Liham sa mga Taga-Roma
2 Kaya wala kang maidadahilan, O tao, sino ka man,+ kung humahatol ka; dahil kapag hinahatulan mo ang iba, hinahatulan mo ang sarili mo, dahil ginagawa mo rin ang ginagawa nila.+ 2 Alam natin na ang hatol ng Diyos, na kaayon ng katotohanan, ay laban sa mga gumagawa ng gayong mga bagay.
3 Pero ikaw na humahatol sa mga gumagawa ng gayong mga bagay, iniisip mo bang matatakasan mo ang hatol ng Diyos kahit ginagawa mo rin ang mga iyon? 4 O hinahamak mo ba ang laki ng kaniyang kabaitan,+ pagtitimpi,+ at pagtitiis,+ dahil hindi mo alam na sinisikap kang akayin ng Diyos sa pagsisisi dahil sa kabaitan niya?+ 5 Pero dahil matigas ang ulo mo at hindi nagsisisi ang iyong puso, ginagalit mo nang husto ang Diyos, at ibubuhos niya ang kaniyang galit sa araw ng poot at ng pagsisiwalat sa matuwid na hatol ng Diyos.+ 6 At ibibigay niya sa bawat isa ang ayon sa kaniyang mga gawa:+ 7 buhay na walang hanggan para doon sa mga naghahanap ng kaluwalhatian, karangalan, at katawang hindi nasisira+ sa pamamagitan ng pagsisikap na gumawa* ng mabuti; 8 pero poot at galit para sa mga mahilig makipagtalo at lumilihis sa katotohanan at sumusunod sa kasamaan.+ 9 Kapighatian at paghihirap ang naghihintay para sa bawat tao na gumagawa ng nakapipinsalang bagay, sa Judio muna at pagkatapos ay sa Griego; 10 pero kaluwalhatian, karangalan, at kapayapaan para sa bawat isa na gumagawa ng mabuti, para sa Judio muna+ at pagkatapos ay sa Griego.+ 11 Dahil hindi nagtatangi ang Diyos.+
12 Dahil ang lahat ng nagkasala nang walang kautusan ay mamamatay kahit walang kautusan;+ pero ang lahat ng nagkasala sa ilalim ng kautusan ay hahatulan batay sa kautusan.+ 13 Dahil ang mga ipahahayag ng Diyos na matuwid ay hindi ang mga nakikinig sa kautusan kundi ang mga tumutupad dito.+ 14 Kapag likas na ginagawa ng mga tao ng ibang mga bansa ang mga bagay na nasa kautusan, kahit wala naman silang kautusan,+ iyon ay dahil sa kautusang nasa loob nila. 15 Ipinapakita ng kanilang mga gawa na ang kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso, habang ang kanilang konsensiya ay nagpapatotoo, at inaakusahan sila o kaya ay ipinagdadahilan* ng sarili nilang kaisipan. 16 Mangyayari ito sa araw na hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus ang lihim na mga bagay ng sangkatauhan,+ ayon sa mabuting balita na inihahayag ko.
17 Ngayon, kung tinatawag kang Judio+ at umaasa ka sa kautusan at ipinagmamalaki mo ang kaugnayan mo sa Diyos, 18 at alam mo ang kaniyang kalooban, at sinasang-ayunan* mo ang mga bagay na tunay na mahalaga* dahil naturuan ka sa Kautusan,+ 19 at naniniwala ka na tagaakay ka ng mga bulag, liwanag para sa mga nasa dilim, 20 tagapagtuwid ng mga di-makatuwiran, guro ng mga bata, at alam mo ang saligang kaalaman at katotohanan na nasa Kautusan— 21 bakit ka nagtuturo sa iba pero hindi mo naman tinuturuan ang sarili mo?+ Ikaw, na nangangaral na “Huwag magnakaw,”+ bakit ka nagnanakaw? 22 Ikaw na nagsasabing “Huwag mangalunya,”+ bakit ka nangangalunya? Ikaw na napopoot sa mga idolo, bakit mo ninanakawan ang mga templo? 23 Ikaw, ipinagmamalaki mo ang kautusan, pero bakit mo nilalapastangan ang Diyos dahil sa paglabag mo sa Kautusan? 24 “Ang pangalan ng Diyos ay nalalapastangan sa gitna ng mga bansa dahil sa inyo,” gaya ng nasusulat.+
25 May pakinabang lang ang pagtutuli+ kung sumusunod ka sa kautusan;+ pero kung nilalabag mo ang kautusan, nawawalan ng silbi ang pagtutuli sa iyo. 26 Pero kung ang isang di-tuli+ ay tumutupad sa matuwid na mga kahilingan ng Kautusan, para na rin siyang nagpatuli, hindi ba?+ 27 Kaya ikaw na tuli at nagtataglay ng nasusulat na kautusan pero hindi sumusunod dito ay hahatulan ng isa na di-tuli pero sumusunod naman sa Kautusan. 28 Dahil ang pagiging tunay na Judio ay hindi lang sa panlabas na hitsura+ o sa pagpapatuli sa laman.+ 29 Ang pagiging tunay na Judio ay nakabatay sa kung ano siya sa loob,+ at ang puso niya+ ay tinuli ayon sa espiritu at hindi sa nasusulat na Kautusan.+ Ang papuri para sa taong iyon ay nanggagaling sa Diyos, hindi sa mga tao.+