Mga Gawa ng mga Apostol
26 Sinabi ni Agripa+ kay Pablo: “Puwede ka nang magsalita.” Kaya iniunat ni Pablo ang kamay niya at sinimulang ipagtanggol ang kaniyang sarili:
2 “May kinalaman sa lahat ng ipinaparatang sa akin ng mga Judio,+ Haring Agripa, ikinalulugod kong gawin ang pagtatanggol ko sa araw na ito sa harap mo. 3 Alam kong eksperto ka sa lahat ng kaugalian pati sa mga usapin sa gitna ng mga Judio. Kaya pakisuyo, maging matiyaga ka sana sa pakikinig sa akin.
4 “Ang totoo, alam na alam ng mga Judio kung paano ako namuhay sa aking bayan* at sa Jerusalem mula pa sa pagkabata ko.+ 5 Alam ng lahat ng nakakakilala sa akin, kung gusto nilang patotohanan ito, na namuhay akong isang Pariseo+ ayon sa pinakamahigpit na turo ng aming relihiyon.+ 6 Pero ngayon, nakatayo ako para hatulan dahil naniniwala ako sa pangako ng Diyos sa ating mga ninuno;+ 7 ito rin ang pangakong inaasam na matupad ng ating 12 tribo kaya sila puspusan sa paglilingkod sa kaniya araw at gabi. Dahil sa pangakong ito, inaakusahan ako ng mga Judio,+ O hari.
8 “Bakit hindi kapani-paniwala para sa inyo* na binubuhay-muli* ng Diyos ang mga patay? 9 Ako mismo ay kumbinsido noon na dapat kong gawin ang lahat ng magagawa ko laban sa pangalan ni Jesus na Nazareno. 10 Iyan mismo ang ginawa ko sa Jerusalem, at marami sa mga alagad* ang ipinabilanggo ko+ dahil may awtoridad ako mula sa mga punong saserdote;+ at bumoboto ako pabor sa pagpatay sa kanila. 11 Kadalasan, pinaparusahan ko sila sa lahat ng sinagoga para talikuran nila ang kanilang pananampalataya; at dahil sukdulan ang galit ko sa kanila, pinag-usig ko maging ang mga alagad sa malalayong lunsod.
12 “Habang abalang-abala ako sa paggawa nito, naglakbay ako papuntang Damasco na may awtoridad at atas mula sa mga punong saserdote. 13 Pero nang katanghaliang-tapat, O hari, isang liwanag mula sa langit na mas maningning pa sa araw ang suminag sa akin at sa mga kasama ko sa paglalakbay.+ 14 At nang mabuwal kaming lahat, sinabi sa akin ng isang tinig sa wikang Hebreo: ‘Saul, Saul, bakit mo ako inuusig? Ikaw rin ang nahihirapan dahil sinisipa mo ang mga tungkod na panggabay.’ 15 Pero sinabi ko: ‘Sino ka, Panginoon?’ Sinabi ng Panginoon: ‘Ako si Jesus, ang inuusig mo. 16 Pero tumayo ka. Nagpakita ako sa iyo dahil pinipili kita bilang lingkod at bilang saksi ng mga bagay na nakita mo at makikita pa lang tungkol sa akin.+ 17 At ililigtas kita mula sa bayang ito at mula sa mga bansa, kung saan kita isusugo+ 18 para idilat ang mga mata+ nila, para palayain sila mula sa kadiliman+ tungo sa liwanag+ at mula sa awtoridad ni Satanas+ tungo sa Diyos, at sa gayon ay mapatawad ang mga kasalanan+ nila at tumanggap sila ng mana kasama ng mga pinabanal dahil sa pananampalataya nila sa akin.’
19 “Kaya, Haring Agripa, hindi ko sinuway ang pangitain mula sa langit, 20 kundi dinala ko ang mensahe, una ay sa mga nasa Damasco,+ pagkatapos ay sa Jerusalem,+ sa buong Judea, pati sa ibang mga bansa, na dapat silang magsisi at manumbalik sa Diyos sa pamamagitan ng mga gawang nagpapatunay sa kanilang pagsisisi.+ 21 Dahil diyan, sinunggaban ako ng mga Judio sa templo at tinangka akong patayin.+ 22 Pero dahil sa tulong ng Diyos, patuloy akong nakapagpapatotoo hanggang sa araw na ito sa nakabababa at nakatataas, na walang ibang sinasabi kundi ang mga ipinahayag ng mga propeta at ni Moises na mangyayari+— 23 na magdurusa ang Kristo+ at dahil siya ang unang bubuhaying muli mula sa* mga patay,+ ihahayag niya sa bayang ito at sa ibang mga bansa ang tungkol sa liwanag.”+
24 Habang sinasabi ito ni Pablo bilang pagtatanggol, sumigaw si Festo: “Baliw ka na, Pablo! Nababaliw ka na dahil sa dami ng alam mo!” 25 Pero sinabi ni Pablo: “Hindi ako nababaliw, Inyong Kamahalang Festo. Matino ang isip ko at nagsasabi lang ako ng totoo. 26 Siguradong alam na alam ito ng hari na malaya kong kinakausap ngayon; kumbinsido ako na walang nakakalampas sa pansin niya, dahil ang mga bagay na ito ay hindi nangyari sa isang sulok.+ 27 Naniniwala ka ba sa sinasabi ng mga propeta, Haring Agripa? Alam kong naniniwala ka.” 28 Sinabi ni Agripa kay Pablo: “Sa maikling panahon lang, mahihikayat mo akong maging Kristiyano.” 29 Kaya sinabi ni Pablo: “Hinihiling ko sa Diyos, sa maikli man o mahabang panahon, na ikaw pati na ang lahat ng nakikinig sa akin ngayon ay maging mga taong gaya ko rin, maliban sa mga gapos na ito.”
30 At tumayo ang hari, gayundin ang gobernador, si Bernice, at ang mga lalaking kasama nila. 31 Habang papaalis sila, sinasabi nila sa isa’t isa: “Ang taong ito ay walang ginawang anuman na nararapat sa kamatayan o pagkabilanggo.”+ 32 Sinabi pa ni Agripa kay Festo: “Napalaya na sana ang taong ito kung hindi siya umapela kay Cesar.”+