Bakit Dapat Matakot sa Tunay na Diyos Ngayon?
“Matakot kayo sa tunay na Diyos at tuparin ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong obligasyon ng tao.”—ECLESIASTES 12:13.
1, 2. Bakit angkop lamang ang isang nararapat na pagkatakot sa Diyos?
ANG nararapat at may-pagpipitagang takot sa Diyos ay mabuti para sa tao. Oo, bagaman marami sa kinatatakutan ng tao ay nakababalisa, nakapipinsala pa nga sa ating kapakanan, mabuti para sa atin na matakot sa Diyos na Jehova.—Awit 112:1; Eclesiastes 8:12.
2 Batid ito ng Maylalang. Dahil sa pag-ibig sa kaniyang nilalang, iniuutos niya sa lahat na matakot sa kaniya at sumamba sa kaniya. Mababasa natin: “Nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit, at siya ay may walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita doon sa mga tumatahan sa lupa, at sa bawat bansa at tribo at wika at bayan, na nagsasabi sa malakas na tinig: ‘Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian, sapagkat ang oras ng paghatol niya ay dumating na, kaya sambahin ninyo ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa.’ ”—Apocalipsis 14:6, 7.
3. Ano ang ginawa ng Maylalang para sa ating unang mga magulang?
3 Tiyak na hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang Maylalang ng lahat ng bagay, ang Bukal ng buhay, sapagkat pag-aari niya tayo at ang planetang ito. (Awit 24:1) Bilang kapahayagan ng kaniyang dakilang pag-ibig, binigyan ni Jehova ng buhay ang kaniyang makalupang mga anak at pinaglaanan sila ng isang kahanga-hangang dako upang tirahán—isang magandang paraiso. Gayunman, ang kamangha-manghang kaloob na ito ay may pasubali. Sa diwa, iyon ay ipinagkatiwala. Aalagaan ng ating unang mga magulang ang kanilang tahanan at palalawakin iyon hanggang sa mapunô nila ng tao at masupil ang buong lupa. Sila’y may mga pribilehiyo at mga pananagutan sa mga hayop sa lupa, sa mga ibon, at sa mga isda—sa lahat ng iba pang nabubuhay na nilalang na makakasama nila at ng kanilang mga supling sa lupa. Dahil sa malaking ipinagkatiwalang ito, ang tao ay magsusulit.
4. Ano ang ginawa ng tao sa mga nilalang ng Diyos?
4 Sa kabila ng kahanga-hangang pasimulang ito, masdan ang ginawa ng tao upang dumhan ang kaniyang magandang tahanan sa lupa! Bilang paghamak at pagwawalang-bahala sa pagiging may-ari ng Diyos sa hiyas na ito, pinarumi ng tao ang lupa. Ang pagpaparumi ay umabot na sa punto na nanganganib na ang pag-iral ng parami nang paraming uri ng hayop, ibon, at isda. Hindi ito patuloy na pahihintulutan ng ating makatarungan at maibiging Diyos. Ang pagsirang ito sa lupa ay humihingi ng pagsusulit, na isang bagay na ikinatatakot ng marami. Sa kabilang dako, para sa may paggalang na nagtitiwala sa Diyos, nakaaaliw na malaman kung ano ang mangyayari. Si Jehova ay hihingi ng pagsusulit, at ang lupa ay isasauli. Tunay na ito’y isang masayang balita para sa lahat ng matuwid-pusong mga tao sa lupa.
5, 6. Papaano tutugon si Jehova sa ginawa ng tao sa Kaniyang mga nilalang?
5 Papaano isasagawa ng Diyos ang kaniyang paghatol? Sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, na ngayo’y nakaluklok na bilang Hari ng makalangit na Kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng makalangit na Anak na iyan, wawakasan ni Jehova ang kasalukuyang di-malinis at rebelyosong sistema. (2 Tesalonica 1:6-9; Apocalipsis 19:11) Sa ganitong paraan ay kaniyang dudulutan ng kaginhawahan ang lahat ng natatakot sa kaniya at, kasabay nito, sasagipin at iingatan ang ating makalupang tahanan.
6 Papaano mangyayari ito? Bumabanggit ang Bibliya tungkol sa isang malaking kapighatian na ang kasukdulan ay sa digmaan ng Armagedon. (Apocalipsis 7:14; 16:16) Ito ang magiging paghatol ng Diyos laban sa maruming sistemang ito ng mga bagay at sa mga nagpaparumi nito. Mayroon bang mga tao na mananatiling buháy? Oo! Sila ay yaong mga nagtataglay, hindi ng nakasásamâ, nakapipinsalang pagkatakot sa Diyos, kundi ng isang may-paggalang, may-pagpipitagang takot sa kaniya. Sila ay ililigtas.—Kawikaan 2:21, 22.
Isang Kahanga-hangang Pagtatanghal ng Kapangyarihan
7. Bakit namagitan ang Diyos alang-alang sa Israel noong kaarawan ni Moises?
7 Ang madulang pagkilos na ito ng Diyos na Jehova ay patiunang inilarawan sa isang makapangyarihang gawa na isinagawa niya alang-alang sa mga sumasamba sa kaniya mga 1,500 taon bago ang ating Karaniwang Panahon. Ang dakilang militar na kapangyarihan ng Ehipto ay umalipin sa nandayuhang mga Israelitang manggagawa nito, anupat tinangka pa man din ang isang anyo ng paglipol sa lahi nang iutos ng tagapamahala nito, si Faraon, ang pagpatay sa lahat ng bagong-silang na lalaking Israelita. Ang pagtatagumpay ng Diyos laban sa Ehipto ay magdudulot ng kalayaan ng Israel buhat sa mapaniil at pulitikal na sistemang iyan, oo, at ng kalayaan buhat sa isang bansa na pinarumi ng pagsamba sa maraming diyos.
8, 9. Papaano tumugon si Moises at ang mga Israelita sa ginawang pamamagitan ng Diyos?
8 Iniulat ng Exodo kabanata 15 ang tugon ng Israel sa pagkapalaya buhat sa Ehipto. Ang pagsusuri sa salaysay na ito ay tutulong sa atin na maunawaan kung papaano makaliligtas ang mga Kristiyano buhat sa kasalukuyang sistemang marumi sa espirituwal at sa pisikal na paraan. Isaalang-alang natin ang Exodo kabanata 15, anupat nagtutuon ng pansin sa mga piling talata upang matutuhan kung bakit dapat nating piliin na matakot kay Jehova, ang tunay na Diyos. Simulan natin sa Exo 15 talata 1 at 2:
9 “Nang panahong iyon si Moises at ang mga anak ni Israel ay nagsimulang umawit ng awit na ito kay Jehova at sabihin ang sumusunod: ‘Hayaang ako’y umawit kay Jehova, sapagkat siya’y lubhang naitaas. Ang kabayo at ang sakay nito ay kaniyang inihagis sa dagat. Ang aking lakas at ang aking kapangyarihan ay si Jah, yamang siya’y naging aking kaligtasan.’ ”
10. Anong mga pangyayari ang humantong sa pagpuksa ng Diyos sa hukbo ng Ehipto?
10 Ang mga tao sa buong daigdig ay pamilyar sa ulat kung papaano pinalaya ni Jehova ang Israel mula sa Ehipto. Dinalhan niya ng mga salot ang dakilang pandaigdig na kapangyarihang iyan hanggang sa wakas ay pinayagan ni Faraon na umalis ang mga Israelita. Ngunit kasunod nito ay hinabol ng mga hukbo ni Faraon ang walang kalaban-labang bayan na ito at waring nasukol nila sila sa dalampasigan ng Dagat na Pula. Bagaman tila maiwawala kaagad ng mga anak ni Israel ang kanilang katatamong kalayaan, iba naman ang nasa isip ni Jehova. Makahimalang binuksan niya ang isang daanan patawid sa dagat at dinala ang kaniyang bayan sa kaligtasan. Nang sumunod ang mga Ehipsiyo, pinagsalikop niya ang Dagat na Pula sa ibabaw nila at nilunod si Faraon at ang kaniyang mga puwersang militar.—Exodo 14:1-31.
11. Ano ang naging resulta ng pagkilos ng Diyos laban sa Ehipto?
11 Ang pagpuksa ni Jehova sa mga puwersang militar ng Ehipto ang siyang nagtaas sa kaniya sa mata ng mga sumasamba sa kaniya at nagtanyag ng kaniyang pangalan. (Josue 2:9, 10; 4:23, 24) Oo, ang kaniyang pangalan ay dinakila sa ibabaw ng walang-kapangyarihan at huwad na mga diyos ng Ehipto, na napatunayang walang-kakayahan na iligtas ang mga sumasamba sa kanila. Ang pagtitiwala sa kanilang mga bathala at sa mortal na tao at puwersang militar ay humantong sa mapait na kabiguan. (Awit 146:3) Hindi nga nakapagtataka na ang mga Israelita ay napakilos na umawit ng mga papuri na nagpapamalas ng nararapat na pagkatakot sa buháy na Diyos, na makapangyarihang nagliligtas sa kaniyang bayan!
12, 13. Ano ang dapat nating matutuhan buhat sa tagumpay ng Diyos sa Dagat na Pula?
12 Gayundin naman, dapat nating tanggapin na walang huwad na mga diyos sa ating panahon at walang superpower, kahit na may nuklear na armas pa, ang maaaring pumantay kay Jehova. Maililigtas niya ang kaniyang bayan at gagawin niya iyon. “Siya ay gumagawa ayon sa kaniyang sariling kalooban sa gitna ng hukbo ng mga langit at ng mga naninirahan sa lupa. At walang sinumang umiiral na makapipigil sa kaniyang kamay o makapagsasabi sa kaniya, ‘Ano na ba ang ginagawa mo?’ ” (Daniel 4:35) Kapag lubusang nauunawaan natin ang mga salitang ito, tayo rin ay napakikilos na maligayang umawit ng papuri sa kaniya.
13 Nagpapatuloy ang awit ng tagumpay sa Dagat na Pula: “Si Jehova ay isang tulad-lalaking persona ng digmaan. Jehova ang kaniyang pangalan.” Ang di-malulupig na Mandirigmang ito, kung gayon, ay hindi isang di-kilalang kathang-isip ng tao. May pangalan siya! Siya ‘ang Isa na nagpapangyaring maging,’ ang Dakilang Maylikha, ang Isa “na ang pangalan ay Jehova, . . . ang Kataas-taasan sa buong lupa.” (Exodo 3:14; 15:3-5; Awit 83:18) Hindi ka ba sumasang-ayon na naging isang kapantasan sana para sa sinaunang mga Ehipsiyong iyon na magtaglay ng makatuwiran at magalang na pagkadama ng takot sa Makapangyarihan-sa-lahat sa halip na salungatin siya?
14. Papaano ipinamalas ang kahalagahan ng maka-Diyos na takot sa Dagat na Pula?
14 Bilang Tagadisenyo ng lupa, lubusang kontrolado ng Maylikha ng dagat ang kalawakan ng tubig. (Exodo 15:8) Sa paggamit din naman ng kaniyang kapangyarihan sa hangin, nagawa niya ang waring imposible. Hinati niya ang kalaliman ng tubig sa isang dako at pinigil ito sa magkabilang direksiyon upang lumikha ng isang napapaderan ng tubig na pasilyo na madaraanan ng kaniyang bayan. Gunigunihin ang tanawin: milyun-milyong tonelada ng tubig-dagat na naipon nang mataas na mistulang magkabilang pader, anupat nagsilbing ligtas na daanan sa pagtakas ng Israel. Oo, yaong nagpapamalas ng nararapat na takot sa Diyos ay nagtamo ng proteksiyon. Pagkatapos ay pinakawalan ni Jehova ang tubig, na hinayaang dumaluyong na parang napakalaking delubyo, anupat nilamon ang mga puwersa ni Faraon at ang lahat ng kanilang kagamitan. Anong kagila-gilalas na pagtatanghal ng banal na kapangyarihan laban sa walang-kabuluhang mga diyos at puwersang militar ng tao! Tiyak, si Jehova ang isa na dapat katakutan, hindi ba?—Exodo 14:21, 22, 28; 15:8.
Pagpapamalas ng Ating Takot sa Diyos
15. Ano ang nararapat na itugon natin sa makapangyarihang mga gawa ng Diyos na pagliligtas?
15 Kung nakatayong ligtas kasama ni Moises, tiyak na tayo’y magaganyak ding umawit: “Sino sa mga diyos ang kagaya mo, O Jehova? Sino ang kagaya mo, na pinatutunayan ang iyong sarili na makapangyarihan sa kabanalan? Ang Isa na dapat katakutan taglay ang mga awit ng papuri, ang Isa na gumagawa ng mga kababalaghan.” (Exodo 15:11) Ang gayong papuri ay umalingawngaw sa lahat ng mga siglo magmula noon. Sa huling aklat ng Bibliya, inilalarawan ni apostol Juan ang isang grupo ng tapat na pinahirang mga lingkod ng Diyos: “Inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Diyos at ang awit ng Kordero.” Ano ang dakilang awit na ito? “Dakila at kamangha-mangha ang iyong mga gawa, Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat. Matuwid at totoo ang iyong mga daan, Haring walang-hanggan. Sino talaga ang hindi matatakot sa iyo, Jehova, at luluwalhati sa iyong pangalan, sapagkat ikaw lamang ang matapat?”—Apocalipsis 15:2-4.
16, 17. Anong kahanga-hangang mga pangyayari ang nakikita nating nagaganap sa ngayon?
16 Kaya sa ngayon ay mayroon ding pinalayang mga mananamba na nagpapahalaga hindi lamang sa malikhaing gawa ng kamay ng Diyos kundi gayundin sa kaniyang mga utos. Ang mga tao mula sa lahat ng bansa ay espirituwal na napalaya, anupat hiwalay sa maruming sanlibutang ito sapagkat kinikilala at ikinakapit nila ang matuwid na mga utos ng Diyos. Taun-taon, daan-daan libo ang tumatakas sa tiwaling sanlibutang ito upang manirahan kasama ng malinis at matuwid na organisasyon ng mga sumasamba kay Jehova. Di na magtatagal, pagkatapos isagawa ang maapoy na kahatulan ng Diyos laban sa huwad na relihiyon at sa nalalabing bahagi ng balakyot na sistemang ito, sila’y mabubuhay magpakailanman sa isang matuwid na bagong sanlibutan.
17 Kasuwato ng Apocalipsis 14:6, 7, naririnig ngayon ng sangkatauhan ang isang babalang mensahe ng paghatol na ipinahahayag ng mga Saksi ni Jehova sa ilalim ng pag-akay ng mga anghel. Sa mahigit na 230 lupain noong nakaraang taon, mga limang milyong Saksi ang nagpahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at ng kaniyang oras ng paghatol. Upang turuan ang kanilang kapuwa tao ukol sa kaligtasan, regular na dumadalaw ang mga Saksi sa tahanan ng mga tao, anupat nagdaraos ng libreng pag-aaral sa Bibliya. Sa gayon ay daan-daan libo bawat taon ang natututo nang sapat upang matakot sa tunay na Diyos sa matalinong paraan, mag-alay ng kanilang buhay sa kaniya, at mabautismuhan. Nakalulugod nga na ang gayong mga tao ay natututong matakot sa tunay na Diyos!—Lucas 1:49-51; Gawa 9:31; ihambing ang Hebreo 11:7.
18. Ano ang nagpapakita na ang mga anghel ay nasasangkot sa ating pangangaral?
18 Totoo ba na ang mga anghel ay nasasangkot sa gawaing ito na pangangaral? Buweno, tiyak namang madaling unawain na madalas akayin ng mga anghel ang mga Saksi ni Jehova sa isang tahanan na doon ang isang nababagabag na kaluluwa ay nag-aasam, nananalangin pa man din, ukol sa espirituwal na tulong! Halimbawa, dalawang Saksi ni Jehova na may kasamang munting bata ang nagpapahayag ng mabuting balita sa isang isla sa Caribbean. Yamang tanghali na, nagpasiya ang dalawang nakatatanda na umuwi na. Subalit gustung-gusto ng bata na dumalaw sa susunod na tahanan. Nang makita niyang hindi gustong gawin iyon noon ng mga nakatatanda, mag-isa siyang pumunta roon at kumatok. Isang kabataang babae ang nagbukas ng pinto. Nang makita ito ng mga nakatatanda, lumapit sila at nakipag-usap sa kaniya. Inanyayahan niya silang tumuloy, anupat ipinaliwanag na nang mismong marinig niya ang katok sa pintuan, siya ay nananalangin sa Diyos na papuntahin sa kaniya ang mga Saksi upang turuan siya ng Bibliya. Gumawa ng mga kaayusan para sa pag-aaral ng Bibliya.
19. Ano ang maituturo natin bilang isang kapakinabangan ng pagkatakot sa Diyos?
19 Habang may-katapatang inihahatid natin ang mensahe ng paghatol ng Diyos, itinuturo rin natin ang kaniyang matuwid na mga kautusan. Kapag ang mga ito ay ikinapit sa buhay ng mga tao, kapuwa pisikal at espirituwal na mga pagpapala ang ibinubunga. Halimbawa, tuwiran ang Bibliya sa paghatol nito sa lahat ng seksuwal na imoralidad. (Roma 1:26, 27, 32) Sa ngayon ang banal na mga pamantayan ay karaniwan nang ipinagwawalang-bahala sa sanlibutan. Ano ang resulta? Naghihiwalay ang mga mag-asawa. Dumarami ang mga suwail. Lumalaganap ang nakapipinsala o nakamamatay na mga sakit na naililipat ng pagtatalik, na naging salot sa ika-20 siglong ito. Tunay, ang nakatatakot na sakit na AIDS ay kumakalat sa isang malawak na antas dahil sa seksuwal na imoralidad. Subalit hindi ba ang may-paggalang na takot sa Diyos ay napatunayang isang malaking proteksiyon para sa tunay na mga mananamba?—2 Corinto 7:1; Filipos 2:12; tingnan din ang Gawa 15:28, 29.
Mga Resulta ng Pagkatakot sa Diyos Ngayon
20. Ano ang nagpapakita na alam ng iba ang reputasyon ng mga Saksi ni Jehova?
20 Sagana ang mga pagpapala para sa mga natatakot sa Diyos at sumusunod sa kaniyang mga utos. Isaalang-alang ang isang pangyayari na nagpapakita na lalong nakikilala ang bagay na ang mga Saksi ni Jehova ay bumubuo ng isang mapayapang kapatiran ng mga Kristiyanong may matuwid na asal. Ilang Saksi, na mga delegado sa isang internasyonal na kombensiyon sa Timog Amerika, ang nanunuluyan sa isang otel na ginamit din nang isang gabi para sa isang pagtitipon ng mga di-Saksi na ang magpapahayag ay ang presidente ng bansa. Habang ang presidente ay madaliang isinasakay ng security team sa isang elebeytor, sumakay ang isang Saksi na hindi nakaáalam kung sino ang nasa elebeytor, anupat ikinagulat ng security men! Nang mapagtanto kung ano ang nagawa niya, humingi ng paumanhin ang Saksi sa paggambalang nagawa. Ipinakita niya ang kaniyang convention badge na nagpapakilala sa kaniya bilang isang Saksi at sinabi na siya ay hindi isang panganib sa presidente. Nakangiting sinabi ng isang guwardiya: “Kung lahat ng tao ay katulad ng mga Saksi ni Jehova, hindi na namin kakailanganin pa ang ganitong uri ng seguridad.”—Isaias 2:2-4.
21. Anong landasin ng pagkilos ang nakabukas sa mga tao sa ngayon?
21 Ito ang uri ng mga tao na tinitipon at inihahanda ngayon ni Jehova upang ‘makalabas sa malaking kapighatian’ na siyang tatapos sa sistemang ito. (Apocalipsis 7:9, 10, 14) Hindi nagkataon lamang ang gayong kaligtasan. Upang makaligtas, ang isang tao ay kailangang matakot kay Jehova, kilalanin siya bilang ang karapat-dapat na Soberano, at maging isa na nakaalay sa kaniya. Subalit ang totoo, karamihan ay hindi maglilinang ng uri ng takot na magdudulot ng proteksiyon. (Awit 2:1-6) Ayon sa lahat ng umiiral na katibayan, ang Tagapamahalang pinili ni Jehova, si Jesu-Kristo, ay namamahala na bilang Hari sapol noong mahalagang taon na 1914. Nangangahulugan ito na ang nalalabing panahon ay mabilis na nauubos para sa mga indibiduwal upang linangin at ipamalas ang nararapat na pagkatakot kay Jehova. Gayunpaman, pinahihintulutan ng ating Maylalang ang mga indibiduwal, maging yaong may matataas na katungkulan, na tumugon: “Ngayon, O mga hari, gumamit ng malalim na unawa; hayaang maituwid ang inyong mga sarili, O mga hukom sa lupa. Paglingkuran si Jehova nang may takot at magalak nang may panginginig. Hagkan ang anak, upang Siya’y hindi lubhang magalit at hindi kayo malipol sa daan, sapagkat ang kaniyang galit ay madaling mag-alab. Maligaya ang lahat niyaong nagkakanlong sa kaniya.”—Awit 2:7-12.
22. Ano ang maaasahan sa hinaharap niyaong mga natatakot ngayon sa Diyos?
22 Tayo sana ay mapabilang sa mga pupuri sa ating Maylalang bilang ang Isa na nagligtas sa atin. Subalit ito ay humihiling sa atin na matakot sa tunay na Diyos ngayon! (Ihambing ang Awit 2:11; Hebreo 12:28; 1 Pedro 1:17.) Kailangang patuloy na matutuhan natin ang kaniyang matuwid na mga kautusan at sundin ang mga ito. Ang awit ni Moises at ng Kordero, na nakaulat sa Apocalipsis 15:3, 4, ay aabot sa kasukdulan kapag pinapawi na ni Jehova ang lahat ng kabalakyutan sa lupa at sinisimulang pagalingin ang tao at ang kaniyang makalupang tahanan mula sa maruruming epekto ng kasalanan. Kung magkagayon, buong-puso nating aawitin: “Dakila at kamangha-mangha ang iyong mga gawa, Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat. Matuwid at totoo ang iyong mga daan, Haring walang-hanggan. Sino talaga ang hindi matatakot sa iyo, Jehova, at luluwalhati sa iyong pangalan?”
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit karapat-dapat si Jehova sa ating matuwid na pagkatakot?
◻ Ano ang naipamalas ng mga ginawa ng Diyos sa Dagat na Pula?
◻ Anu-anong kapakinabangan ang idudulot ng ating may-paggalang na takot kay Jehova?
◻ Anong kinabukasan ang naghihintay para sa mga natatakot ngayon sa tunay na Diyos?