TAGAPANGITAIN
Taong tumanggap o nag-aangking tumanggap ng mga pangitain mula sa Diyos tungkol sa mga bagay na nakakubli o may kinalaman sa hinaharap. Ang salitang Hebreo para sa “tagapangitain” ay cho·zehʹ, mula sa cha·zahʹ, na nangangahulugang “makita; mamasdan; magpangitain.” Ang cha·zahʹ at ang mga salitang hinango rito ay ginagamit may kinalaman sa pagkakita ng mga pangitain.—Bil 24:4; Isa 1:1; 21:2; 22:1; Eze 13:7; Dan 8:1; tingnan ang TAGAKITA.
May mga tagapangitain na bulaan at hindi sinang-ayunan ng Diyos. (Isa 29:10; Mik 3:7) Ang iba naman ay isinugo ni Jehova at nagsalita sa kaniyang pangalan. (2Ha 17:13; 2Cr 33:18) Ang terminong “tagapangitain” ay ikinapit sa mga lalaking gaya nina Heman, Ido, Hanani, Gad, Asap, Jedutun, at Amos. (1Cr 25:5; 2Cr 12:15; 19:2; 29:25, 30; 35:15; Am 7:12) May ilan, gaya nina Gad at Ido, na nagtala ng kanilang mga pangitain o sumulat ng iba pang mga ulat. (1Cr 29:29; 2Cr 9:29; 33:19) Hindi lahat ng propeta ni Jehova ay mga tagapangitain. Gayunman, si Gad ay tinawag na isang “propeta” at “tagapangitain ni David.” Lumilitaw na ito’y dahil ang ilan sa mga mensaheng tinanggap niya mula sa Diyos ay dumating sa pamamagitan ng mga pangitaing naglalaman ng mga tagubilin o payo ng Diyos para kay Haring David.—2Sa 24:11; 1Cr 21:9.