Mga Gawa ng mga Apostol
11 At nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid na nasa Judea na tinanggap din ng mga tao ng ibang mga bansa ang salita ng Diyos. 2 Kaya nang pumunta si Pedro sa Jerusalem, pinuna siya ng* mga tagapagtaguyod ng pagtutuli+ 3 at sinabi: “Pumasok ka sa bahay ng mga taong di-tuli at kumaing kasama nila.” 4 Kaya ipinaliwanag ito sa kanila ni Pedro nang detalyado:
5 “Nasa lunsod ako noon ng Jope at nananalangin. Nakita ko sa isang pangitain ang isang tulad ng malaking telang lino na nakabitin sa apat na dulo nito; bumaba ito mula sa langit papunta sa akin.+ 6 Tiningnan ko iyon nang mabuti, at may nakita akong mga hayop sa lupa na apat ang paa, mababangis na hayop, mga reptilya,* at mga ibon sa langit. 7 May narinig din akong tinig na nagsabi: ‘Tumayo ka, Pedro, magkatay ka at kumain!’ 8 Pero sinabi ko: ‘Hindi puwede, Panginoon! Dahil kahit kailan, wala pang anumang marumi o ipinagbabawal ang pumasok sa bibig ko.’ 9 Nagsalita ulit ang tinig mula sa langit: ‘Huwag mo nang tawaging marumi ang mga bagay na nilinis na ng Diyos.’ 10 Nagsalita ito sa ikatlong pagkakataon, at ang lahat ng iyon ay iniakyat pabalik sa langit. 11 At nang pagkakataon ding iyon, may tatlong lalaking dumating sa bahay na tinutuluyan namin. Isinugo sila mula sa Cesarea para hanapin ako.+ 12 Sinabihan ako ng espiritu na huwag magdalawang-isip na sumama sa kanila. Sumama rin sa akin ang anim na kapatid na ito, at pumasok kami sa bahay ng lalaki.
13 “Sinabi niya sa amin na may nakita siyang anghel sa bahay niya na nagsabi: ‘Magsugo ka ng mga lalaki sa Jope at ipatawag mo si Simon, na tinatawag na Pedro,+ 14 at sasabihin niya sa iyo kung paano ka maliligtas at ang buong sambahayan mo.’ 15 Pero nang magsimula akong magsalita, tumanggap sila ng banal na espiritu gaya rin ng nangyari noon sa atin.+ 16 At naalaala ko ang sinasabi noon ng Panginoon: ‘Si Juan ay nagbautismo sa tubig,+ pero kayo ay babautismuhan sa banal na espiritu.’+ 17 Kaya kung ibinigay rin ng Diyos sa kanila ang walang-bayad na regalo na ibinigay niya sa atin na naniniwala sa Panginoong Jesu-Kristo, sino ako para mahadlangan* ang Diyos?”+
18 Pagkarinig nito, hindi na sila tumutol,* at niluwalhati nila ang Diyos at sinabi: “Kung gayon, ang mga tao ng ibang mga bansa ay binigyan din ng Diyos ng pagkakataong magsisi para tumanggap ng buhay.”+
19 Ang mga nangalat+ dahil sa pag-uusig na nagsimula nang patayin si Esteban ay nakarating hanggang sa Fenicia,+ Ciprus, at Antioquia, pero sa mga Judio lang nila ibinahagi ang mensahe.+ 20 Pero ang ilan na mula sa Ciprus at Cirene ay pumunta sa Antioquia at inihayag sa mga taong nagsasalita ng Griego ang mabuting balita tungkol sa Panginoong Jesus. 21 At sumakanila ang kamay ni Jehova; napakaraming naging mananampalataya at sumunod sa Panginoon.+
22 Nang mabalitaan ito ng kongregasyon sa Jerusalem, isinugo nila si Bernabe+ sa Antioquia. 23 Nang makarating siya roon at makita niya ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos, nagsaya siya at pinatibay niya ang lahat na patuloy na sumunod sa Panginoon nang buong puso;+ 24 si Bernabe ay isang mabuting tao, na puspos ng banal na espiritu at may matibay na pananampalataya. Dahil dito, marami ang naniwala sa Panginoon.+ 25 Kaya pumunta siya sa Tarso para hanapin si Saul.+ 26 Pagkakita rito, isinama niya ito sa Antioquia. Kaya isang buong taon silang nakipagtipon sa kongregasyon at nagturo sa maraming tao, at sa Antioquia unang tinawag na mga Kristiyano+ ang mga alagad sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos.
27 Nang mga panahong iyon, may mga propeta+ mula sa Jerusalem na pumunta sa Antioquia. 28 Isa sa kanila si Agabo;+ inihula niya sa pamamagitan ng espiritu na malapit nang magkaroon ng malaking taggutom sa buong lupa,+ na talagang nangyari noong panahon ni Claudio.+ 29 Kaya nagbigay ng tulong+ ang mga alagad, ayon sa kakayahan ng bawat isa,+ sa mga kapatid na nakatira sa Judea; 30 ipinadala nila ang mga ito sa matatandang lalaki sa pamamagitan nina Bernabe at Saul.+