Levitico
10 Nang maglaon, kinuha ng mga anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu+ ang kani-kaniyang lalagyan ng baga* at nilagyan iyon ng baga* at insenso.+ Pagkatapos, nag-alay sila sa harap ni Jehova ng ipinagbabawal na handog,*+ isang handog na hindi niya iniutos sa kanila. 2 Dahil dito, nagpadala si Jehova ng apoy at natupok sila,+ kaya namatay sila sa harap ni Jehova.+ 3 Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Dapat tandaan ng mga malapit sa akin na ako ay banal,+ at dapat akong luwalhatiin ng buong bayan.’” Nanatiling tahimik si Aaron.
4 Kaya tinawag ni Moises sina Misael at Elsapan, na mga anak ni Uziel+ na tiyo ni Aaron, at sinabi sa kanila: “Pumunta kayo rito. Buhatin ninyo ang mga kapatid* ninyo mula sa harap ng banal na lugar at ilabas sa kampo.” 5 Kaya pumunta sila at binuhat ang mga ito na nakasuot pa rin ng mahahabang damit at dinala sa labas ng kampo, gaya ng sinabi ni Moises.
6 At sinabi ni Moises kay Aaron at sa iba pa nitong mga anak na sina Eleazar at Itamar: “Panatilihin ninyong maayos ang buhok ninyo at huwag ninyong pupunitin ang mga kasuotan ninyo,+ para hindi kayo mamatay at para hindi magalit ang Diyos sa buong bayan. Ang mga kapatid ninyo sa buong sambahayan ng Israel ang iiyak para sa mga pinatay ni Jehova sa pamamagitan ng apoy. 7 Huwag kayong lalabas mula sa pasukan ng tolda ng pagpupulong dahil mamamatay kayo, dahil inatasan kayo ni Jehova sa pamamagitan ng langis.”+ Kaya ginawa nila ang sinabi ni Moises.
8 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Aaron: 9 “Kapag pumapasok kayo sa tolda ng pagpupulong, huwag kayong iinom ng alak o iba pang inuming de-alkohol, ikaw at ang mga anak mo,+ para hindi kayo mamatay. Mananatili ang batas na ito na kailangang sundin ng mga henerasyon ninyo. 10 Ito ay para makita ang pagkakaiba ng banal at di-banal na bagay at ng marumi at malinis na bagay,+ 11 at para maituro sa mga Israelita ang lahat ng tuntunin na sinabi sa kanila ni Jehova sa pamamagitan ni Moises.”+
12 At sinabi ni Moises kay Aaron at sa natitira pang mga anak nito na sina Eleazar at Itamar: “Kunin ninyo ang natirang handog na mga butil mula sa mga handog kay Jehova na pinaraan sa apoy at gawing tinapay na walang pampaalsa. At kainin ninyo iyon malapit sa altar,+ dahil iyon ay kabanal-banalang bagay.+ 13 Dapat ninyong kainin iyon sa isang banal na lugar,+ dahil iyon ang paglalaan para sa iyo at sa iyong mga anak mula sa mga handog kay Jehova na pinaraan sa apoy, dahil ito ang iniutos sa akin. 14 Kakainin din ninyo sa isang malinis na lugar ang dibdib ng handog na iginagalaw* at ang binti ng banal na bahagi,+ ikaw at ang mga anak mong lalaki at babae,+ dahil ang mga iyon ay paglalaan sa iyo at sa iyong mga anak mula sa mga haing pansalo-salo ng mga Israelita. 15 Dadalhin nila ang binti ng banal na bahagi at ang dibdib ng handog na iginagalaw* kasama ng mga handog na taba na pinaraan sa apoy, para igalaw nang pabalik-balik bilang handog na iginagalaw* sa harap ni Jehova; at iyon ay magiging permanenteng paglalaan sa iyo at sa iyong mga anak,+ gaya ng iniutos ni Jehova.”
16 Hinanap mabuti ni Moises ang kambing na handog para sa kasalanan,+ at nalaman niyang nasunog na iyon. Kaya nagalit siya sa natitirang mga anak ni Aaron na sina Eleazar at Itamar, at sinabi niya: 17 “Bakit hindi ninyo kinain ang handog para sa kasalanan sa banal na lugar?+ Iyon ay kabanal-banalang bagay at ibinigay niya iyon sa inyo para mapanagutan ninyo ang kasalanan ng bayan at makapagbayad-sala para sa kanila sa harap ni Jehova. 18 Hindi naipasok ang dugo nito sa banal na lugar.+ Kaya kinain sana ninyo iyon sa banal na lugar, gaya ng iniutos sa akin.” 19 Sumagot si Aaron kay Moises: “Inialay nila ang kanilang handog para sa kasalanan at handog na sinusunog sa harap ni Jehova+ sa araw na ito, kung kailan nangyari ang mga bagay na ito sa akin. Kung kinain ko ngayon ang handog para sa kasalanan, magiging kalugod-lugod ba iyon kay Jehova?” 20 Nang marinig iyon ni Moises, naintindihan na niya kung bakit iyon ginawa ni Aaron.