Ezekiel
24 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova nang ikasiyam na taon, noong ika-10 araw ng ika-10 buwan: 2 “Anak ng tao, itala mo ang petsang ito,* ang mismong araw na ito. Nagsimula nang sumalakay sa Jerusalem ang hari ng Babilonya sa mismong araw na ito.+ 3 At maglahad ka ng isang ilustrasyon* tungkol sa rebeldeng sambahayan, at sabihin mo:
“‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova:
“Isalang ang lutuan;* isalang ito sa apoy at lagyan ng tubig.+
4 Lagyan iyon ng mga piraso ng karne,+ ng bawat magandang parte,
Ng hita at paypay;* punuin iyon ng pinakapiling mga buto.
5 Kunin ang pinakapiling tupa sa kawan,+ at isalansan paikot ang mga kahoy sa ilalim ng lutuan.
Pakuluan ang mga piraso, at lutuin ang mga buto.”’
6 “Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova:
‘Kaawa-awang lunsod na mamamatay-tao,+ ang kinakalawang na lutuan, na hindi pa natatanggalan ng kalawang!
Isa-isang alisin ang laman nito;+ huwag itong pagpalabunutan.
7 Dahil ang dugong pinadanak nito ay nasa loob pa nito;+ ibinuhos niya iyon sa bato.
Hindi niya iyon ibinuhos sa lupa para matabunan sana ng alabok.+
8 Para mapukaw ang galit ko at maghiganti ako,
Inilagay ko ang kaniyang dugo sa makintab na bato
Para hindi ito matabunan.’+
9 “Kaya ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova:
‘Kaawa-awang lunsod na mamamatay-tao!+
Patataasin ko ang salansan ng mga kahoy.
10 Pagpatong-patungin ang mga kahoy, at sindihan ito,
Pakuluang mabuti ang karne, itapon ang sabaw, at hayaang masunog ang mga buto.
11 Ipatong sa baga ang tansong lutuan na walang laman para uminit ito
Hanggang sa magbaga.
At ang karumihan nito at kalawang ay malulusaw.+
Ihagis iyon sa apoy kasama ang kalawang nito!’
13 “‘Marumi ka dahil sa iyong mahalay na paggawi.+ Sinubukan kitang linisin, pero hindi ka luminis sa karumihan mo. Hindi ka lilinis hanggang sa humupa ang galit ko sa iyo.+ 14 Ako mismong si Jehova ang nagsalita. Mangyayari iyon. Kapag kumilos ako, hindi ako magpipigil, malulungkot, at magsisisi.+ Hahatulan ka nila ayon sa landasin mo at pakikitungo,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.”
15 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova: 16 “Anak ng tao, sa isang iglap, kukunin ko sa iyo ang minamahal mo.+ Huwag kang magdadalamhati;* huwag ka ring tatangis o luluha. 17 Dumaing ka nang tahimik, at huwag mong isagawa ang ritwal ng pagdadalamhati sa patay.+ Isuot mo ang iyong turbante,+ at magsandalyas ka.+ Huwag mong takpan ang bigote* mo,+ at huwag mong kainin ang tinapay na ibinibigay sa iyo.”*+
18 Kinaumagahan, nagsalita ako sa bayan at namatay ang asawa ko nang gabing iyon. Kaya kinaumagahan, ginawa ko ang iniutos sa akin. 19 Sinasabi sa akin ng bayan: “Hindi mo ba sasabihin kung ano ang kinalaman sa amin ng mga ginagawa mo?” 20 Sumagot ako: “Dumating sa akin ang mensahe ni Jehova, 21 ‘Sabihin mo sa sambahayan ng Israel: “Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova, ‘Malapit ko nang lapastanganin ang santuwaryo ko,+ ang ipinagmamalaki ninyo nang husto, ang pinakamamahal ninyo at malapít sa puso ninyo. Ang inyong mga anak na lalaki at babae na iniwan ninyo ay mamamatay sa espada.+ 22 At gagawin ninyo ang ginawa ko. Hindi ninyo tatakpan ang mga bigote ninyo, at hindi ninyo kakainin ang tinapay na ibinibigay sa inyo.+ 23 Isusuot ninyo ang mga turbante ninyo, at magsasandalyas kayo. Hindi kayo magdadalamhati o iiyak. Mabubulok kayo dahil sa mga kasalanan ninyo,+ at daraing kayo sa isa’t isa. 24 Si Ezekiel ay naging tanda para sa inyo.+ Gagawin ninyo ang ginawa niya. Kapag nangyari iyon, malalaman ninyo na ako ang Kataas-taasang Panginoong Jehova.’”’”
25 “Para naman sa iyo, anak ng tao, sa araw na kunin ko sa kanila ang tanggulan nila—ang magandang bagay na nagpapaligaya sa kanila, ang pinakamamahal nila at malapít sa puso nila—at ang kanilang mga anak na lalaki at babae,+ 26 isang takas ang mag-uulat sa iyo ng nangyari.+ 27 Sa araw na iyon, ibubuka mo ang iyong bibig at makikipag-usap ka sa takas, at hindi ka na magiging pipi.+ Magiging isang tanda ka para sa kanila, at malalaman nila na ako si Jehova.”