Mga Bilang
15 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 2 “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Kapag nakarating na kayo sa lupaing ibinibigay ko sa inyo para tirhan+ 3 at nag-alay kayo kay Jehova ng handog na pinaraan sa apoy mula sa bakahan o kawan bilang nakagiginhawang amoy para kay Jehova+—ito man ay isang handog na sinusunog+ o isang hain para sa isang pantanging panata o isang kusang-loob na handog+ o isang handog sa panahon ng inyong mga kapistahan+— 4 ang taong naghahandog ay dapat ding mag-alay kay Jehova ng ikasampu ng isang epa* ng magandang klase ng harina,+ na nilagyan ng sangkapat na hin* ng langis, bilang handog na mga butil. 5 Dapat ka ring mag-alay ng sangkapat na hin ng alak bilang handog na inumin, kasama ng handog na sinusunog+ o ng isang hain na lalaking kordero.* 6 O kung lalaking tupa ang inihain, dapat kang mag-alay ng dalawang-ikasampu ng isang takal na epa ng magandang klase ng harina, na nilagyan ng sangkatlong hin ng langis, bilang handog na mga butil. 7 At dapat kang mag-alay ng sangkatlong hin ng alak bilang handog na inumin, isang nakagiginhawang amoy para kay Jehova.
8 “‘Pero kung mag-aalay ka kay Jehova ng toro* bilang handog na sinusunog+ o hain para sa isang pantanging panata+ o mga haing pansalo-salo,+ 9 kasama ng toro ay dapat kang mag-alay ng tatlong-ikasampu ng isang takal na epa ng magandang klase ng harina, na nilagyan ng kalahating hin ng langis, bilang handog na mga butil.+ 10 Dapat ka ring mag-alay ng kalahating hin ng alak bilang handog na inumin,+ isang handog na pinaraan sa apoy, isang nakagiginhawang amoy para kay Jehova. 11 Ganito ang dapat gawin sa bawat toro, lalaking tupa, lalaking kordero, o kambing. 12 Gaano man karami ang ihahandog ninyo, gayon ang dapat ninyong gawin sa bawat isa. 13 Sa ganitong paraan dapat mag-alay ang bawat katutubong Israelita ng handog na pinaraan sa apoy, isang nakagiginhawang amoy para kay Jehova.
14 “‘Kung isang dayuhan na naninirahang kasama ninyo o maraming henerasyon na ninyong kasama ang mag-alay ng handog na pinaraan sa apoy, isang nakagiginhawang amoy para kay Jehova, dapat din niyang gawin kung ano ang ginagawa ninyo.+ 15 Iisa lang ang batas para sa inyo na nasa kongregasyon at sa dayuhang naninirahang kasama ninyo. Ito ay isang batas hanggang sa panahong walang takda para sa lahat ng henerasyon ninyo. Ang dayuhang naninirahang kasama ninyo ay magiging katulad ninyo sa harap ni Jehova.+ 16 Pareho lang ang kautusan at hudisyal na pasiya para sa inyo at sa dayuhang naninirahang kasama ninyo.’”
17 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 18 “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Kapag nakarating na kayo sa lupaing pagdadalhan ko sa inyo 19 at kumain kayo ng anumang tinapay* mula sa lupain,+ dapat kayong mag-abuloy kay Jehova. 20 Dapat kayong mag-abuloy ng hugis-singsing na mga tinapay na gawa sa magaspang na harina mula sa mga unang bunga.+ Dapat ninyo itong iabuloy na gaya ng abuloy mula sa giikan. 21 Dapat kayong magbigay ng magaspang na harina mula sa mga unang bunga bilang abuloy kay Jehova sa lahat ng henerasyon ninyo.
22 “‘Kung nakagawa kayo ng pagkakamali at hindi ninyo nasunod ang lahat ng utos na ito na sinabi ni Jehova kay Moises 23 —ang lahat ng iniutos sa inyo ni Jehova sa pamamagitan ni Moises na nagkabisa mula nang araw na iutos ni Jehova ang mga ito at magpapatuloy hanggang sa susunod na mga henerasyon ninyo— 24 at kung ito ay di-sinasadya at hindi alam ng bayan, ang buong bayan ay dapat mag-alay ng isang batang toro bilang handog na sinusunog, isang nakagiginhawang amoy para kay Jehova, pati ng handog na mga butil at handog na inumin na kasama nito, ayon sa itinakdang paraan,+ at ng isang batang kambing bilang handog para sa kasalanan.+ 25 Ang saserdote ay magbabayad-sala para sa buong bayan ng Israel, at mapatatawad sila,+ dahil hindi iyon sinasadya at nag-alay sila ng handog kay Jehova na pinaraan sa apoy at ng handog para sa kasalanan sa harap ni Jehova dahil sa pagkakamali nila. 26 Mapatatawad ang buong bayan ng Israel at ang dayuhang naninirahang kasama nila, dahil hindi iyon sinasadya ng buong bayan.
27 “‘Kung ang sinuman ay magkasala nang di-sinasadya, dapat siyang mag-alay ng isang babaeng kambing na hindi lalampas ng isang taóng gulang bilang handog para sa kasalanan.+ 28 At ang saserdote ay magbabayad-sala para sa taong nagkamali dahil sa isang di-sinasadyang kasalanan sa harap ni Jehova para mabayaran ang kasalanan niya, at mapatatawad siya.+ 29 Pareho lang ang kautusan para sa katutubong Israelita at sa dayuhang naninirahang kasama nila kung tungkol sa di-sinasadyang kasalanan.+
30 “‘Pero kung sinasadya ng isang tao na magkasala,+ katutubo man siya o dayuhang naninirahang kasama ninyo, siya ay namumusong* kay Jehova at dapat siyang patayin. 31 Dahil hinamak niya ang salita ni Jehova at nilabag ang utos niya, ang taong iyon ay dapat patayin.+ Mananagot siya sa kasalanan niya.’”+
32 Habang nasa ilang ang mga Israelita, may nakita silang isang lalaki na nangunguha ng kahoy sa araw ng Sabbath.+ 33 Dinala siya ng mga nakakita sa kaniya kina Moises at Aaron at sa buong bayan.* 34 Hindi nila siya hinayaang umalis+ dahil hindi pa malinaw kung ano ang dapat gawin sa kaniya.
35 At sinabi ni Jehova kay Moises: “Dapat patayin ang lalaki;+ dapat siyang batuhin ng buong bayan sa labas ng kampo.”+ 36 Kaya dinala siya ng buong bayan sa labas ng kampo at pinagbabato hanggang mamatay, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.
37 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 38 “Sabihin mo sa mga Israelita na gumawa ng mga palawit para sa laylayan ng mga kasuotan nila sa lahat ng henerasyon nila, at dapat silang maglagay ng asul na panali sa ibabaw ng palawit sa laylayan.+ 39 ‘Dapat kayong magkaroon ng palawit na ito para kapag nakita ninyo ito, maaalaala ninyo ang lahat ng utos ni Jehova at susundin ang mga iyon.+ Huwag ninyong sundin ang inyong puso at mata, na aakay sa inyo na maging di-tapat sa akin.*+ 40 Magsisilbi itong paalaala sa inyo, kaya masusunod ninyo ang lahat ng utos ko at magiging banal kayo sa inyong Diyos.+ 41 Ako ang Diyos ninyong si Jehova, na naglabas sa inyo sa Ehipto para ako ay maging Diyos ninyo.+ Ako ang Diyos ninyong si Jehova.’”+