigyan ang mga Levita ng mga lunsod na titirhan mula sa mana nila,+ at dapat nilang ibigay sa mga Levita ang mga pastulan sa palibot ng mga lunsod.+ 3 Maninirahan ang mga ito sa mga lunsod, at ang mga pastulan ay para sa mga alagang hayop, mga pag-aari, at iba pang hayop ng mga ito. 4 Ang lawak ng mga pastulan ng mga lunsod na ibibigay ninyo sa mga Levita ay 1,000 siko* mula sa pader ng lunsod sa buong palibot nito. 5 Sa labas ng lunsod, susukat kayo ng 2,000 siko sa silangan, 2,000 siko sa timog, 2,000 siko sa kanluran, at 2,000 siko sa hilaga; nasa gitna ang lunsod. Ito ang mga pastulan ng kanilang mga lunsod.
6 “Magbibigay kayo sa mga Levita ng 6 na kanlungang lunsod,+ na puwedeng takbuhan ng isang nakapatay,+ at ng 42 iba pang lunsod. 7 Kaya ang ibibigay ninyo sa mga Levita ay 48 lunsod, kasama ang mga pastulan nito.+ 8 Ang mga lunsod na ibibigay ninyo ay mula sa pag-aari ng mga Israelita.+ Mas marami ang kukunin ninyo mula sa malaking grupo at mas kaunti mula sa maliit na grupo.+ Ang bawat grupo ay magbibigay ng mga lunsod sa mga Levita depende sa laki ng mana na natanggap nito.”
9 Sinabi rin ni Jehova kay Moises: 10 “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Tatawirin ninyo ang Jordan papunta sa Canaan.+ 11 Dapat kayong pumili ng mga lunsod na madaling matakbuhan bilang mga kanlungang lunsod, kung saan dapat tumakbo ang isang nakapatay nang di-sinasadya.+ 12 Ang mga lunsod na ito ay magiging kanlungan ng isang nakapatay mula sa tagapaghiganti ng dugo,+ para hindi siya mapatay bago litisin sa harap ng kapulungan.+ 13 Kaya naman magbibigay kayo ng anim na kanlungang lunsod. 14 Magbibigay kayo ng tatlong lunsod sa panig na ito ng Jordan+ at tatlong lunsod sa Canaan+ para maging mga kanlungang lunsod. 15 Ang anim na lunsod na ito ay magiging kanlungan para sa mga Israelita, dayuhang naninirahang kasama ninyo,+ at iba pang naninirahan sa inyong lupain,* para doon tumakbo ang nakapatay nang di-sinasadya.+
16 “‘Pero kung sinaktan ng isa ang kapuwa niya gamit ang isang bagay na yari sa bakal at namatay ito, mamamatay-tao siya. Dapat siyang patayin.+ 17 At kung sinaktan niya ito gamit ang bato na puwedeng makapatay at namatay ito, mamamatay-tao siya. Dapat siyang patayin. 18 At kung sinaktan niya ito gamit ang isang bagay na yari sa kahoy na puwedeng makapatay at namatay ito, mamamatay-tao siya. Dapat siyang patayin.
19 “‘Ang tagapaghiganti ng dugo ang papatay sa mamamatay-tao. Kapag nakita niya ito, papatayin niya ito. 20 Kung itulak ng isa ang kapuwa niya dahil sa poot o batuhin niya ito ng anuman dahil sa masamang motibo at mamatay ito,+ 21 o kung gamitin niya ang kamay niya para saktan ito dahil sa poot at mamatay ito, ang nanakit ay dapat patayin. Mamamatay-tao siya. Kapag nakita siya ng tagapaghiganti ng dugo, papatayin siya nito.
22 “‘Gayunman, kung hindi naman siya napopoot sa kapuwa niya pero di-sinasadyang naitulak niya ito o nabato ng anumang bagay nang wala naman siyang masamang motibo,+ 23 o kung hindi niya ito nakita kaya nabagsakan niya ito ng bato at namatay, pero hindi niya ito kaaway o hindi niya ito gustong saktan, 24 hahatol ang kapulungan sa pagitan ng nakasakit at ng tagapaghiganti ng dugo ayon sa nabanggit na mga batas.+ 25 Ang nakapatay ay ililigtas ng kapulungan mula sa tagapaghiganti ng dugo at ibabalik siya sa kanlungang lunsod kung saan siya tumakbo, at titira siya roon hanggang sa mamatay ang mataas na saserdote na pinahiran ng banal na langis.+
26 “‘Pero kung lumabas ang nakapatay sa hangganan ng kanlungang lunsod kung saan siya tumakbo 27 at nakita siya ng tagapaghiganti ng dugo sa labas ng hangganan ng kanlungang lunsod at patayin siya nito, wala itong pagkakasala sa dugo. 28 Dapat siyang tumira sa kanlungang lunsod hanggang sa mamatay ang mataas na saserdote. Pero pagkamatay ng mataas na saserdote, puwede nang bumalik ang nakapatay sa lupang pag-aari niya.+ 29 Ito ang mga batas na magiging batayan ninyo sa paghatol para sa lahat ng henerasyon ninyo, sa lahat ng lugar na titirhan ninyo.
30 “‘Kung nakapatay ang isang tao at may mga testigo, dapat siyang patayin dahil mamamatay-tao siya;+ pero kung iisa lang ang testigo, hindi siya dapat patayin. 31 Huwag kayong tatanggap ng pantubos para sa buhay ng isang mamamatay-tao na karapat-dapat mamatay; dapat siyang patayin.+ 32 At huwag kayong tatanggap ng pantubos para sa taong tumakbo sa kanlungang lunsod, dahil hindi siya puwedeng tumirang muli sa sarili niyang lupa bago mamatay ang mataas na saserdote.
33 “‘Huwag ninyong parurumihin ang lupaing tinitirhan ninyo, dahil naparurumi ng dugo ang lupain,+ at walang ibang pambayad-sala para sa dugo ng taong pinatay sa lupain maliban sa dugo ng taong pumatay rito.+ 34 Huwag mong parurumihin ang tinitirhan ninyong lupain, kung saan ako naninirahan; dahil akong si Jehova ay naninirahan sa gitna ng bayang Israel.’”+