Zacarias
12 Isang proklamasyon:
“Ang mensahe ni Jehova may kinalaman sa Israel,” ang sabi ni Jehova,
Ang naglatag ng langit,+
At gumawa ng pundasyon ng lupa,+
At lumikha ng buhay* na taglay ng tao.
2 “Ang Jerusalem ay gagawin kong kopa* na magiging dahilan ng pagsuray-suray ng lahat ng kalapít na bayan; at papalibutan ng hukbo ng kaaway ang Juda pati ang Jerusalem.+ 3 Sa araw na iyon, ang Jerusalem ay gagawin kong isang mabigat* na bato sa lahat ng bayan. Ang lahat ng bubuhat dito ay tiyak na masasaktan nang malubha;+ at ang lahat ng bansa sa lupa ay magsasama-sama laban sa kaniya.+ 4 Sa araw na iyon,” ang sabi ni Jehova, “tatakutin ko ang bawat kabayo at gagawin kong baliw ang mga nakasakay rito. Hindi ko aalisin ang tingin ko sa sambahayan ng Juda, pero bubulagin ko ang bawat kabayo ng mga bayan. 5 At sasabihin ng mga shik* ng Juda sa kanilang sarili, ‘Ang mga nakatira sa Jerusalem ay nagbibigay sa akin ng lakas dahil si Jehova ng mga hukbo ang kanilang Diyos.’+ 6 Sa araw na iyon, ang mga shik ng Juda ay gagawin kong gaya ng kalderong punô ng apoy sa gitna ng kakahuyan at gaya ng nagniningas na sulo sa isang hanay ng bagong-gapas na uhay,+ at lalamunin nila ang lahat ng kalapít na bayan sa kanan at sa kaliwa;+ at ang mga mamamayan ng Jerusalem ay muling titira sa kanilang sariling lugar,* sa Jerusalem.+
7 “At unang ililigtas ni Jehova ang mga tolda ng Juda, para ang kagandahan* ng sambahayan ni David at ang kagandahan* ng mga naninirahan sa Jerusalem ay hindi maging lubhang nakahihigit sa Juda. 8 Sa araw na iyon, ipagtatanggol ni Jehova ang mga taga-Jerusalem;+ sa araw na iyon, ang nabubuwal* sa kanila ay magiging gaya ni David, at ang sambahayan ni David ay magiging gaya ng Diyos, gaya ng anghel ni Jehova na nauuna sa kanila.+ 9 At sa araw na iyon, talagang lilipulin ko ang lahat ng bansa na sumasalakay sa Jerusalem.+
10 “Ibubuhos ko sa sambahayan ni David at sa mga taga-Jerusalem ang espiritu ng lingap at pagsusumamo, at titingin sila sa sinaksak nila,+ at hahagulgol sila para sa kaniya gaya ng paghagulgol sa kaisa-isang anak; at magdadalamhati sila nang husto gaya ng pagdadalamhati para sa panganay na anak. 11 Sa araw na iyon, magiging matindi ang paghagulgol sa Jerusalem, gaya ng paghagulgol sa Hadadrimon sa Kapatagan ng Megido.+ 12 At hahagulgol nang kani-kaniya ang bawat pamilya sa lupain; ang pamilya ng sambahayan ni David, at ang kanilang kababaihan nang bukod; ang pamilya ng sambahayan ni Natan,+ at ang kanilang kababaihan nang bukod; 13 ang pamilya ng sambahayan ni Levi,+ at ang kanilang kababaihan nang bukod; ang pamilya ng mga Simeita,+ at ang kanilang kababaihan nang bukod; 14 at ang lahat ng iba pang pamilya ay hahagulgol nang kani-kaniya, at ang kanilang kababaihan ay hahagulgol nang bukod.