Liham sa mga Taga-Galacia
1 Ako si Pablo, isang apostol na hindi mula sa mga tao o sa pamamagitan man ng isang tao, kundi sa pamamagitan ni Jesu-Kristo+ at ng Diyos na Ama,+ na bumuhay-muli sa kaniya. 2 Ako at ang lahat ng kapatid na kasama ko ay sumusulat sa mga kongregasyon sa Galacia:+
3 Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Kristo. 4 Ibinigay niya ang sarili niya para maalis ang mga kasalanan natin+ at mailigtas tayo mula sa masamang sistemang ito+ ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama,+ 5 na dapat luwalhatiin magpakailanman. Amen.
6 Hindi ako makapaniwala na ngayon pa lang ay tumatalikod* na kayo mula sa Isa na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng walang-kapantay na kabaitan ni Kristo at bumabaling na kayo sa ibang uri ng mabuting balita.+ 7 Hindi sa may iba pang mabuting balita kundi may ilan na nanggugulo sa inyo+ at gustong pilipitin ang mabuting balita tungkol sa Kristo. 8 Pero kahit pa isa sa amin o isang anghel mula sa langit ang magpahayag sa inyo ng mabuting balita na iba sa mabuting balita na ipinahayag namin sa inyo, sumpain siya.+ 9 Gaya ng sinabi na namin, sinasabi ko ulit ngayon: Sumpain ang sinumang nagpapahayag sa inyo ng mabuting balita na iba sa pinaniwalaan ninyo.
10 Pabor nga ba ng tao ang sinisikap kong makuha o pabor ng Diyos? Sinisikap ko bang palugdan ang mga tao? Kung mga tao pa rin ang pinalulugdan ko, hindi ako magiging alipin ni Kristo. 11 Gusto kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang mabuting balita na ipinahayag ko sa inyo ay hindi galing sa tao;+ 12 dahil hindi ko ito tinanggap mula sa tao at hindi ito itinuro sa akin ng tao, kundi isiniwalat sa akin ni Jesu-Kristo.
13 Gaya ng alam ninyo, noong nasa Judaismo pa ako,+ pinag-usig ko nang matindi at ipinahamak ang kongregasyon ng Diyos;+ 14 at sa relihiyong Judaismo, mas masulong ako kaysa sa maraming kaedad ko sa aking bansa, dahil di-hamak na mas masigasig ako sa pagsasagawa ng mga tradisyon ng mga ninuno* ko.+ 15 Pero nang minabuti ng Diyos, na dahilan ng pagsilang ko at tumawag sa akin sa pamamagitan ng kaniyang walang-kapantay na kabaitan,+ 16 na isiwalat ang Anak niya sa pamamagitan ko para maihayag ko sa mga bansa ang mabuting balita tungkol sa kaniya,+ hindi ako agad kumonsulta sa sinumang tao; 17 hindi rin ako pumunta sa Jerusalem kung saan naroon ang mga apostol na nauna sa akin, kundi pumunta ako sa Arabia at saka bumalik sa Damasco.+
18 Pagkalipas ng tatlong taon, pumunta ako sa Jerusalem+ para dalawin si Cefas,+ at nanatili akong kasama niya nang 15 araw. 19 Pero hindi ko nakita ang iba pang apostol, maliban kay Santiago+ na kapatid ng Panginoon. 20 Sa harap ng Diyos, tinitiyak ko sa inyo na ang mga isinusulat ko ay hindi kasinungalingan.
21 Pagkatapos, pumunta ako sa mga rehiyon ng Sirya at Cilicia.+ 22 Pero hindi ako personal na nakilala ng mga alagad ni Kristo sa mga kongregasyon sa Judea. 23 Naririnig lang nila dati: “Ang taong umuusig sa atin noon+ ay naghahayag na ngayon ng mabuting balita tungkol sa pananampalatayang dati niyang sinisira.”+ 24 Kaya pinasimulan nilang luwalhatiin ang Diyos dahil sa akin.