ARALING ARTIKULO 6
Nagtitiwala Ka Ba sa Lahat ng Ginagawa ni Jehova?
“Ang Bato, walang maipipintas sa kaniyang mga gawa, dahil lahat ng ginagawa niya ay makatarungan. Isang Diyos na tapat at hindi kailanman magiging tiwali; matuwid at tapat siya.”—DEUT. 32:4.
AWIT 3 Ikaw ang Aming Pag-asa at Lakas
NILALAMANa
1-2. (a) Bakit marami sa ngayon ang nahihirapang magtiwala sa mga nasa awtoridad? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
MARAMI sa ngayon ang nahihirapang magtiwala sa mga nasa awtoridad. Nakikita kasi nila na karaniwan nang mas pinapaboran ng gobyerno at ng batas ang mayayaman at kilala sa lipunan kaysa sa mahihirap. Tama ang sinasabi ng Bibliya: “Ang tao ay namamahala sa kapuwa niya sa ikapipinsala nito.” (Ecles. 8:9) May ilan ding lider ng relihiyon na gumagawa ng masama. Dahil diyan, nawawalan tuloy ng tiwala sa Diyos ang ilang tao. Kaya kapag may nagpapa-Bible study sa atin, kailangan natin siyang tulungan na magtiwala kay Jehova at sa Kaniyang mga inatasan dito sa lupa.
2 Siyempre, hindi lang mga Bible study ang kailangang magtiwala kay Jehova at sa kaniyang organisasyon. Kahit matagal na tayong naglilingkod kay Jehova, dapat pa rin tayong magtiwala na ang lahat ng ginagawa ni Jehova ang pinakamabuti. Kung minsan, may mga sitwasyon na susubok sa tiwala natin kay Jehova. Tatalakayin sa artikulong ito ang tatlong sitwasyon na puwedeng sumubok sa ating pananampalataya: (1) kapag nagbabasa tayo ng ilang ulat sa Bibliya, (2) kapag tumatanggap tayo ng mga tagubilin mula sa organisasyon ni Jehova, at (3) kapag humirap ang sitwasyon sa hinaharap.
MAGTIWALA KAY JEHOVA KAPAG NAGBABASA NG BIBLIYA
3. Paano posibleng masubok ng ilang ulat sa Bibliya ang ating tiwala kay Jehova?
3 Habang nagbabasa tayo ng Salita ng Diyos, baka maisip natin kung bakit ganoon ang pakikitungo ni Jehova sa ilang tao at kung bakit ganoon ang desisyon niya. Halimbawa, sa aklat ng Bilang, mababasa natin na hinatulan ni Jehova ng kamatayan ang isang Israelita na nanguha ng kahoy sa araw ng Sabbath. Sa ikalawang aklat ng Samuel naman, nalaman natin na makalipas ang ilang siglo, pinatawad ni Jehova si Haring David na nagkasala ng pangangalunya at pagpatay. (Bil. 15:32, 35; 2 Sam. 12:9, 13) Baka maitanong natin, ‘Bakit pinatawad ni Jehova si David na ang kasalanan ay pagpatay at pangangalunya samantalang hinatulan ng kamatayan ang isang Israelita na mukhang hindi naman ganoon kalubha ang kasalanan?’ Para masagot iyan, talakayin natin ang tatlong bagay na dapat nating tandaan kapag nagbabasa ng Bibliya.
4. Paano napapatibay ng Genesis 18:20, 21 at Deuteronomio 10:17 ang pagtitiwala natin sa mga hatol ni Jehova?
4 Hindi laging sinasabi ng Bibliya ang lahat ng detalye ng isang ulat. Halimbawa, alam natin na talagang pinagsisihan ni David ang mga nagawa niya. (Awit 51:2-4) Kumusta naman ang Israelita na lumabag sa kautusan ng Sabbath? Pinagsisihan ba niya ang ginawa niya? May nilabag na ba siyang kautusan ni Jehova noon? Binabalaan na ba siya dati pero binale-wala niya? Walang sinasabi ang Bibliya. Pero isang bagay ang tiyak: “Hindi kailanman magiging tiwali” si Jehova. (Deut. 32:4) Gumagawa siya ng mga desisyon batay sa kung ano ang totoo—nang walang pagtatangi at hindi batay sa sabi-sabi o sa anumang bagay na madalas na nagiging dahilan ng maling paghatol ng tao. (Basahin ang Genesis 18:20, 21; Deuteronomio 10:17.) Habang mas nakikilala natin si Jehova at nalalaman ang mga pamantayan niya, lalo tayong magtitiwala sa mga hatol niya. Kaya kahit may mga tanong tayo sa isang ulat ng Bibliya na hindi pa natin masasagot ngayon, alam natin na ang Diyos ay “matuwid sa lahat ng kaniyang daan.”—Awit 145:17.
5. Paano nakakaapekto sa paraan ng paghatol natin ang pagiging di-perpekto? (Tingnan din ang kahong “Naaapektuhan ng Pagiging Di-perpekto ang Pananaw Natin sa Katarungan.”)
5 Hindi laging tama ang hatol natin dahil hindi tayo perpekto. Ginawa tayo ayon sa larawan ng Diyos, kaya gusto nating maging patas. (Gen. 1:26) Pero dahil hindi tayo perpekto, puwede tayong magkamali sa paghatol kahit sa tingin natin, alam natin ang lahat ng impormasyon. Halimbawa, hindi nagustuhan ni Jonas ang desisyon ni Jehova na magpakita ng awa sa mga taga-Nineve. (Jon. 3:10–4:1) Pero ano ba ang resulta ng desisyong iyon? Nailigtas ang buhay ng mahigit 120,000 nagsising mga Ninevita! Nakita natin na si Jonas ang nagkamali, hindi si Jehova.
6. Bakit hindi kailangang ipaliwanag sa atin ni Jehova ang lahat ng desisyon niya?
6 Hindi kailangang ipaliwanag ni Jehova ang lahat ng desisyon niya. Totoo, hinayaan ni Jehova na sabihin ng mga lingkod niya noon kung ano ang nadarama nila tungkol sa mga desisyong ginawa niya o gagawin pa lang. (Gen. 18:25; Jon. 4:2, 3) At kung minsan, ipinapaliwanag niya ang mga desisyon niya. (Jon. 4:10, 11) Pero hindi obligado si Jehova na ipaliwanag sa atin ang mga desisyong ginagawa niya. Bilang ating Maylalang, hindi niya kailangang makuha ang pagsang-ayon natin, bago o pagkatapos niyang gumawa ng desisyon.—Isa. 40:13, 14; 55:9.
MAGTIWALA KAY JEHOVA KAPAG TUMATANGGAP NG TAGUBILIN
7. Saan tayo puwedeng mahirapan, at bakit?
7 Nakakatiyak tayo na laging tama ang ginagawa ni Jehova. Pero baka mahirapan tayong magtiwala sa mga inatasan ng Diyos dito sa lupa. Baka mapaisip pa nga tayo kung talagang sinusunod nila ang tagubilin ni Jehova o nagpapasiya sila sa sarili lang nila. Baka ganiyan ang naging kaisipan ng ilan noong panahon ng Bibliya. Tingnan ang mga halimbawa na binanggit sa parapo 3. Baka naisip ng kamag-anak ng Israelitang lumabag sa kautusan ng Sabbath kung talagang kumonsulta si Moises kay Jehova bago niya ito hatulan ng kamatayan. At baka naisip din ng kaibigan ni Uria na Hiteo na ginamit ni David ang posisyon niya bilang hari para makaiwas sa hatol na kamatayan nang mangalunya siya sa asawa ni Uria. Nagtitiwala si Jehova sa mga inatasan niyang manguna sa kaniyang organisasyon at kongregasyon. Kaya kung hindi tayo nagtitiwala sa kanila, hindi natin masasabing nagtitiwala tayo kay Jehova.
8. Ano ang pagkakatulad ng ginagawa ng kongregasyong Kristiyano ngayon sa ginagawa ng mga Kristiyano noon batay sa Gawa 16:4, 5?
8 Sa ngayon, ginagamit ni Jehova “ang tapat at matalinong alipin” para pangasiwaan ang makalupang bahagi ng kaniyang organisasyon. (Mat. 24:45) Gaya ng lupong tagapamahala noong unang siglo, ang aliping ito ang nangangasiwa sa bayan ng Diyos sa buong mundo at nagbibigay ng tagubilin sa mga elder sa kongregasyon. (Basahin ang Gawa 16:4, 5.) Tinitiyak naman ng mga elder na nasusunod ang mga tagubiling ito sa kongregasyon. Ipinapakita nating nagtitiwala tayo sa lahat ng ginagawa ni Jehova kung sinusunod natin ang mga tagubiling mula sa organisasyon at mga elder.
9. Kailan tayo maaaring mahirapang sumunod sa desisyong ginawa ng mga elder, at bakit?
9 Minsan, baka nahihirapan tayong sundin ang mga desisyong ginagawa ng mga elder. Halimbawa, nitong mga nakaraang taon, maraming kongregasyon at sirkito ang pinagsasama o hinahati. Sa ilang sitwasyon, inaatasan ng mga elder ang ilang mamamahayag na suportahan ang ibang kongregasyon para maging balanse ang bilang ng mga gumagamit sa mga Kingdom Hall. Kung naatasan tayong lumipat sa ibang kongregasyon, baka mahirapan tayong iwan ang mga kaibigan at kapamilya natin. Tumanggap kaya ang mga elder ng tagubilin mula sa langit na nagsasabi kung saan nila ilalagay ang bawat kapatid? Alam nating hindi. Kaya baka mahirapan tayong sundin ang tagubiling iyon. Pero pinagtitiwalaan ni Jehova ang mga elder na gumawa ng gayong mga desisyon, kaya kailangan din nating magtiwala sa kanila.b
10. Ayon sa Hebreo 13:17, bakit dapat tayong makipagtulungan sa mga elder?
10 Bakit dapat tayong makipagtulungan sa mga elder at sumunod sa mga desisyon nila kahit hindi natin gusto ang mga iyon? Dahil kung gagawin natin ito, makakatulong tayo para manatili ang pagkakaisa sa bayan ng Diyos. (Efe. 4:2, 3) Sumusulong ang kongregasyon kapag ang lahat ay mapagpakumbabang nagpapasakop sa mga desisyon ng lupon ng matatanda. (Basahin ang Hebreo 13:17.) Higit sa lahat, ipinapakita natin kay Jehova na nagtitiwala tayo sa kaniya kapag nakikipagtulungan tayo sa mga taong pinagkakatiwalaan niyang mangalaga sa atin.—Gawa 20:28.
11. Ano ang makakatulong para lalo tayong magtiwala sa tagubilin ng mga elder?
11 Lalo tayong magtitiwala sa tagubilin ng mga elder kung tatandaan natin na nananalangin sila para sa banal na espiritu kapag pinag-uusapan ang mga bagay na makakaapekto sa kongregasyon. Isinasaalang-alang din nilang mabuti ang mga prinsipyo sa Bibliya at kumokonsulta sila sa tagubiling ibinibigay ng organisasyon ni Jehova. Gustong-gusto nilang pasayahin si Jehova at ginagawa nila ang lahat para pangalagaan ang bayan niya. Alam din ng tapat na mga lalaking ito na mananagot sila sa Diyos sa paraan ng pangangasiwa nila. (1 Ped. 5:2, 3) Pag-isipan ito: Sa mundong ito na nababahagi ng lahi, relihiyon, at politika, ang bayan ni Jehova ay nagkakaisa sa pagsamba sa nag-iisang tunay na Diyos. Nangyayari lang ito dahil sa tulong ni Jehova!
12. Ano ang mga dapat isaalang-alang ng mga elder para malaman kung talagang nagsisisi ang nagkasala?
12 Pinagkatiwalaan ni Jehova ang mga elder ng mabigat na pananagutan na panatilihing malinis ang kongregasyon. Kapag nakagawa ng malubhang kasalanan ang isang Kristiyano, inaasahan ni Jehova na aalamin ng mga elder kung dapat manatili sa kongregasyon ang isang iyon. Bukod sa iba pang mga bagay, kailangan nilang makita kung talagang pinagsisisihan niya ang nagawa niya. Baka sabihin niyang nagsisisi siya, pero talaga bang kinapopootan niya ang ginawa niya? Determinado ba siyang huwag nang maulit iyon? Kung nagkasala siya dahil sa impluwensiya ng masasamang kasama, handa ba siyang putulin ang pakikipagkaibigan sa kanila? Nananalangin ang mga elder kay Jehova kapag isinasaalang-alang nila ang mga impormasyong alam nila at ang sinasabi ng Bibliya, at sinusuri ang nadarama ng nagkasala sa nagawa niya. Pagkatapos, magdedesisyon sila kung dapat siyang manatili sa kongregasyon. Sa ilang kaso, baka kailangan siyang itiwalag.—1 Cor. 5:11-13.
13. Ano ang posibleng maisip natin kapag isang kamag-anak o kaibigan ang natiwalag?
13 Paano posibleng masubok ang tiwala natin sa mga elder? Kung hindi natin kamag-anak o malapít na kaibigan ang natiwalag, baka madali nating matanggap ang naging desisyon. Pero paano kung malapít sa atin ang natiwalag? Baka maisip natin na hindi isinaalang-alang ng mga elder ang lahat ng impormasyon o baka hindi sila humatol ayon sa paraan ni Jehova. Ano ang makakatulong para manatiling tama ang saloobin natin sa desisyon ng mga elder?
14. Ano ang makakatulong kung apektado tayo sa naging desisyon ng mga elder may kinalaman sa pagtitiwalag?
14 Dapat nating tandaan na ang pagtitiwalag ay kaayusan ni Jehova at makakatulong ito sa kongregasyon at sa nagkasala. Kung mananatiling bahagi ng kongregasyon ang isang di-nagsisising nagkasala, maaari niyang maimpluwensiyahan ang iba. (Gal. 5:9) Baka hindi rin niya makita kung gaano kaseryoso ang kasalanan niya, at baka hindi siya mapakilos na baguhin ang pag-iisip niya at mga ginagawa para makuha ulit ang pagsang-ayon ni Jehova. (Ecles. 8:11) Makakatiyak tayo na pagdating sa pagtitiwalag, sineseryoso ng mga elder ang pananagutan nila. Gaya ng mga hukom sa sinaunang Israel, alam nila na ‘hindi sila humahatol para sa tao kundi para kay Jehova.’—2 Cro. 19:6, 7.
MAGIGING HANDA TAYO SA HINAHARAP KUNG MAGTITIWALA TAYO KAY JEHOVA NGAYON
15. Bakit lalo nating kailangang magtiwala sa mga tagubilin ni Jehova ngayon?
15 Habang papalapít ang wakas ng sistemang ito, lalo nating kailangang magtiwala na laging tama ang lahat ng ginagawa ni Jehova. Bakit? Sa malaking kapighatian, malamang na makatanggap tayo ng mga tagubilin na sa tingin natin ay kakaiba, di-praktikal, o di-makatuwiran. Siyempre, hindi naman tayo personal na kakausapin ni Jehova. Maaaring magbigay siya ng tagubilin sa pamamagitan ng mga inatasan niyang mangasiwa. Hindi iyon ang panahon para magduda at mag-isip, ‘Galing ba talaga kay Jehova ang tagubiling ito, o desisyon lang ito ng mga kapatid na nangunguna?’ Magtitiwala ka ba kay Jehova at sa organisasyon niya sa kritikal na panahong iyon? Nakadepende iyan kung paano ka sumusunod sa mga tagubilin ngayon. Kapag nagtitiwala ka sa mga tagubiling natatanggap natin ngayon at agad itong sinusunod, malamang na ganiyan din ang gagawin mo sa malaking kapighatian.—Luc. 16:10.
16. Paano masusubok ang pagtitiwala natin sa mga hatol ni Jehova sa hinaharap?
16 May isa pang bagay na dapat nating isaalang-alang—ang gagawing paghatol ni Jehova sa wakas ng sistemang ito. Ngayon, umaasa pa tayo na magbabago ang mga hindi naglilingkod kay Jehova, kasama na ang mga kamag-anak natin. Pero sa Armagedon, si Jesus, bilang inatasang hukom ni Jehova, ang gagawa ng huling hatol. (Mat. 25:31-33; 2 Tes. 1:7-9) Hindi tayo ang magdedesisyon kung sino ang kakaawaan ni Jehova at hindi. (Mat. 25:34, 41, 46) Magtitiwala ba tayo sa mga hatol ni Jehova, o titigil na tayo sa paglilingkod? Lalo nating kailangang magtiwala kay Jehova ngayon para maging buo ang tiwala natin sa kaniya sa hinaharap.
17. Paano tayo makikinabang sa magiging hatol ni Jehova sa wakas ng sistemang ito?
17 Isip-isipin ang mararamdaman natin sa bagong sanlibutan ng Diyos kapag nakita natin ang resulta ng mga hatol ni Jehova. Wala na ang huwad na relihiyon, ang sakim na sistema ng komersiyo, at ang mga gobyerno na nagdulot ng matinding paghihirap sa mga tao. Wala nang sakit, pagtanda, at hindi na rin natin mararanasang mamatayan ng mahal sa buhay. Ikukulong si Satanas at ang kaniyang mga demonyo sa loob ng 1,000 taon. Mawawala na ang lahat ng epekto ng kanilang rebelyon. (Apoc. 20:2, 3) Tiyak na magpapasalamat tayo na nagtiwala tayo sa lahat ng ginagawa ni Jehova!
18. Ano ang matututuhan natin sa mga Israelita sa ulat ng Bilang 11:4-6 at 21:5?
18 Magkakaroon kaya sa bagong sanlibutan ng Diyos ng panibagong mga sitwasyon na susubok sa pagtitiwala natin sa mga ginagawa ni Jehova? Balikan natin ang nangyari sa mga Israelita hindi pa nagtatagal matapos silang palayain mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Nagreklamo ang ilan sa kanila dahil naiisip nila ang sariwang mga pagkain na kinakain nila sa Ehipto, at sinabi nilang walang kuwenta ang inilaan ni Jehova na manna. (Basahin ang Bilang 11:4-6; 21:5.) Magiging ganoon din kaya tayo pagkatapos ng malaking kapighatian? Hindi natin alam kung gaano kalaking trabaho ang kailangan nating gawin para linisin ang lupa at unti-unti itong gawing paraiso. Tiyak na malaking trabaho iyon at malamang na hindi ito madaling gawin sa simula. Magrereklamo ba tayo sa ilalaan ni Jehova sa panahong iyon? Isang bagay ang tiyak: Kung ngayon pa lang, pinapahalagahan na natin ang mga ibinibigay ni Jehova, malamang na ganoon din ang gagawin natin sa hinaharap.
19. Ano ang natutuhan natin sa artikulong ito?
19 Laging tama ang lahat ng ginagawa ni Jehova. At dapat na kumbinsido tayo riyan. Kailangan din nating magtiwala sa lahat ng pinagkakatiwalaan ni Jehova na magbigay ng mga tagubilin niya. Huwag na huwag nating kakalimutan ang sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Magkakaroon kayo ng lakas kung mananatili kayong panatag at magtitiwala.”—Isa. 30:15.
AWIT 98 Ang Kasulatan—Nagmula sa Diyos
a Matutulungan tayo ng artikulong ito na makita kung bakit kailangan nating patibayin ang ating pagtitiwala kay Jehova at sa kaniyang mga inatasan dito sa lupa. Makikita rin natin kung paano tayo makikinabang ngayon kapag ginawa natin ito at kung paano tayo maihahanda nito sa mangyayari sa hinaharap.