Genesis
39 Si Jose ay dinala ng mga Ismaelita+ sa Ehipto,+ at binili siya sa kanila ng Ehipsiyong si Potipar,+ na isang opisyal sa palasyo ng Paraon at pinuno ng mga bantay. 2 Pero ginagabayan ni Jehova si Jose.+ Dahil dito, naging matagumpay siya at pinamahala sa bahay ng panginoon niyang Ehipsiyo. 3 At nakita ng panginoon niya na sumasakaniya si Jehova at na pinagtatagumpay ni Jehova ang lahat ng ginagawa niya.
4 Tuwang-tuwa kay Jose ang panginoon nito, at ito ay naging lingkod na pinagkakatiwalaan niya. Kaya inatasan niya itong mamahala sa bahay niya at sa lahat ng pag-aari niya. 5 Mula nang atasan niya itong mamahala sa bahay niya at sa lahat ng pag-aari niya, patuloy na pinagpala ni Jehova ang bahay ng Ehipsiyo dahil kay Jose, at pinagpala ni Jehova ang lahat ng pag-aari niya sa bahay at sa bukid.+ 6 Nang maglaon, ipinagkatiwala niya kay Jose ang lahat ng pag-aari niya, at wala na siyang iniintindi maliban sa kakainin niya. Bukod diyan, si Jose ay lumaking matipuno at guwapo.
7 At nagustuhan si Jose ng asawa ng kaniyang panginoon at sinabi nito: “Sipingan mo ako.” 8 Pero tumanggi siya at sinabi sa asawa ng kaniyang panginoon: “Hindi na inaalam ng panginoon ko kung ano ang pinamamahalaan ko sa bahay niya, at ipinagkatiwala na niya sa akin ang lahat ng pag-aari niya. 9 Walang nakahihigit sa akin sa bahay na ito, at wala siyang ipinagkait sa akin maliban sa iyo, dahil asawa ka niya. Kaya paano ko magagawa ang napakasamang bagay na ito at magkasala nga laban sa Diyos?”+
10 Kaya araw-araw niyang kinakausap si Jose para akitin ito, pero hindi ito kailanman pumayag na sumiping sa kaniya o makasama siya. 11 Pero isang araw, nang pumasok si Jose sa bahay para gawin ang trabaho niya, walang ibang lingkod sa loob ng bahay. 12 At hinatak siya ng babae sa damit at sinabi: “Sipingan mo ako!” Pero iniwan na niya ang damit niya at tumakas palabas. 13 Nang makita ng babae na naiwan ni Jose ang damit nito sa kamay niya at tumakas palabas, 14 nagsisigaw siya at sinabi sa mga lingkod niya: “Tingnan ninyo! Dinala niya sa atin ang lalaking Hebreong iyon para gawin tayong katawa-tawa. Pumunta siya rito para sipingan ako pero nagsisigaw ako. 15 Nang marinig niyang sumigaw ako, iniwan na niya ang damit niya sa tabi ko at tumakas palabas.” 16 Pagkatapos, inilatag niya ang damit nito sa tabi niya hanggang sa dumating ang panginoon nito sa bahay.
17 At iyon din ang sinabi niya sa asawa niya: “Ang lingkod na Hebreo na dinala mo rito ay pumunta sa akin para gawin akong katawa-tawa. 18 Pero nang magsisigaw ako, iniwan na niya ang damit niya sa tabi ko at tumakas palabas.” 19 Nang marinig ni Potipar ang sinabi ng asawa niya: “Ganito ang ginawa sa akin ng lingkod mo,” galit na galit siya. 20 Kaya si Jose ay kinuha ng panginoon niya at dinala sa bilangguan, kung saan ikinukulong ang mga bilanggo ng hari, at nanatili siya roon sa bilangguan.+
21 Pero hindi iniwan ni Jehova si Jose; patuloy siyang nagpakita rito ng tapat na pag-ibig, at pinagpapala niya ito para matuwa rito ang punong opisyal ng bilangguan.+ 22 Kaya ipinagkatiwala ng punong opisyal ng bilangguan kay Jose ang lahat ng bilanggo roon, at siya ang namamahala sa lahat ng bagay na ginagawa nila roon.+ 23 Hindi na iniintindi ng punong opisyal ng bilangguan ang mga bagay na pinamamahalaan ni Jose, dahil ginagabayan ni Jehova si Jose at pinagtatagumpay ni Jehova ang lahat ng ginagawa nito.+