Unang Liham sa mga Taga-Corinto
4 Ituring sana kami ng mga tao na tagapaglingkod ni Kristo at katiwala ng mga sagradong lihim ng Diyos.+ 2 Ang kahilingan sa mga katiwala ay ang maging tapat. 3 Bale-wala sa akin kung suriin ninyo ako o ng hukuman ng tao. Ang totoo, ako mismo ay hindi sumusuri sa sarili ko. 4 Dahil malinis ang konsensiya* ko. Pero hindi naman ako napatutunayang matuwid dahil dito; ang sumusuri sa akin ay si Jehova.+ 5 Kaya huwag ninyong hatulan ang sinuman+ bago dumating ang takdang panahon, ang pagdating ng Panginoon. Ilalantad niya ang lihim na mga bagay na nasa dilim at isisiwalat ang mga intensiyon ng puso, at sa gayon, ang bawat isa ay tatanggap mula sa Diyos ng papuri na karapat-dapat sa kaniya.+
6 Mga kapatid, ginamit ko ang sarili ko at si Apolos+ bilang halimbawa para sa inyong kapakinabangan, para matutuhan ninyo ang alituntuning ito: “Huwag higitan ang mga bagay na nasusulat,” para hindi kayo magmalaki+ at mas parangalan ang isang tao kaysa sa iba. 7 Dahil ano ba ang mayroon ka kaya naiisip mong nakahihigit ka sa iba? Ano ang mayroon ka na hindi mo tinanggap?+ At kung tinanggap mo iyon, bakit ka nagmamalaki na para bang hindi mo iyon tinanggap?
8 Kontento na ba kayo? Mayaman na ba kayo? Nagsimula na ba kayong maghari+ nang wala kami? Sana nga ay naghahari na kayo para kami rin ay maghari nang kasama ninyo.+ 9 Sa tingin ko, kaming mga apostol ay inilagay ng Diyos sa isang tanghalan at huling ipinakilala bilang mga taong hinatulan ng kamatayan.+ Dahil kami ay naging panoorin ng buong mundo+ at ng mga anghel at ng mga tao. 10 Mga mangmang kami+ dahil kay Kristo, pero marunong kayo dahil kay Kristo; mahina kami, pero malakas kayo; pinararangalan kayo, pero hinahamak kami. 11 Hanggang sa mismong oras na ito, nagugutom kami,+ nauuhaw,+ halos walang maisuot, bugbog,*+ at walang tahanan; 12 patuloy kaming nagsisikap sa trabaho gamit ang aming mga kamay.+ Kapag nilalait, mabait kaming tumutugon;+ kapag pinag-uusig, nagtitiis kami;+ 13 kapag sinisiraang-puri, sumasagot kami nang mahinahon;*+ naging gaya kami ng basura ng sanlibutan,+ dumi ng lipunan, hanggang ngayon.
14 Isinusulat ko ang mga ito, hindi para ipahiya kayo, kundi para payuhan kayo bilang minamahal kong mga anak. 15 Dahil mayroon man kayong 10,000 tagapag-alaga na nagtuturo sa inyo kung paano sundin si Kristo, tiyak na wala kayong maraming ama; pero ako ay naging inyong ama nang ihayag ko sa inyo ang mabuting balita tungkol kay Kristo Jesus.+ 16 Kaya hinihimok ko kayo na tularan ako.+ 17 Dahil diyan, isinusugo ko sa inyo si Timoteo,+ na minamahal kong anak at tapat na lingkod ng Panginoon.+ Ipapaalaala niya sa inyo ang pamamaraan ko may kaugnayan kay Kristo Jesus,+ gaya ng itinuturo ko sa bawat kongregasyon sa lahat ng lugar.
18 Ang ilan ay nagmamalaki, dahil inaakala nilang hindi ako pupunta diyan. 19 Pero malapit na akong pumunta, kung loloobin ni Jehova. Hindi ako interesado sa sasabihin ng mayayabang na iyon; ang gusto kong malaman ay kung ano talaga ang kapangyarihan nila.* 20 Dahil ang pagiging sakop ng Kaharian ng Diyos ay mapatutunayan, hindi sa salita, kundi sa kapangyarihan.* 21 Ano ang gusto ninyo? Pumunta ako diyan nang may pamalo+ o may pag-ibig at kahinahunan?