Exodo
15 Nang pagkakataong iyon, inawit ni Moises at ng mga Israelita ang awit na ito para kay Jehova:+
“Aawit ako kay Jehova, dahil lubos siyang naluwalhati.+
Ang kabayo at ang sakay nito ay itinapon niya sa dagat.+
2 Si Jah* ang aking lakas at kapangyarihan, dahil siya ang naging kaligtasan ko.+
Siya ang Diyos ko, at pupurihin ko siya;+ siya ang Diyos ng ama ko,+ at dadakilain ko siya.+
3 Si Jehova ay isang malakas na mandirigma.+ Jehova ang pangalan niya.+
4 Inihagis niya sa dagat ang mga karwahe ng Paraon at ang hukbo nito,+
At nalunod sa Dagat na Pula ang pinakamagagaling na mandirigma nito.+
5 Nilamon sila ng nagngangalit na mga alon; lumubog sila sa kalaliman tulad ng isang bato.+
6 Napakalakas ng kapangyarihan ng iyong kanang kamay, O Jehova;+
Makadudurog ng kaaway ang iyong kanang kamay, O Jehova.
7 Dahil sa iyong kalakasan, kaya mong ibagsak ang mga lumalaban sa iyo;+
Inilalabas mo ang iyong nag-aapoy na galit, nilalamon sila nito na tulad ng pinaggapasan.
8 Isang hinga lang mula sa iyong ilong, natipon na ang tubig;
Hindi iyon umagos, at naging tulad iyon ng isang pader;
Ang dumadaluyong na tubig ay naipon sa pusod ng dagat.
9 Sinabi ng kaaway: ‘Tutugisin ko sila! Aabutan ko sila!
Hahatiin ko ang samsam hanggang sa masiyahan ako!
Huhugutin ko ang aking espada! Tatalunin sila ng kamay ko!’+
10 Humihip ka, at tumakip sa kanila ang dagat;+
Lumubog sila na parang tingga sa nagngangalit na tubig.
11 Sino sa mga diyos ang gaya mo, O Jehova?+
Sino ang gaya mo, na walang katulad sa kabanalan?+
Ikaw ang dapat katakutan at purihin sa pamamagitan ng mga awit; gumagawa ka ng kamangha-manghang mga bagay.+
12 Iniunat mo ang iyong kanang kamay, at nilamon sila ng lupa.+
13 Dahil sa iyong tapat na pag-ibig, pinatnubayan mo ang bayang iniligtas mo;+
Sa iyong lakas, aakayin mo sila sa iyong banal na tahanan.
14 Mababalitaan ito ng mga bayan;+ manginginig sila sa takot;
Maliligalig* ang mga naninirahan sa Filistia.
Manghihina ang loob ng lahat ng naninirahan sa Canaan.+
16 Mababalot sila ng takot at manginginig.+
Dahil sa iyong malakas na bisig, hindi sila makakakilos na tulad ng bato
Hanggang sa makadaan ang iyong bayan, O Jehova,
17 Dadalhin mo sila at itatatag* sa iyong bundok,*+
Sa lugar na iyong inihanda para tahanan mo, O Jehova,
Isang santuwaryo, O Jehova, na itinatag ng iyong mga kamay.
18 Si Jehova ay maghahari magpakailanman.+
19 Nang sumunod sa dagat ang mga kabayo ng Paraon kasama ang kaniyang mga karwaheng pandigma at mga kabalyero,+
Ibinalik ni Jehova sa dati ang dagat at nalunod sila,+
Pero ang bayang Israel ay lumakad sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.”+
20 Pagkatapos, kumuha ng tamburin si Miriam na propetisa, na kapatid ni Aaron; sumunod sa kaniya ang lahat ng babae, at tumugtog sila ng tamburin at sumayaw. 21 Umawit si Miriam bilang sagot sa kanila:
“Umawit kay Jehova, dahil lubos siyang naluwalhati.+
Ang kabayo at ang sakay nito ay itinapon niya sa dagat.”+
22 Nang maglaon, inakay ni Moises ang Israel paalis sa Dagat na Pula; pumunta sila sa ilang ng Sur at naglakbay nang tatlong araw sa ilang, pero wala silang mahanap na tubig. 23 Nakarating sila sa Marah,*+ pero hindi nila mainom ang tubig sa Marah dahil mapait iyon. Kaya naman tinawag niyang Marah ang lugar. 24 Kaya nagbulong-bulungan ang bayan laban kay Moises,+ at sinabi nila: “Ano ang iinumin namin?” 25 Humingi siya ng tulong kay Jehova,+ at itinuro sa kaniya ni Jehova ang isang maliit na puno. Nang inihagis niya iyon sa tubig, tumamis ang tubig.
Ginamit ng Diyos ang pangyayaring ito para ipaalám sa bayan kung ano ang inaasahan niya sa kanila. Sinubok niya sila para makita kung susunod sila o hindi.+ 26 Sinabi niya: “Kung makikinig ka sa tinig ni Jehova na iyong Diyos at gagawin ang tama sa kaniyang paningin at magtutuon ng pansin sa mga utos niya at tutuparin ang lahat ng tuntunin niya,+ hindi kita bibigyan ng alinman sa mga sakit na ibinigay ko sa mga Ehipsiyo,+ dahil akong si Jehova ang magpapagaling sa iyo.”+
27 Pagkatapos nito, nakarating sila sa Elim, kung saan may 12 bukal ng tubig at 70 puno ng palma. Kaya nagkampo sila roon sa tabi ng tubig.