Panatilihin ang Timbang na Pangmalas sa Paggamit ng Inuming De-alkohol
“Ang alak ay manunuya, ang nakalalangong inumin ay magulo, at ang sinumang naliligaw dahil dito ay hindi marunong.”—KAWIKAAN 20:1.
1. Paano ipinahayag ng salmista ang kaniyang pagpapahalaga sa mabubuting kaloob mula kay Jehova?
“ANG bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo ay mula sa itaas, sapagkat bumababa ito mula sa Ama ng makalangit na mga liwanag,” ang sulat ng alagad na si Santiago. (Santiago 1:17) Palibhasa’y naantig dahil sa napakaraming mabubuting kaloob ng Diyos, umawit ang salmista: “Nagpapasibol siya ng luntiang damo para sa mga hayop, at ng mga pananim para sa paglilingkod sa sangkatauhan, upang maglabas ng pagkain mula sa lupa, at ng alak na nagpapasaya sa puso ng taong mortal, upang paningningin ng langis ang mukha, at ng tinapay na nagpapalakas sa puso ng taong mortal.” (Awit 104:14, 15) Gaya ng mga pananim, tinapay, at langis, ang alak at iba pang inuming de-alkohol ay maiinam na paglalaan mula sa Diyos. Paano natin dapat gamitin ang mga ito?
2. Anu-anong tanong ang tatalakayin natin tungkol sa paggamit ng inuming de-alkohol?
2 Ang isang kasiya-siyang kaloob ay mabuti lamang kapag ginamit nang wasto. Halimbawa, “mabuti” ang pulot-pukyutan, ngunit “ang pagkain ng labis na pulot-pukyutan ay hindi mabuti.” (Kawikaan 24:13; 25:27) Bagaman katanggap-tanggap naman ang pag-inom ng “kaunting alak,” ang pag-abuso sa inuming de-alkohol ay isang malubhang problema. (1 Timoteo 5:23) “Ang alak ay manunuya,” ang babala ng Bibliya, “ang nakalalangong inumin ay magulo, at ang sinumang naliligaw dahil dito ay hindi marunong.” (Kawikaan 20:1) Gayunman, ano ang ibig sabihin ng naliligaw dahil sa inuming de-alkohol?a Gaano karami ang maituturing na labis? Ano ang timbang na pangmalas hinggil sa bagay na ito?
“Naliligaw” Dahil sa Inuming De-alkohol—Paano?
3, 4. (a) Ano ang nagpapakitang hinahatulan ng Bibliya ang pag-inom hanggang sa punto na malasing? (b) Anu-ano ang ilang sintomas ng pagkalasing?
3 Sa sinaunang Israel, ang isang anak na matakaw at lasenggo na di-nagsisisi ay babatuhin hanggang sa mamatay. (Deuteronomio 21:18-21) Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano: “Tigilan ang pakikihalubilo sa sinumang tinatawag na kapatid na isang mapakiapid o taong sakim o mananamba sa idolo o manlalait o lasenggo o mangingikil, na huwag man lamang kumaing kasama ng gayong tao.” Maliwanag, ang pag-inom hanggang sa malasing ay hinahatulan sa Kasulatan.—1 Corinto 5:11; 6:9, 10.
4 Sa paglalarawan sa mga sintomas ng pagkalasing, sinasabi ng Bibliya: “Huwag kang tumingin sa alak kapag ito ay kulay pula, kapag ito ay kumikislap sa kopa, kapag ito ay humahagod nang suwabe. Sa huli ay kumakagat itong tulad ng serpiyente, at naglalabas ito ng lason tulad ng ulupong. Ang iyong mga mata ay makakakita ng mga bagay na kakatwa, at ang iyong puso ay magsasalita ng tiwaling mga bagay.” (Kawikaan 23:31-33) Ang labis-labis na pag-inom ay kumakagat na gaya ng isang makamandag na serpiyente, na nagiging sanhi ng sakit, kalituhan ng isip, maging ng kawalan ng malay. Maaaring makakita ng “mga bagay na kakatwa” ang isang lasenggo dahil baka dumanas siya ng halusinasyon at mangarap nang gising. Maaaring hindi niya mapigil ang kaniyang sarili sa pagbubulalas ng tiwaling mga kaisipan at pagnanasa na karaniwan nang nasusupil.
5. Sa anong paraan nakapipinsala ang pagpapakalabis sa inuming de-alkohol?
5 Paano naman kung ang isa ay gumagamit ng inuming de-alkohol ngunit nag-iingat siya na hindi uminom hanggang sa punto na siya ay mahalatang lasing? Ang ilang indibiduwal ay kakikitaan lamang ng kakaunting palatandaan ng pagkalasing kahit matapos uminom nang marami. Gayunman, ang pag-iisip na hindi ito nakapipinsala ay isang uri lamang ng panlilinlang sa sarili. (Jeremias 17:9) Unti-unti, maaaring dumepende na sa inuming de-alkohol ang isang indibiduwal at ‘mapaalipin sa maraming alak.’ (Tito 2:3) Hinggil sa pagiging alkoholiko, sinasabi ng awtor na si Caroline Knapp: “Ito ay mabagal, unti-unti, mapanlinlang, di-halatang proseso.” Tunay ngang nakamamatay na patibong ang pagpapakalabis sa inuming de-alkohol!
6. Bakit dapat iwasan ng isa ang pagpapakalabis sa inuming de-alkohol at pagkain?
6 Isaalang-alang din ang babala ni Jesus: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang na ang araw na iyon ay kagyat na mapasainyo na gaya ng silo. Sapagkat darating ito sa lahat ng mga nananahanan sa ibabaw ng buong lupa.” (Lucas 21:34, 35) Hindi naman kailangang umabot sa punto na malasing muna sa pag-inom ang isang tao bago siya antukin at tamarin—sa pisikal man o sa espirituwal na paraan. Paano kung abutan siya ng araw ni Jehova sa gayong kalagayan?
Kung Saan Maaaring Umakay ang Pag-abuso sa Inuming De-alkohol
7. Bakit ang pag-abuso sa inuming de-alkohol ay salungat sa utos na nakasaad sa 2 Corinto 7:1?
7 Ang di-katamtamang paggamit ng inuming de-alkohol ay naghahantad sa isa sa maraming panganib—kapuwa sa pisikal at espirituwal. Kabilang sa mga sakit na sanhi ng pag-abuso sa inuming de-alkohol ang cirrhosis ng atay, hepatitis dahil sa inuming de-alkohol, at mga karamdaman sa nerbiyo gaya ng pagdidiliryo. Ang maling paggamit ng inuming de-alkohol sa loob ng mahabang panahon ay maaari ring umakay sa pagkakaroon ng kanser, diyabetis, at ilang sakit sa puso at sikmura. Maliwanag, ang maling paggamit ng inuming de-alkohol ay salungat sa utos ng Kasulatan: “Linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan nang may pagkatakot sa Diyos.”—2 Corinto 7:1.
8. Ayon sa Kawikaan 23:20, 21, ano ang maaaring ibunga ng pag-abuso sa inuming de-alkohol?
8 Ang pag-abuso sa inuming de-alkohol ay maaari ring mangahulugan ng pagkalustay ng kita, o pagkawala pa nga ng trabaho. Nagbabala si Haring Solomon ng sinaunang Israel: “Huwag kang sumama sa mga labis uminom ng alak, sa matatakaw kumain ng karne.” Bakit? Nagpaliwanag siya: “Sapagkat ang lasenggo at ang matakaw ay sasapit sa karalitaan, at ang antok ay magdaramit sa isa ng mga basahan lamang.”—Kawikaan 23:20, 21.
9. Bakit isang katalinuhan sa isang tao na umiwas sa pag-inom ng inuming de-alkohol kung magmamaneho siya ng sasakyan?
9 Sa pagtukoy sa isa pang panganib, sinasabi ng The Encyclopedia of Alcoholism: “Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang inuming de-alkohol ay nagiging sanhi ng paghina ng kasanayan sa pagmamaneho, lakip na ang kakayahang tumugon nang mabilis, koordinasyon, atensiyon, talas ng paningin at tamang pagpapasiya.” Kapaha-pahamak ang ibinubunga ng pagmamaneho nang nakainom. Sa Estados Unidos lamang, sampu-sampung libo ang namamatay at daan-daang libo naman ang napipinsala taun-taon dahil sa mga aksidenteng may kaugnayan sa inuming de-alkohol. Partikular nang madaling maapektuhan ng ganitong panganib ang mga kabataan, na di-gaanong makaranasan sa pagmamaneho at sa pag-inom. Masasabi kaya ng sinuman na iginagalang niya ang buhay bilang isang kaloob mula sa Diyos na Jehova kung magmamaneho naman siya matapos makainom ng medyo marami-raming inuming de-alkohol? (Awit 36:9) Dahil sa kabanalan ng buhay, makabubuti sa isang tao na huwag nang uminom ng inuming de-alkohol kung magmamaneho siya.
10. Paano makaaapekto sa ating isip ang inuming de-alkohol, at bakit mapanganib iyon?
10 Ang di-katamtamang pag-inom ay nakapipinsala sa mga tao hindi lamang sa pisikal kundi maging sa espirituwal na paraan. “Alak at matamis na alak ang siyang nag-aalis ng mabuting motibo,” ang sabi ng Bibliya. (Oseas 4:11) Nakaaapekto sa isip ang inuming de-alkohol. “Kapag uminom ang isang tao,” ang paliwanag ng isang publikasyon ng National Institute on Drug Abuse sa Estados Unidos, “napupunta ang alkohol sa sistema ng panunaw tungo sa daluyan ng dugo at mabilis na nakararating sa utak. Sinisimulan nitong pabagalin ang mga bahagi ng utak na kumokontrol sa pag-iisip at damdamin. Nadarama ng tao na wala siyang gaanong pagpipigil sa sarili, anupat mas malaya siya.” Sa gayong kalagayan, mas malamang na ‘maliligaw’ tayo, magiging pangahas, at mahahantad sa maraming tukso.—Kawikaan 20:1.
11, 12. Anu-anong pinsala sa espirituwal ang idudulot ng di-katamtamang paggamit ng inuming de-alkohol?
11 Bukod dito, nag-uutos ang Bibliya: “Kaya nga, kayo man ay kumakain o umiinom o gumagawa ng anupaman, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.” (1 Corinto 10:31) Ang pag-ubos ba ng maraming inuming de-alkohol ay nagdudulot ng kaluwalhatian sa Diyos? Tiyak na hindi nanaisin ng isang Kristiyano na magkaroon ng reputasyon bilang isa na malakas uminom. Ang gayong reputasyon ay magdudulot ng upasala, hindi ng kaluwalhatian, sa pangalan ni Jehova.
12 Paano kung ang pagiging di-katamtaman ng isang Kristiyano sa pag-inom ay nakatisod sa isang kapananampalataya, marahil sa isang bagong alagad? (Roma 14:21) “Ang sinumang tumitisod sa isa sa maliliit na ito na nananampalataya sa akin,” ang babala ni Jesus, “higit na kapaki-pakinabang sa kaniya na bitinan ang kaniyang leeg ng isang gilingang-bato na gaya niyaong iniikot ng isang asno at ilubog sa malawak na laot ng dagat.” (Mateo 18:6) Ang labis na pag-inom ay maaari ring humantong sa pagkawala ng mga pribilehiyo sa kongregasyon. (1 Timoteo 3:1-3, 8) Huwag din nating kaligtaan ang masasamang epekto ng inuming de-alkohol sa loob ng pamilya.
Iwasan ang mga Panganib—Paano?
13. Anong mahalagang bagay ang dapat matiyak sa pag-iwas sa pag-abuso sa inuming de-alkohol?
13 Ang isang susi sa pag-iwas sa mga panganib ng pag-abuso sa inuming de-alkohol ay ang kabatiran kung saan magtatakda ng hangganan, hindi sa pagitan ng pagpapakalabis at pagkalasing, kundi sa pagitan ng pagiging katamtaman at pagpapakalabis. Sino ang makatitiyak kung hanggang saan ang iyong hangganan? Yamang maraming salik ang dapat isaalang-alang, walang istriktong tuntunin tungkol sa kung gaano karami ang maituturing na labis. Dapat na personal na alamin ng bawat isa ang kaniyang limitasyon at manatili sa limitasyong iyon. Ano ang tutulong sa iyo upang makapagpasiya kung gaano karami ang labis para sa iyo? Mayroon bang simulain na magsisilbing giya?
14. Anong gumagabay na simulain ang tutulong sa iyo na magtakda ng hangganan sa pagitan ng pagiging katamtaman at pagpapakalabis?
14 Sinasabi ng Bibliya: “Ingatan mo ang praktikal na karunungan at ang kakayahang mag-isip, at sila ay magiging buhay sa iyong kaluluwa at panghalina sa iyong leeg.” (Kawikaan 3:21, 22) Kung gayon, ang gumagabay na simulain na dapat sundin ay ito: Anumang dami ng inuming de-alkohol na lubhang nagpapahina ng iyong kakayahang magpasiya at nagpapapurol sa iyong kakayahang mag-isip ay masyado nang marami para sa iyo. Ngunit dapat kang maging tapat sa iyong sarili sa pagkilala kung ano ang personal na limitasyon mo!
15. Kailan maaaring maging masyadong marami ang kahit isang tagay?
15 Sa ilang situwasyon, maging ang isang tagay ay maaaring masyado nang marami. Dahil sa panganib na dulot nito sa sanggol, ang isang babaing nagdadalang-tao ay maaaring magpasiyang huwag nang uminom. At hindi ba kabaitan na huwag nang uminom sa harap ng isang alkoholiko o ng isa na nababagabag ang budhi dahil sa pag-inom? Iniutos ni Jehova sa mga saserdoteng gumaganap ng mga tungkulin sa tabernakulo: “Huwag kayong iinom ng alak o ng nakalalangong inumin . . . kapag kayo ay pumapasok sa tolda ng kapisanan, upang hindi kayo mamatay.” (Levitico 10:8, 9) Kung gayon, iwasan ang pag-inom ng inuming de-alkohol bago dumalo sa Kristiyanong mga pagpupulong, kapag nakikibahagi sa ministeryo, at kapag nag-aasikaso ng iba pang espirituwal na mga pananagutan. Bukod diyan, sa mga bansang ipinagbabawal ang pag-inom ng inuming de-alkohol o ipinahihintulot lamang ito sa mga nasa hustong gulang, dapat igalang ang mga kautusan sa mga lupaing iyon.—Roma 13:1.
16. Paano ka dapat magpasiya hinggil sa gagawin mo kapag inihain sa iyo ang inuming de-alkohol?
16 Kapag inalukan ka ng inuming de-alkohol o inihain ito sa iyo, ang unang tanong na dapat isaalang-alang ay: ‘Dapat ba akong uminom?’ Kung iinom ka, tiyakin ang iyong personal na limitasyon, at huwag kang lalampas sa iyong limitasyon. Huwag mong hayaang impluwensiyahan ka ng isang bukas-palad na punong-abala. At mag-ingat sa sosyal na pagtitipon tulad ng mga piging sa kasalan na doo’y malayang makakakuha ng inumin. Sa maraming lugar, pinapayagang uminom ng inuming de-alkohol ang mga bata. Pananagutan ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak hinggil sa paggamit ng inuming de-alkohol at subaybayan ang mga kilos ng mga ito pagdating sa gayong bagay.—Kawikaan 22:6.
Mapagtatagumpayan Mo ang Problema
17. Ano ang makatutulong sa iyo upang matiyak kung may problema ka nga sa pag-abuso sa inuming de-alkohol?
17 Problema mo ba ang maling paggamit ng alak at nakalalasing na inumin? Inililihim mo man ang pag-abuso sa inuming de-alkohol, tiyak na maaapektuhan ka rin nito sa malao’t madali. Kaya suriing mabuti ang iyong sarili. Isaalang-alang ang sumusuri-sa-sariling mga tanong na gaya ng: ‘Madalas na ba akong uminom kaysa sa dati? Mas matapang na inumin na ba ang mga iniinom ko? Gumagamit ba ako ng inuming de-alkohol para matakasan ang mga kabalisahan, kaigtingan, o mga problema? Nagpapahayag na ba ng pagkabahala ang isang kapamilya o kaibigan hinggil sa aking pag-inom? Nagiging sanhi na ba ng mga problema sa aking pamilya ang pag-inom ko? Nahihirapan na ba akong umiwas sa inuming de-alkohol sa loob ng isang linggo, isang buwan, o ilang buwan? Inililihim ko ba sa iba ang dami ng alak na iniinom ko?’ Paano kung oo ang sagot sa ilan sa mga tanong na ito? Huwag kang maging katulad ng isang tao na ‘tumitingin sa kaniyang likas na mukha sa salamin at kaagad na nalilimutan kung anong uri siya ng tao.’ (Santiago 1:22-24) Kumilos ka upang ituwid ang problema. Ano ang magagawa mo?
18, 19. Paano mo maihihinto ang di-katamtamang paggamit ng inuming de-alkohol?
18 Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano: “Huwag kayong magpakalasing sa alak, kung saan may kabuktutan, kundi patuloy kayong mapuspos ng espiritu.” (Efeso 5:18) Magpasiya kung ano ang di-katamtamang dami ng inuming de-alkohol para sa iyo, at magtakda ng angkop na mga limitasyon. Maging determinadong huwag lumabis sa mga ito; pigilin ang iyong sarili. (Galacia 5:22, 23) May mga kasamahan ka ba na nanggigipit sa iyo na magpakalabis? Magpakaingat. “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong,” ang sabi ng Bibliya, “ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.”—Kawikaan 13:20.
19 Kung gumagamit ka ng inuming de-alkohol upang takasan ang ilang problema, harapin nang tuwiran ang problema. Mapagtatagumpayan ang mga problema sa pamamagitan ng pagkakapit ng payo mula sa Salita ng Diyos. (Awit 119:105) Huwag mag-atubiling humingi ng tulong sa isang pinagkakatiwalaang Kristiyanong matanda. Samantalahin ang mga paglalaan ni Jehova upang mapatibay ang iyong espirituwalidad. Patibayin ang iyong kaugnayan sa Diyos. Manalangin nang regular sa kaniya—lalo na tungkol sa iyong mga kahinaan. Magsumamo sa Diyos na ‘dalisayin ang iyong mga bato at puso.’ (Awit 26:2) Gaya ng tinalakay sa naunang artikulo, gawin mo ang iyong buong makakaya upang lumakad sa daan ng katapatan.
20. Anu-anong hakbang ang maaaring mong gawin upang mapagtagumpayan ang kasalukuyang problema sa pagpapakalabis?
20 Paano kung ang problema sa pagpapakalabis ay nagpapatuloy sa kabila ng iyong mga pagsisikap? Kung gayon ay dapat mong sundin ang payo ni Jesus: “Kung sakaling ang iyong kamay ay nagpapatisod sa iyo, putulin mo ito; mas mainam pa sa iyo na pumasok sa buhay na baldado kaysa may dalawang kamay kang mapunta sa Gehenna.” (Marcos 9:43) Ang sagot ay: Huwag ka na lamang uminom. Iyan ang ipinasiya ng isang babaing tatawagin nating Irene. “Matapos ang halos dalawa at kalahating taon ng pag-iwas sa inuming de-alkohol,” ang sabi niya, “inisip ko na puwede na siguro akong uminom ng kahit isa lang, para makita ko kung paano ito makaaapekto sa akin. Ngunit nang sandaling madama ko iyon, agad ko itong ipinanalangin kay Jehova. Ipinasiya kong huwag nang uminom ng inuming de-alkohol hangga’t wala pa ang bagong sistema—baka pa nga kahit bagong sistema na.” Ang lubusang pag-iwas ay hindi naman gaanong malaking sakripisyo kapalit ng buhay sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos.—2 Pedro 3:13.
“Tumakbo Kayo sa Paraang Makakamit Ninyo Ito”
21, 22. Anong balakid ang makahahadlang sa atin sa pag-abot sa dulo ng takbuhan ukol sa buhay, at paano natin ito maiiwasan?
21 Ganito ang sinabi ni apostol Pablo nang inihahambing ang landasin ng buhay ng isang Kristiyano sa isang takbuhan, o paligsahan: “Hindi ba ninyo alam na ang mga mananakbo sa isang takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit isa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Tumakbo kayo sa paraang makakamit ninyo ito. Bukod diyan, ang bawat tao na nakikibahagi sa isang paligsahan ay nagpipigil ng sarili sa lahat ng bagay. Ngayon sila, sabihin pa, ay gumagawa nito upang tumanggap sila ng isang koronang nasisira, ngunit tayo naman ay ng isa na walang kasiraan. Kaya nga, ang paraan ng aking pagtakbo ay hindi walang katiyakan; ang paraan ng aking pagsuntok ay hindi upang sumuntok sa hangin; kundi binubugbog ko ang aking katawan at ginagawa itong alipin, upang, pagkatapos kong mangaral sa iba, ako naman ay hindi itakwil sa paanuman.”—1 Corinto 9:24-27.
22 Ang gantimpala ay tatanggapin lamang ng mga matagumpay na nakatapos sa takbuhan. Sa takbuhan ukol sa buhay, ang pag-abuso sa inuming de-alkohol ay makahahadlang sa atin sa pag-abot sa dulo ng takbuhan. Kailangan tayong magpigil ng sarili. Upang makatakbo nang may katiyakan, kailangan na hindi tayo magpakasasa sa “mga pagpapakalabis sa alak.” (1 Pedro 4:3) Sa kabaligtaran, kailangan tayong magpigil ng sarili sa lahat ng bagay. Kung tungkol sa pag-inom ng mga inuming de-alkohol, isang katalinuhan na “itakwil [natin] ang pagka-di-makadiyos at makasanlibutang mga pagnanasa at mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip at katuwiran at makadiyos na debosyon.”—Tito 2:12.
[Talababa]
a Gaya ng ginamit sa artikulong ito, ang “inuming de-alkohol” ay kumakapit sa serbesa, alak, at iba pang matatapang na inuming may alkohol.
Naaalaala Mo Ba?
• Ano ang ibig sabihin ng pag-abuso sa inuming de-alkohol?
• Anu-anong pinsala ang ibinubunga ng maling paggamit ng inuming de-alkohol?
• Paano mo maiiwasan ang mga panganib ng pag-abuso sa inuming de-alkohol?
• Paano haharapin ng isa ang problema sa pag-abuso sa inuming de-alkohol?
[Larawan sa pahina 19]
Ang alak ay “nagpapasaya sa puso ng taong mortal”
[Larawan sa pahina 20]
Kailangang alamin natin ang ating personal na limitasyon at manatili rito
[Larawan sa pahina 21]
Patiunang magtakda ng hangganan
[Larawan sa pahina 22]
Manalangin nang regular kay Jehova tungkol sa iyong mga kahinaan
[Larawan sa pahina 23]
Pananagutan ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak hinggil sa paggamit ng inuming de-alkohol