Ikalawang Samuel
24 Muling nag-init ang galit ni Jehova sa Israel+ nang may mag-udyok kay David:* “Bilangin mo+ ang Israel at ang Juda.”+ 2 Kaya sinabi ng hari sa kasama niyang pinuno ng hukbo na si Joab:+ “Pakisuyo, lumibot ka sa lahat ng tribo ng Israel, mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba,+ at irehistro mo ang mga tao para malaman ko ang bilang nila.” 3 Pero sinabi ni Joab sa hari: “Palakihin nawa ni Jehova na iyong Diyos ang bilang ng bayan nang 100 ulit, at makita nawa iyon ng panginoon kong hari, pero bakit gusto ng panginoon kong hari na gawin ang gayong bagay?”
4 Pero ang sinabi ng hari ang nasunod at hindi ang kay Joab at sa mga pinuno ng hukbo. Kaya si Joab at ang mga pinuno ng hukbo ay umalis sa harap ng hari para irehistro ang mga tao sa Israel.+ 5 Tumawid sila ng Jordan at nagkampo sa Aroer,+ sa kanan* ng lunsod sa gitna ng lambak,* at pumunta sa mga Gadita at sa Jazer.+ 6 Pagkatapos, nagpunta sila sa Gilead+ at sa lupain ng Tatim-hodsi at nagpatuloy sa Dan-jaan hanggang sa Sidon.+ 7 Pagkatapos, pumunta sila sa tanggulan ng Tiro+ at sa lahat ng lunsod ng mga Hivita+ at ng mga Canaanita, hanggang sa makarating sila sa Negeb+ ng Juda sa Beer-sheba.+ 8 Kaya lumibot sila sa buong lupain at dumating sa Jerusalem sa pagtatapos ng siyam na buwan at 20 araw. 9 Ibinigay ngayon ni Joab sa hari ang bilang ng mga nairehistro. Ang Israel ay may 800,000 mandirigma na may espada, at ang mga lalaki ng Juda ay 500,000.+
10 Pero nakonsensiya+ si David matapos niyang bilangin ang bayan. Sinabi ni David kay Jehova: “Malaking kasalanan+ ang nagawa ko. O Jehova, pakisuyo, patawarin mo ang pagkakamali ng iyong lingkod,+ dahil malaking kamangmangan ang nagawa ko.”+ 11 Paggising ni David kinaumagahan, sinabi ni Jehova sa propetang si Gad,+ ang lingkod ni David na nakakakita ng pangitain: 12 “Pumunta ka kay David at sabihin mo, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Bibigyan kita ng tatlong mapagpipilian. Pumili ka ng isa na gagawin ko sa iyo.”’”+ 13 Kaya pumunta si Gad kay David at sinabi rito: “Ano ang pipiliin mo: magkakaroon ng pitong-taóng taggutom sa iyong lupain,+ o tatlong buwan kang tatakas sa mga kalaban na tumutugis sa iyo,+ o tatlong araw na magkakaroon ng salot sa iyong lupain?+ Pag-isipan mong mabuti ang isasagot ko sa nagsugo sa akin.” 14 Sinabi ni David kay Gad: “Hirap na hirap ang loob ko. Pakisuyo, mahulog nawa tayo sa kamay ni Jehova,+ dahil maawain siya.+ Huwag mo akong hayaang mahulog sa kamay ng tao.”+
15 Pagkatapos, nagpadala si Jehova ng salot+ sa Israel mula umaga hanggang sa itinakdang panahon, kaya 70,000 tao mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba+ ang namatay.+ 16 Nang iunat ng anghel ang kamay niya sa Jerusalem para pumuksa, nalungkot si Jehova sa kapahamakan ng bayan+ at sinabi niya sa anghel na tagapuksa: “Tama na! Ibaba mo na ang kamay mo.” Ang anghel ni Jehova ay malapit sa giikan ni Arauna+ na Jebusita.+
17 Nang makita ni David ang anghel na nagpapabagsak sa mga tao, sinabi niya kay Jehova: “Ako ang nagkasala. Ako ang nagkamali; pero ang mga tupang ito+—ano ang nagawa nila? Pakisuyo, ako na lang at ang sambahayan ng aking ama ang parusahan mo.”+
18 Kaya pumunta si Gad kay David nang araw na iyon at sinabi rito: “Pumunta ka sa giikan ni Arauna na Jebusita+ at magtayo ka roon ng altar para kay Jehova.” 19 Kaya pumunta roon si David ayon sa iniutos ni Jehova sa pamamagitan ni Gad. 20 Nang makita ni Arauna na dumarating ang hari at ang mga lingkod nito, agad na sumalubong si Arauna at sumubsob sa lupa sa harap ng hari. 21 Nagtanong si Arauna: “Bakit pumunta ang panginoon kong hari sa kaniyang lingkod?” Sumagot si David: “Gusto kong bilhin ang giikan mo at magtayo rito ng isang altar para kay Jehova, para matigil ang salot sa bayan.”+ 22 Pero sinabi ni Arauna kay David: “Ibibigay ko ito sa iyo, panginoon kong hari. Ihandog mo kung ano ang gusto mo.* Heto ang mga baka bilang handog na sinusunog; at gawin mong panggatong ang panggiik na kareta at ang pamatok ng mga baka. 23 Ang lahat ng ito, O hari, ay ibinibigay ni Arauna sa hari.” Sinabi pa ni Arauna sa hari: “Pagpalain ka nawa ni Jehova na iyong Diyos.”
24 Pero sinabi ng hari kay Arauna: “Hindi. Bibilhin ko iyon sa iyo. Hindi ako maghahandog kay Jehova na aking Diyos ng mga haing sinusunog nang wala akong ibinayad.” Kaya nagbayad si David ng 50 siklong* pilak para sa giikan at sa mga baka.+ 25 At nagtayo roon si David ng isang altar+ para kay Jehova at naghandog ng mga haing sinusunog at mga haing pansalo-salo. Pinakinggan ni Jehova ang pakiusap para sa lupain,+ at natigil ang salot sa Israel.