Ikalawang Samuel
18 At binilang ni David ang mga kasama niya at nag-atas siya ng mga mangunguna sa kanila, mga pinuno ng libo-libo at mga pinuno ng daan-daan.+ 2 At isinugo ni David ang sangkatlo ng mga lalaki sa pamumuno* ni Joab,+ sangkatlo sa pamumuno ng kapatid ni Joab na si Abisai+ na anak ni Zeruias,+ at sangkatlo sa pamumuno ni Ittai+ na Giteo. Pagkatapos, sinabi ng hari sa kanila: “Sasama rin ako sa inyo.” 3 Pero sinabi nila: “Huwag kang sumama,+ dahil kapag tumakas kami, bale-wala iyon sa kanila;* at kahit mamatay ang kalahati sa amin, bale-wala iyon sa kanila, pero ikaw, 10,000 sundalo ang katumbas mo.+ Kaya mas mabuti kung magpapadala ka sa amin ng tulong mula sa lunsod.” 4 Sinabi ng hari sa kanila: “Kung ano ang mabuti sa tingin ninyo, gagawin ko.” Kaya tumayo ang hari sa tabi ng pintuang-daan ng lunsod, at lahat ng lalaki ay lumabas nang daan-daan at libo-libo. 5 Pagkatapos, inutusan ng hari sina Joab, Abisai, at Ittai: “Huwag ninyong sasaktan ang anak kong si Absalom.”+ Narinig ng lahat ang hari nang mag-utos ito sa lahat ng pinuno tungkol kay Absalom.
6 Ang mga lalaki ay lumabas para makipaglaban sa Israel, at naganap ang labanan sa kagubatan ng Efraim.+ 7 Doon, ang bayan ng Israel+ ay tinalo ng mga lingkod ni David,+ at napakaraming namatay nang araw na iyon—20,000 lalaki. 8 Umabot ang labanan sa lahat ng panig ng rehiyon. At mas maraming namatay dahil sa kagubatan kaysa sa espada nang araw na iyon.
9 Pagkatapos, nakaharap ni Absalom ang mga lingkod ni David. Nakasakay si Absalom sa isang mula,* at nang tumakbo ito sa ilalim ng isang malaking puno na maraming sanga, sumabit ang ulo niya sa mga sanga nito; kaya naiwan siyang nakabitin sa puno,* samantalang tuloy-tuloy sa pagtakbo ang mulang sinasakyan niya. 10 May nakakita rito at sinabi nito kay Joab:+ “Nakita ko si Absalom na nakabitin sa isang malaking puno!” 11 Sinabi ni Joab sa lalaking nagbalita sa kaniya: “Nakita mo na pala siya, bakit hindi mo pa pinatay?* Nabigyan sana kita ng 10 pirasong pilak at isang sinturon.” 12 Pero sinabi ng lalaki kay Joab: “Kahit bigyan pa ako ng* 1,000 pirasong pilak, hindi ko magagawang patayin ang anak ng hari, dahil narinig naming iniutos sa iyo, kay Abisai, at kay Ittai, ‘Tiyakin ninyong walang mananakit sa anak kong si Absalom.’+ 13 Kung sumuway* ako at pinatay ko siya, malalaman at malalaman iyon ng hari, at hindi mo naman ako ipagtatanggol.” 14 At sinabi ni Joab: “Hindi na kita pag-aaksayahan ng panahon!” Kaya kumuha siya ng tatlong palaso* at itinarak ang mga iyon sa puso ni Absalom habang buháy pa ito sa malaking puno. 15 Pagkatapos, dumating ang 10 lingkod na nagdadala ng mga sandata ni Joab; sinaksak nila si Absalom at namatay ito.+ 16 Hinipan ngayon ni Joab ang tambuli, at bumalik ang mga lalaki mula sa paghabol sa Israel; pinahinto sila ni Joab. 17 Kinuha nila si Absalom at inihagis siya sa isang malaking hukay sa kagubatan at tinabunan siya ng napakalaking bunton ng mga bato.+ At ang buong Israel ay tumakas papunta sa mga bahay nila.
18 Noong buháy pa si Absalom, kumuha siya ng haligi at nagtayo ng isang monumento sa Lambak* ng Hari,+ dahil ang sabi niya: “Wala akong anak na lalaki na magdadala ng pangalan ko.”+ Kaya tinawag niya ang haligi sa pangalan niya, at hanggang sa araw na ito ay tinatawag itong Monumento ni Absalom.
19 Sinabi ng anak ni Zadok na si Ahimaas:+ “Pakisuyo, hayaan mo akong tumakbo at ibalita ito sa hari, dahil binigyan siya ni Jehova ng katarungan at pinalaya siya mula sa mga kaaway niya.”+ 20 Pero sinabi ni Joab sa kaniya: “Hindi ka magiging tagapagdala ng balita sa araw na ito. Puwede kang magdala ng balita sa ibang araw, pero hindi ngayon, dahil namatay ang sariling anak ng hari.”+ 21 Pagkatapos, sinabi ni Joab sa isang Cusita:+ “Pumunta ka sa hari at sabihin mo ang nakita mo.” Yumukod ang Cusita kay Joab at tumakbo paalis. 22 Si Ahimaas na anak ni Zadok ay muling nagsabi kay Joab: “Anuman ang mangyari, pakisuyong hayaan mo rin akong tumakbong kasunod ng Cusita.” Pero sinabi ni Joab: “Bakit ka tatakbo, anak ko? Wala ka namang balitang sasabihin.” 23 Sinabi pa rin niya: “Anuman ang mangyari, hayaan mo akong tumakbo.” Kaya sinabi ni Joab sa kaniya: “Sige, tumakbo ka!” At tumakbo si Ahimaas at dumaan sa distrito ng Jordan,* at naunahan niya ang Cusita.
24 Si David ngayon ay nakaupo sa pagitan ng dalawang pintuang-daan ng lunsod,+ at ang bantay+ ay umakyat sa bubungan ng pintuang-daan sa may pader. Nakita niya ang isang lalaki na mag-isang tumatakbo. 25 Kaya sumigaw ang bantay at sinabi ito sa hari. Sinabi naman ng hari: “Kung nag-iisa lang siya, may dala siyang balita.” Habang papalapit ito, 26 nakita ng bantay ang isa pang lalaking tumatakbo. Kaya sinabi ng bantay sa bantay ng pintuang-daan: “May isa pang lalaki na mag-isang tumatakbo!” Sinabi ng hari: “May dala ring balita ang isang ito.” 27 Sinabi ng bantay: “Parang takbo ni Ahimaas+ na anak ni Zadok ang takbo ng lalaking nauuna,” kaya sinabi ng hari: “Mabuti siyang tao, at may dala siyang magandang balita.” 28 Pagdating ni Ahimaas, sinabi niya sa hari: “Maayos po ang lahat!” At lumuhod siya at sumubsob sa harap ng hari. Sinabi pa niya: “Purihin nawa si Jehova na iyong Diyos, na nagsuko sa mga lalaking nagrebelde sa* panginoon kong hari!”+
29 Pero sinabi ng hari: “Nasa mabuting kalagayan ba ang anak kong si Absalom?” Sumagot si Ahimaas: “Nagkakagulo nang isugo ni Joab ang lingkod ng hari at ang iyong lingkod, pero hindi ko alam kung ano ang dahilan.”+ 30 Kaya sinabi ng hari: “Tumabi ka, tumayo ka rito.” Kaya tumabi siya at tumayo roon.
31 Pagkatapos, dumating ang Cusita,+ at sinabi ng Cusita: “Tanggapin nawa ng panginoon kong hari ang balitang ito: Binigyan ka ngayon ni Jehova ng katarungan at pinalaya ka mula sa kamay ng lahat ng nagrebelde sa iyo.”+ 32 Pero sinabi ng hari sa Cusita: “Nasa mabuting kalagayan ba ang anak kong si Absalom?” Sumagot ang Cusita: “Ang lahat nawa ng kaaway ng panginoon kong hari at ang lahat ng nagrebelde para mapahamak ka ay maging gaya ng lalaking iyon!”+
33 Nanlumo ang hari at umakyat sa silid sa bubungan sa ibabaw ng pintuang-daan at umiyak. Sinasabi niya habang naglalakad: “Anak kong Absalom, anak ko, anak kong Absalom! Ako na lang sana ang namatay sa halip na ikaw, anak kong Absalom, anak ko!”+