Levitico
2 “‘At kung may sinumang maghahandog kay Jehova ng handog na mga butil,+ dapat na magandang klase ng harina ang handog niya, at bubuhusan niya ito ng langis at lalagyan ng olibano.+ 2 Dadalhin niya ito sa mga anak ni Aaron, na mga saserdote, at ang saserdote ay kukuha ng sandakot ng magandang klase ng harina kasama ang langis at lahat ng olibano nito; at pauusukin niya ito sa ibabaw ng altar bilang alaalang handog,*+ isang handog na pinaraan sa apoy, isang nakagiginhawang amoy para kay Jehova. 3 Ang matitira sa handog na mga butil ay mapupunta kay Aaron at sa mga anak niya;+ iyon ay kabanal-banalang bagay+ mula sa mga handog kay Jehova na pinaraan sa apoy.
4 “‘Kung mag-aalay ka ng handog na mga butil na niluto sa pugon, dapat na gawa ito sa magandang klase ng harina—hugis-singsing na mga tinapay na walang pampaalsa na hinaluan ng langis o maninipis na tinapay na walang pampaalsa na pinahiran ng langis.+
5 “‘Kung mag-aalay ka ng handog na mga butil na inihanda sa malapad na lutuan,+ dapat na gawa ito sa magandang klase ng harina na walang pampaalsa at hinaluan ng langis. 6 Dapat itong pagpira-pirasuhin, at bubuhusan mo ito ng langis.+ Ito ay handog na mga butil.
7 “‘Kung mag-aalay ka ng handog na mga butil na niluto sa kawali, dapat na gawa ito sa magandang klase ng harina na may langis. 8 Dapat mong dalhin kay Jehova ang handog na mga butil na gawa sa mga sangkap na ito, at dadalhin ito sa saserdote, na siyang maglalapit nito sa altar. 9 Ang saserdote ay kukuha ng kaunti mula sa handog na mga butil bilang alaalang handog,+ at pauusukin niya iyon sa ibabaw ng altar, bilang handog na pinaraan sa apoy, isang nakagiginhawang amoy para kay Jehova.+ 10 Ang matitira sa handog na mga butil ay mapupunta kay Aaron at sa mga anak niya; iyon ay kabanal-banalang bagay mula sa mga handog kay Jehova na pinaraan sa apoy.+
11 “‘Hindi puwedeng lagyan ng pampaalsa ang inyong handog na mga butil para kay Jehova,+ dahil hindi kayo puwedeng magpausok ng anumang pinaasim na masa o ng pulot-pukyutan bilang handog kay Jehova na pinaraan sa apoy.
12 “‘Ang mga iyon ay puwede ninyong ihandog kay Jehova bilang mga unang bunga,+ pero hindi puwedeng sunugin sa altar ang mga iyon bilang handog na may nakagiginhawang amoy.
13 “‘Ang lahat ng iyong handog na mga butil ay titimplahan mo ng asin; at hindi mo hahayaang mawala sa iyong handog na mga butil ang asin na magpapaalaala sa iyo sa pakikipagtipan ng iyong Diyos. Dapat na may asin ang lahat ng ihahandog mo.+
14 “‘Kung mag-aalay ka kay Jehova ng handog na mga butil mula sa mga unang hinog na bunga, dapat kang maghandog ng sariwang mga butil* na binusa at dinurog. Ito ang handog na mga butil mula sa iyong mga unang hinog na bunga.+ 15 Lalagyan mo iyon ng langis at ng olibano. Iyon ay handog na mga butil. 16 Pauusukin ng saserdote bilang alaalang handog+ ang kaunting dinurog na butil at langis, kasama ang lahat ng olibano nito, bilang handog kay Jehova na pinaraan sa apoy.