Mga Hukom
14 At si Samson ay bumaba sa Timnah, at may nakita siya roon na isang babaeng Filisteo.* 2 Pag-uwi niya, sinabi niya sa kaniyang ama at ina: “May napansin akong isang babaeng Filisteo sa Timnah. Kunin ninyo siya para mapangasawa ko.” 3 Pero sinabi sa kaniya ng kaniyang ama at ina: “Wala ka bang mahanap sa mga kamag-anak natin at kababayan?+ Kailangan mo pa bang kumuha ng asawa mula sa mga di-tuling Filisteo?” Pero sinabi ni Samson sa kaniyang ama: “Kunin mo siya para sa akin, dahil siya ang nababagay sa akin.”* 4 Hindi alam ng kaniyang ama at ina na paraan ito ni Jehova, na naghahanap Siya ng pagkakataon para labanan ang mga Filisteo, dahil ang mga Filisteo ang namamahala noon sa Israel.+
5 Kaya si Samson ay bumaba sa Timnah kasama ang kaniyang ama at ina. Nang makarating siya sa mga ubasan ng Timnah, sinalubong siya ng isang leong umuungal! 6 Pinalakas siya ng espiritu ni Jehova,+ at hinati niya ito sa dalawa, na parang naghahati ng isang batang kambing gamit lang ang kamay. Pero hindi niya sinabi sa kaniyang ama o ina kung ano ang ginawa niya. 7 Pagkatapos ay pinuntahan niya ang babae at kinausap ito, at para kay Samson, ito pa rin ang nababagay sa kaniya.+
8 Di-nagtagal, nang pabalik siya para iuwi ang babae,+ pinuntahan niya ang bangkay ng leon para tingnan ito, at sa loob nito ay napakaraming bubuyog at may pulot-pukyutan. 9 Kaya kinayod niya ng kamay ang pulot-pukyutan at kumain habang naglalakad. Nang makasama niya ulit ang kaniyang ama at ina, binigyan niya sila nito para kainin. Pero hindi niya sinabi sa kanila na kinayod niya ang pulot-pukyutan mula sa bangkay ng leon.
10 Ang kaniyang ama ay nagpunta sa babae, at si Samson ay nagdaos doon ng isang handaan, dahil ganiyan ang ginagawa noon ng mga kabinataan. 11 Nang makita siya ng mga tao, binigyan nila siya ng 30 abay na lalaki para samahan siya. 12 Pagkatapos, sinabi ni Samson sa kanila: “Pakisuyo, pakinggan ninyo ang isang bugtong. Kung sa loob ng pitong araw ng handaan ay malulutas ninyo ito at masasabi ninyo sa akin ang sagot, bibigyan ko kayo ng 30 damit na lino at 30 iba pang magagandang damit. 13 Pero kung hindi ninyo masasabi ang sagot, kayo ang magbibigay sa akin ng 30 damit na lino at 30 iba pang magagandang damit.” Sinabi nila: “Sabihin mo ang bugtong mo; gusto naming marinig.” 14 Kaya sinabi niya sa kanila:
“Mula sa kumakain ay may lumabas na pagkain,
At mula sa malakas, ang matamis ay lumabas.”+
Hindi nila masagot ang bugtong sa loob ng tatlong araw. 15 Sa ikaapat na araw, sinabi nila sa asawa ni Samson: “Linlangin mo ang asawa mo+ para sabihin niya ang sagot sa bugtong. Kung hindi, susunugin ka namin at ang sambahayan ng iyong ama. Inimbitahan ba ninyo kami rito para kunin ang mga pag-aari namin?” 16 Kaya umiyak nang umiyak kay Samson ang asawa niya at nagsabi: “Galit ka sa akin; hindi mo ako mahal.+ Nagbigay ka ng bugtong sa mga kababayan ko, pero hindi mo sinasabi sa akin ang sagot.” Kaya sinabi niya rito: “Aba, sa sarili ko ngang ama at ina, hindi ko iyon sinasabi! Dapat ko bang sabihin iyon sa iyo?” 17 Pero patuloy itong umiyak sa kaniya hanggang sa ikapitong araw ng handaan. Sa ikapitong araw, sinabi na rin niya ang sagot dahil pinilit siya nito. Pagkatapos ay sinabi ng babae sa mga kababayan niya ang sagot sa bugtong.+ 18 Kaya bago lumubog ang araw* noong ikapitong araw, sinabi sa kaniya ng mga lalaki ng lunsod:
“Ano ang mas matamis kaysa sa pulot-pukyutan,
At ano ang mas malakas kaysa sa leon?”+
Sinabi naman niya sa kanila:
19 Pinalakas siya ng espiritu ni Jehova,+ at bumaba siya sa Askelon+ at nagpabagsak ng 30 lalaki sa kanila. Kinuha niya ang damit nila at ibinigay ang mga ito sa mga nakasagot ng bugtong.+ Galit na galit siyang bumalik sa bahay ng kaniyang ama.
20 Pagkatapos, ang asawa ni Samson+ ay ibinigay sa isa sa mga abay niyang lalaki na nakasama niya.+