Eclesiastes
4 Binigyang-pansin ko ulit ang lahat ng pagpapahirap na patuloy na nangyayari sa ilalim ng araw. Nakita ko ang mga luha ng mga pinahihirapan, at walang dumadamay sa kanila.+ May kapangyarihan ang mga nagpapahirap sa kanila, at walang dumadamay sa kanila. 2 At naisip kong mas mabuti pa ang mga patay kaysa sa mga buháy.+ 3 Pero mas mabuti pa ang sitwasyon ng mga hindi pa naisisilang,+ dahil hindi pa nila nakikita ang kasamaang nangyayari sa ilalim ng araw.+
4 At nakita ko na talagang nagpapakapagod at nagpapakahusay sa trabaho ang mga tao dahil sa pakikipagkompetensiya;+ ito rin ay walang kabuluhan, paghahabol lang sa hangin.
5 Ang mangmang ay naghahalukipkip habang unti-unti siyang naaagnas.*+
6 Mas mabuti ang sandakot na pahinga kaysa sa dalawang dakot ng pagpapakapagod at paghahabol sa hangin.+
7 Binigyang-pansin ko ang isa pang walang-kabuluhang bagay sa ilalim ng araw: 8 May isang taong nag-iisa, walang sinumang kasama; wala siyang anak o kapatid, pero wala siyang tigil sa pagtatrabaho. Hindi nakokontento sa kayamanan ang mga mata niya.+ Pero naitatanong ba niya sa sarili, ‘Para kanino ako nagpapakahirap, at bakit ko pinagkakaitan ng mabubuting bagay ang sarili ko’?+ Ito rin ay walang kabuluhan at pagpapakapagod lang.+
9 Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa+ dahil may mabuting gantimpala* ang pagsisikap nila. 10 Dahil kung mabuwal ang isa sa kanila, maibabangon siya ng kasama niya. Pero ano ang mangyayari sa isang nabuwal kung walang tutulong sa kaniya na bumangon?
11 At kung magkasamang hihiga ang dalawang tao, hindi sila giginawin, pero paano ang taong nag-iisa? 12 Isa pa, ang taong nag-iisa ay puwedeng matalo. Pero kung dalawa sila, kaya nilang lumaban. At ang panaling gawa sa tatlong hibla ay hindi madaling mapatid.
13 Mas mabuti ang batang mahirap pero marunong kaysa sa haring matanda na pero mangmang+ at hindi na nakikinig* sa babala.+ 14 Dahil lumabas siya* sa bilangguan para maging hari,+ kahit na ipinanganak siyang mahirap noong naghahari ang isang iyon.+ 15 Nakita ko kung ano ang nangyayari sa lahat ng buháy na lumalakad sa ilalim ng araw, pati na sa batang papalit sa hari. 16 Kahit di-mabilang ang mga tagasuporta niya, sa bandang huli ay hindi na makokontento sa kaniya ang mga tao.+ Ito rin ay walang kabuluhan, paghahabol lang sa hangin.