Mga Pastol at mga Tupa sa Isang Teokrasya
“Si Jehova ang ating Hukom, si Jehova ang ating Tagapagbigay-Kautusan, si Jehova ang ating Hari; siya ang magliligtas sa atin.”—ISAIAS 33:22.
1. Papaano masasabing ang unang-siglong mga Kristiyano at ang mga Kristiyano sa ngayon ay isang teokrasya?
ANG ibig sabihin ng teokrasya ay paghahari ng Diyos. Nasasangkot dito ang pagtanggap sa awtoridad ni Jehova at pagsunod sa kaniyang mga alituntunin at mga tagubilin sa malalaki at maliliit na pagpapasiya natin sa buhay. Ang unang-siglong kongregasyon ay isang tunay na teokrasya. Ang mga Kristiyano noon ay taimtim na makapagsasabi: “Si Jehova ang ating Hukom, si Jehova ang ating Tagapagbigay-Kautusan, si Jehova ang ating Hari.” (Isaias 33:22) Samantalang ang pinahirang nalabi ang pinakasentro nito, ang organisasyon ng Diyos na Jehova sa ngayon ay isa ring teokrasya.
Sa Anong mga Paraan Teokratiko Tayo sa Ngayon?
2. Ano ang isang paraan na nagpapakilalang ang mga Saksi ni Jehova ay napasasakop sa paghahari ni Jehova?
2 Papaano natin masasabi na ang makalupang organisasyon ni Jehova ay isang teokrasya? Sapagkat yaong mga kabilang dito ay tunay ngang napasasakop sa paghahari ni Jehova. At sila’y sumusunod sa pangunguna ni Jesu-Kristo, ang isang iniluklok ni Jehova bilang Hari. Halimbawa, sa panahon ng kawakasan, ang tuwirang utos na ito buhat sa Dakilang Teokrata ay ibinibigay kay Jesus: “Ihayo mo ang iyong karit at gumapas ka, sapagkat ang oras ay dumating na upang gumapas, sapagkat ang aanihin sa lupa ay lubusang hinog na.” (Apocalipsis 14:15) Si Jesus ay tumatalima at ginagawa ang pag-aani sa lupa. Ang mga Kristiyano ay sumusuporta sa kanilang Hari sa dakilang gawaing ito sa pamamagitan ng masigasig na pangangaral ng mabuting balita at paggawa ng mga alagad. (Mateo 28:19; Marcos 13:10; Gawa 1:8) Sa paggawa ng gayon, sila ay mga kamanggagawa rin ni Jehova, ang Dakilang Teokrata.—1 Corinto 3:9.
3. Papaano napasasakop ang mga Kristiyano sa teokrasya kung tungkol sa moralidad?
3 Sa paggawi man, ang mga Kristiyano ay napasasakop sa paghahari ng Diyos. Sinabi ni Jesus: “Siya na gumagawa ng totoo ay lumalapit sa liwanag, upang ang kaniyang mga gawa ay maihayag na ginawang kasuwato ng Diyos.” (Juan 3:21) Sa ngayon, may walang-katapusang mga pagdedebate tungkol sa mga pamantayan ng moral, ngunit ang mga pagtatalong ito ay walang dako sa gitna ng mga Kristiyano. Kanilang minamalas na imoral ang sinasabi ni Jehova na imoral, at kanilang lubusang iniiwasan iyon na gaya ng isang salot! Inaasikaso rin nila ang kani-kanilang pamilya, sumusunod sa kanilang mga magulang, at nananatiling napasasakop sa nakatataas na mga awtoridad. (Efeso 5:3-5, 22-33; 6:1-4; 1 Timoteo 5:8; Tito 3:1) Sa gayon, sila’y kumikilos sa paraang teokratiko, kasuwato ng Diyos.
4. Anong maling mga saloobin ang ipinakita nina Adan at Eva at ni Saul, at papaano nagpapakita ang mga Kristiyano ng isang naiibang saloobin?
4 Naiwala nina Adan at Eva ang Paraiso dahil nais nila na gumawa ng kanilang sariling pagpapasiya tungkol sa kung ano ang tama at kung ano ang mali. Ang tuwirang kabaligtaran ang nais ni Jesus. Sinabi niya: “Hinahanap ko, hindi ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” Ganiyan din ang hinahangad ng mga Kristiyano. (Juan 5:30; Lucas 22:42; Roma 12:2; Hebreo 10:7) Si Saul, ang unang hari ng Israel, ay sumunod kay Jehova—ngunit hindi nang lubusan. Kaya naman siya ay itinakwil. Sinabi sa kaniya ni Samuel: “Ang pagsunod ay maigi kaysa isang hain, ang pagbibigay ng pansin kaysa taba ng mga tupang lalaki.” (1 Samuel 15:22) Teokratiko bang sundin ang kalooban ni Jehova sa isang paraan, marahil sa pamamagitan ng pagiging regular sa gawaing pangangaral o sa pagdalo sa mga pulong, at pagkatapos ay makipagkompromiso naman sa mga bagay na tungkol sa moralidad o sa iba pang paraan? Hindi nga! Tayo’y nagsisikap na ‘gawin ang kalooban ng Diyos nang buong kaluluwa.’ (Efeso 6:6; 1 Pedro 4:1, 2) Di-tulad ni Saul, tayo’y napasasakop nang lubusan sa paghahari ng Diyos.
Isang Modernong Teokrasya
5, 6. Papaano nakikitungo si Jehova sa sangkatauhan ngayon, at ano ang resulta ng pakikipagtulungan sa kaayusang ito?
5 Noong nakaraan, si Jehova ay naghari at nagsiwalat ng mga katotohanan sa pamamagitan ng mga tao, tulad halimbawa ng mga propeta, hari, at mga apostol. Sa ngayon, hindi na ganiyan; wala nang kinasihang mga propeta o mga apostol. Bagkus, sinabi ni Jesus na sa panahon ng kaniyang makaharing pagkanaririto, ipakikilala niya ang isang tapat na lupon ng mga tagasunod, isang “tapat at maingat na alipin,” at hihirangin ito upang mangasiwa sa lahat ng kaniyang ari-arian. (Mateo 24:45-47; Isaias 43:10) Noong 1919 ang aliping iyan ay nakilala bilang ang nalabi ng pinahirang mga Kristiyano. Magbuhat noon, bilang kinakatawan ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ito ang naging sentro ng teokrasya sa lupa. Sa buong daigdig, ang Lupong Tagapamahala ay kinakatawan ng mga Branch Committee, naglalakbay na mga tagapangasiwa, at ng matatanda sa kongregasyon.
6 Ang pakikipagtulungan sa organisasyong teokratiko ay isang mahalagang bahagi ng pagpapasakop sa teokrasya. Ang gayong pakikipagtulungan ay gumagawa ukol sa pagkakaisa at kaayusan sa buong daigdig sa “buong samahan ng mga kapatid.” (1 Pedro 2:17) Ito ngayon ang nakalulugod kay Jehova, na “isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.”—1 Corinto 14:33.
Ang Matatanda sa Isang Teokrasya
7. Bakit masasabi na ang Kristiyanong matatanda ay hinirang sa paraang teokratiko?
7 Lahat ng inatasang nakatatandang mga lalaki, anuman ang kanilang may awtoridad na posisyon, ay tumutupad ng mga kuwalipikasyon na binabalangkas sa Bibliya para sa katungkulan ng tagapangasiwa, o nakatatandang lalaki. (1 Timoteo 3:1-7; Tito 1:5-9) Gayundin, ang mga salita ni Pablo sa matatanda sa Efeso ay kumakapit sa lahat ng matatanda: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong mga sarili at ang buong kawan, na sa kanila ay inatasan kayo ng banal na espiritu na mga tagapangasiwa, upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos.” (Gawa 20:28) Oo, ang matatanda ay hinirang ng banal na espiritu, na nanggagaling sa Diyos na Jehova. (Juan 14:26) Ang pagkahirang sa kanila ay teokratiko. Bukod diyan, sila ay nagpapastol sa kawan ng Diyos. Ang kawan ay pag-aari ni Jehova, hindi ng matatanda. Iyon ay isang teokrasya.
8. Ano ang pangkalahatang mga pananagutan ng matatanda ngayon?
8 Sa kaniyang liham sa mga taga-Efeso, binalangkas ni apostol Pablo ang pangkalahatang mga pananagutan ng matatanda, sa pagsasabi: “Ibinigay niya ang ilan bilang mga apostol, ang ilan bilang mga propeta, ang ilan bilang mga ebanghelisador, ang ilan bilang mga pastol at mga guro, na may kinalaman sa pagbabalik sa ayos ng mga banal, ukol sa ministeryal na gawain, ukol sa pagpapatibay sa katawan ng Kristo.” (Efeso 4:11, 12) Wala nang mga apostol at mga propeta matapos ang pagkasanggol ng “katawan ng Kristo.” (Ihambing ang 1 Corinto 13:8.) Subalit ang matatanda ay abalang-abala pa rin sa pag-eebanghelyo, pagpapastol, at pagtuturo.—2 Timoteo 4:2; Tito 1:9.
9. Papaano dapat ihanda ng matatanda ang kanilang sarili upang kumatawan sa kalooban ng Diyos sa kongregasyon?
9 Yamang ang teokrasya ay paghahari ng Diyos, ang epektibong matatanda ay lubusang may kaalaman sa kalooban ng Diyos. Si Josue ay inutusan na magbasa sa araw-araw ng Kautusan. Ang matatanda ay kailangan ding mag-aral at sumangguni nang palagian sa Kasulatan at maging lubusang may kaalaman sa literatura sa Bibliya na inilathala ng tapat at maingat na alipin. (2 Timoteo 3:14, 15) Kasali na rito ang mga magasing Bantayan at Gumising! at iba pang mga publikasyon na nagpapakita kung papaano kumakapit sa espesipikong mga situwasyon ang mga simulain sa Bibliya.a Gayunman, bagaman mahalaga para sa isang matanda na malaman at sundin ang mga alituntunin na inilathala sa literatura ng Samahang Watch Tower, siya ay dapat ding maging lubusang may kaalaman sa maka-Kasulatang mga simulain na batayan ng mga alituntunin. Kung gayon ay malalagay siya sa katayuan na magkapit ng mga alituntunin ng Kasulatan taglay ang kaunawaan at kaawaan.—Ihambing ang Mikas 6:8.
Paglilingkod na Taglay ang Espiritung Kristiyano
10. Laban sa anong masamang saloobin dapat mag-ingat ang matatanda, at papaano?
10 Mga taóng 55 C.E. noon nang sumulat si apostol Pablo ng kaniyang unang liham sa kongregasyon sa Corinto. Isa sa mga suliranin na kaniyang inayos ay may kinalaman sa ilang lalaki na ibig maging prominente sa kongregasyon. Sumulat si Pablo: “Taglay na ninyo ang inyong kapunuan, gayon ba? Mayaman na kayo, gayon ba? Nagsimula na kayong mamahala bilang mga hari nang wala kami, gayon ba? At tunay ngang nais ko sana na nagsimula na kayong mamahala bilang mga hari, upang kami rin ay mamahalang kasama ninyo bilang mga hari.” (1 Corinto 4:8) Noong unang siglo C.E., lahat ng Kristiyano ay may pag-asang magpunò bilang makalangit na mga hari at mga saserdoteng kasama ni Jesus. (Apocalipsis 20:4, 6) Maliwanag na ang ilan sa Corinto ay nakalimot na wala nang mga hari sa lupa sa teokrasyang Kristiyano. Sa halip na kumilos na tulad ng mga hari ng sanlibutang ito, nililinang ng mga pastol na Kristiyano ang pagpapakumbaba, isang katangian na nakalulugod kay Jehova.—Awit 138:6; Lucas 22:25-27.
11. (a) Ano ang ilan sa litaw na mga halimbawa ng pagpapakumbaba? (b) Anong pangmalas tungkol sa kanilang sarili ang dapat taglayin ng matatanda at ng lahat ng iba pang mga Kristiyano?
11 Ang pagpapakumbaba ba ay isang kahinaan? Hindi! Si Jehova mismo ay tinutukoy na mapagpakumbaba. (Awit 18:35) Ang mga hari ng Israel ay nanguna sa mga hukbo sa pakikidigma at naghari sa bansa sa ilalim ni Jehova. Gayunman, bawat isa ay kinailangang mag-ingat ‘na ang kaniyang puso ay hindi nagmamataas sa kaniyang mga kapatid.’ (Deuteronomio 17:20) Ang binuhay-muling si Jesus ay isang makalangit na Hari. Subalit, nang nasa lupa, hinugasan niya ang mga paa ng kaniyang mga alagad. Anong laking pagpapakumbaba! At upang ipakita na nais niyang maging mapagpakumbaba rin ang kaniyang mga apostol, sinabi niya: “Kung ako, bagaman Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo rin ay dapat na maghugas ng mga paa ng isa’t isa.” (Juan 13:14; Filipos 2:5-8) Lahat ng kaluwalhatian at kapurihan ay dapat na maukol kay Jehova, hindi sa kaninumang tao. (Apocalipsis 4:11) Sila man ay matatanda o hindi, lahat ng Kristiyano ay dapat mag-isip tungkol sa kanilang sarili nang ayon sa liwanag ng mga salita ni Jesus: “Kami ay walang-kabuluhang mga alipin. Ang aming ginawa ay ang dapat naming gawin.” (Lucas 17:10) Anumang ibang pangmalas ay di-teokratiko.
12. Bakit ang pag-ibig ay isang mahalagang katangian na dapat paunlarin ng Kristiyanong matatanda?
12 Bukod sa pagpapakumbaba, pag-ibig ang pinauunlad ng Kristiyanong matatanda. Ipinakita ni apostol Juan ang kahalagahan ng pag-ibig nang kaniyang sabihin: “Siya na hindi umiibig ay hindi nakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Ang mga taong hindi umiibig ay di-teokratiko. Hindi nila nakikilala si Jehova. Tungkol sa Anak ng Diyos, ang Bibliya ay nagsasabi: “Si Jesus, na pagkaibig sa mga sa kaniya na nasa sanlibutan, ay umibig sa kanila hanggang sa wakas.” (Juan 13:1) Sa pagsasalita sa 11 lalaki na magiging bahagi noon ng lupong tagapamahala sa kongregasyong Kristiyano, sinabi ni Jesus: “Ito ang aking kautusan, na ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo.” (Juan 15:12) Ang pag-ibig ang tandang pagkakakilanlan sa tunay na pagka-Kristiyano. Iyon ang umaakit sa may bagbag na puso, sa mga namimighati, at sa espirituwal na mga bihag na naghahangad ng kalayaan. (Isaias 61:1, 2; Juan 13:35) Ang matatanda ay dapat na uliran sa pagpapakita ng pag-ibig.
13. Bagaman ang mga suliranin ngayon ay may kahirapan, papaanong sa lahat ng kalagayan ay maaaring maging isang puwersa sa ikabubuti ang isang matanda?
13 Sa ngayon, ang matatanda ay malimit na hinihilingang tumulong sa paglutas ng mahihirap na suliranin. Maaaring malalim ang pagkakaugat at nagpapatuloy ang mga suliranin ng mga mag-asawa. Ang mga kabataan ay may mga suliranin na mahirap maunawaan ng mga adulto. Ang mga sakit na likha ng emosyon ay kalimitan mahirap na maunawaan. Maaaring hindi natitiyak ng isang matanda na napapaharap sa gayong mga bagay kung ano ang gagawin. Subalit siya’y makapagtitiwala na kung umaasa siya sa karunungan ni Jehova lakip ng panalangin, kung siya’y nagsasaliksik sa Bibliya at sa impormasyon na inilathala ng tapat at maingat na alipin, at kung siya’y nakikitungo nang may pagpapakumbaba at pag-ibig sa mga tupa, siya ay magiging isang puwersa sa ikabubuti maging sa pinakamahirap na kalagayan.
14, 15. Ano ang sinasabi ng ilan na nagpapakitang pinagpapala ni Jehova ang kaniyang bayan sa pagbibigay rito ng maraming maiinam na matatanda?
14 Saganang pinagpala ni Jehova ang kaniyang organisasyon ng “mga kaloob na mga tao.” (Efeso 4:8) Manaka-naka, ang Samahang Watch Tower ay tumatanggap ng nakagagalak-pusong mga liham na nagpapatotoo sa pag-ibig na ipinakita ng mapagpakumbabang matatanda na may kaawaang nagpastol sa mga tupa ng Diyos. Halimbawa, isang matanda sa kongregasyon ang sumulat: “Hindi ko malimutan ang dalaw ng isang tagapangasiwa ng sirkito na nakaapekto sa akin nang higit o hanggang ngayon ay kinukomentuhan pa rin sa kongregasyon. Tinulungan ako ng tagapangasiwa ng sirkito na makita ang kahalagahan ng isang positibong saloobin pagka nakikitungo sa mga kapatid, na ang idiniriin ay ang komendasyon.”
15 Isang sister na naglakbay upang magpagamot sa isang malayong ospital, ang sumulat: “Nabuhayan ako ng loob nang makilala ko ang isang matanda nang unang nakababalisang gabing iyon sa isang ospital na kaylayu-layo sa aming tahanan! Siya at ang iba pang mga kapatid ay gumugol sa akin ng malaking panahon. Kahit na ang mga tao sa sanlibutan na may kabatiran sa dinaranas ko noon ay nakadamang hindi ako nakaligtas kung wala ang pag-aliw, pag-aasikaso, at mga panalangin ng maibigin at mapagmahal na mga kapatid na iyon.” Isa pang sister ang sumulat: “Ako’y buháy pa ngayon sapagkat ang lupon ng matatanda ay matiyagang tumulong sa akin sa pakikipagbaka ko sa matinding panlulumo. . . . Hindi alam ng isang kapatid at ng kaniyang maybahay kung ano ang sasabihin sa akin. . . . Subalit ang nakabagbag ng aking loob ay yaong bagay na bagaman hindi nila lubos na nauunawaan ang aking dinaranas noon, kanilang ipinagmalasakit ako nang buong pagmamahal.”
16. Anong payo ang ibinibigay ni Pedro sa matatanda?
16 Oo, maraming matatanda ang nagkakapit ng payo ni apostol Pedro: “Magpastol kayo sa kawan ng Diyos na nasa inyong pangangalaga, hindi napipilitan, kundi maluwag sa kalooban; ni hindi dahil sa pag-ibig sa di-matapat na pakinabang, kundi may pananabik; ni hindi namamanginoon sa mga mana ng Diyos, kundi nagiging mga halimbawa sa kawan.” (1 Pedro 5:1-3) Anong laking pagpapala ang gayong teokratikong matatanda!
Mga Tupa sa Teokrasya
17. Banggitin ang ilang katangian na dapat paunlarin ng lahat ng miyembro ng kongregasyon.
17 Gayunman, ang isang teokrasya ay hindi binubuo ng pulos matatanda lamang. Kung ang mga pastol ay kailangang maging teokratiko, ganoon din ang mga tupa. Sa anong mga paraan? Buweno, ang gayunding mga simulain na pumapatnubay sa mga pastol ang kailangang pumatnubay sa mga tupa. Lahat ng Kristiyano, hindi lamang matatanda, ay kailangang mapagpakumbaba kung nais nilang tumanggap ng pagpapala ni Jehova. (Santiago 4:6) Kailangang pasulungin ng lahat ang pag-ibig sapagkat kung wala iyon ang ating mga paghahain kay Jehova ay hindi nakalulugod sa kaniya. (1 Corinto 13:1-3) At lahat tayo, hindi lamang ang matatanda, ay dapat “mapuspos ng tumpak na kaalaman ng kalooban [ni Jehova] sa buong karunungan at espirituwal na pagkaunawa.”—Colosas 1:9.
18. (a) Bakit hindi sapat ang isang mababaw na kaalaman sa katotohanan? (b) Papaano mapupuspos ang lahat sa atin ng tumpak na kaalaman?
18 Ang mga kabataan at mga may edad ay kapuwa patuloy na napapaharap sa mahirap na mga pagpapasiya habang sila’y nagsisikap na manatiling tapat sa kabila ng pamumuhay sa sanlibutan ni Satanas. Ang kausuhan sa sanlibutan sa pananamit, musika, pelikula, at literatura ay kumakatawan sa pagsubok sa espirituwalidad ng ilan. Ang mababaw na kaalaman sa katotohanan ay hindi sapat upang tumulong sa atin na manatiling timbang. Upang matiyak ang pananatiling tapat, tayo’y kailangang mapuspos ng tumpak na kaalaman. Kailangan natin ang pang-unawa at karunungan na tanging ang Salita ng Diyos ang makapagbibigay sa atin. (Kawikaan 2:1-5) Ito’y nangangahulugan ng pagpapaunlad ng maiinam na kaugalian sa pag-aaral, pagbubulay-bulay sa ating natutuhan, at pagkakapit niyaon. (Awit 1:1-3; Apocalipsis 1:3) Ang sinulatan ni Pablo ay lahat ng Kristiyano, hindi lamang ang matatanda, nang kaniyang sabihin: “Ang matigas na pagkain ay nauukol sa mga taong may-gulang, doon sa mga sa pamamagitan ng paggamit ay nasanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.”—Hebreo 5:14.
Ang mga Pastol at ang mga Tupa ay Magkakasamang Gumagawa
19, 20. Anong mga payo ang ibinibigay sa lahat upang makipagtulungan sa matatanda, at bakit?
19 Sa wakas, dapat sabihin na ang isang tunay na teokratikong espiritu ay ipinakikita niyaong mga nakikipagtulungan sa mga matatanda. Si Pablo ay sumulat kay Timoteo: “Ang mga nakatatandang lalaki na namumuno sa isang mainam na paraan ay kilalaning karapat-dapat sa dobleng karangalan, lalo na yaong mga gumagawa nang masikap sa pagsasalita at pagtuturo.” (1 Timoteo 5:17; 1 Pedro 5:5, 6) Ang pagiging matanda ay isang kahanga-hangang pribilehiyo, ngunit karamihan ng matatanda ay mga lalaking may pamilya na sa araw-araw ay naghahanapbuhay at may asawa at mga anak na inaasikaso. Bagaman sila’y naliligayahan na maglingkod, ang kanilang paglilingkod ay mas magaan at lalong nakagagalak pagka ang kongregasyon ay nakikipagtulungan, hindi labis na mapamintas at mapaghanap.—Hebreo 13:17.
20 Sinabi ni apostol Pablo: “Alalahanin ninyo yaong mga nangunguna sa inyo, na siyang nagsalita ng salita ng Diyos sa inyo, at habang dinidili-dili ninyo ang kinalalabasan ng kanilang paggawi ay tularan ninyo ang kanilang pananampalataya.” (Hebreo 13:7) Hindi, hindi hinimok ni Pablo ang mga kapatid na sumunod sa matatanda. (1 Corinto 1:12) Ang pagsunod sa isang tao ay hindi teokratiko. Subalit tiyak na isang karunungan na tularan ang nasubok na pananampalataya ng isang teokratikong matanda na aktibo sa gawaing pag-eebanghelyo, na regular sa pagdalo sa mga pulong, at nakikitungo nang may pagpapakumbaba at pag-ibig sa kongregasyon.
Isang Patotoo ng Pananampalataya
21. Papaano nagpapakita ang mga Kristiyano ng isang matatag na pananampalataya na katulad ng kay Moises?
21 Tunay, ang pag-iral ng isang organisasyong teokratiko sa pinakamasamang panahong ito ng kasaysayan ng tao ay isang patotoo sa kapangyarihan ng Dakilang Teokrata. (Isaias 2:2-5) Ito ay isa ring patotoo ng pananampalataya ng halos limang milyong Kristiyanong mga lalaki, babae, at mga bata, na nakikipagpunyagi sa mga suliranin ng araw-araw na pamumuhay ngunit hindi kailanman kinaliligtaan na si Jehova ang kanilang Pinuno. Kung papaanong ang tapat na si Moises ay ‘nagpatuloy na matatag na gaya ng nakakakita sa Isa na di-nakikita,” gayundin ang mga Kristiyano sa ngayon na may nakakatulad na matatag na pananampalataya. (Hebreo 11:27) Sila ay may pribilehiyo na mamuhay sa isang teokrasya, at sa araw-araw ay pinasasalamatan nila si Jehova ukol dito. (Awit 100:4, 5) Samantalang nararanasan nila ang nagliligtas na kapangyarihan ni Jehova, sila’y naliligayahan na ipamalita: “Si Jehova ang ating Hukom, si Jehova ang ating Tagapagbigay-Kautusan, si Jehova ang ating Hari; siya mismo ang magliligtas sa atin.”—Isaias 33:22.
[Talababa]
a Kabilang sa gayong mga publikasyon ang aklat na “Asikasuhin ang Inyong Sarili at ang Buong Kawan,” na may maka-Kasulatang mga alituntunin at inilaan para sa inatasang mga tagapangasiwa sa kongregasyon, o matatanda.
Ano ba ang Ipinakikita ng Bibliya?
◻ Sa anong paraan napasasakop sa teokrasya ang mga Kristiyano?
◻ Papaano inoorganisa ang teokrasya sa ngayon?
◻ Sa anong mga paraan dapat ihanda ng matatanda ang kanilang sarili upang gampanan ang kanilang mga pananagutan?
◻ Anong mga katangiang Kristiyano ang mahalaga na paunlarin at ipakita ng matatanda?
◻ Sa teokrasya, anong ugnayan ang dapat umiral sa pagitan ng mga tupa at ng mga pastol?
[Larawan sa pahina 16]
Naiwala nina Adan at Eva ang Paraiso sapagkat ibig nilang gumawa ng kanilang sariling pagpapasiya tungkol sa tama at mali
[Larawan sa pahina 18]
Kung ang isang matanda ay nakikitungo nang may pagpapakumbaba at pag-ibig sa mga tupa, siya ay laging magiging isang puwersa para sa ikabubuti