Deuteronomio
15 “Tuwing matatapos ang pitong taon, dapat kang magpalaya.+ 2 Ganito ang pagpapalaya: Palalayain ng bawat may pautang ang kapuwa niya mula sa utang nito. Hindi niya dapat singilin ang kaniyang kapuwa o kapatid, dahil sa panahong iyon, isang pagpapalaya ang ipahahayag sa harap ni Jehova.+ 3 Puwede mong singilin ang isang dayuhan,+ pero dapat mong palayain ang kapatid mo sa anumang utang niya sa iyo. 4 Gayunman, walang sinuman sa inyo ang maghihirap, dahil tiyak na pagpapalain ka ni Jehova+ sa lupaing ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos bilang mana, 5 pero mangyayari lang iyan kung susundin mong mabuti ang tinig ni Jehova na iyong Diyos at masikap na tutuparin ang lahat ng utos na ito na ibinibigay ko sa iyo ngayon.+ 6 Pagpapalain ka ni Jehova na iyong Diyos gaya ng ipinangako niya sa iyo, at magpapahiram ka* sa maraming bansa, pero hindi mo kakailanganing manghiram;+ at magpupuno ka sa maraming bansa, pero hindi sila magpupuno sa iyo.+
7 “Kung maghirap ang kapatid mo sa isa sa mga lunsod sa lupaing ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos, huwag mong patigasin ang puso mo o pagdamutan ang naghirap mong kapatid.+ 8 Dahil dapat kang maging bukas-palad sa kaniya,+ at pahiramin mo siya ng* anumang kailangan niya o kulang sa kaniya. 9 Mag-ingat ka dahil baka pumasok sa puso mo ang kaisipang ito, ‘Malapit na ang ikapitong taon, ang taon ng pagpapalaya,’+ at hindi ka maging bukas-palad sa mahirap mong kapatid at wala kang ibigay sa kaniya. Kapag dumaing siya kay Jehova dahil sa iyo, magiging kasalanan mo ito.+ 10 Dapat kang maging bukas-palad sa kaniya,+ at huwag kang magbibigay nang hindi bukal sa puso; ito ang dahilan kung bakit pagpapalain ni Jehova na iyong Diyos ang lahat ng ginagawa at pagsisikap mo.+ 11 Dahil hindi mawawalan ng mahihirap sa lupain.+ Iyan ang dahilan kung bakit ko iniuutos sa iyo, ‘Dapat kang maging bukas-palad sa nagdurusa at naghihirap mong kapatid sa lupain.’+
12 “Kung ipagbili sa iyo ang isa sa mga kapatid mo, isang lalaki o babaeng Hebreo, at naglingkod na siya sa iyo nang anim na taon, dapat mo siyang palayain sa ikapitong taon.+ 13 At kung palalayain mo na siya, huwag mo siyang paalisin nang walang dala. 14 Dapat kang maging bukas-palad sa pagbibigay sa kaniya ng anuman mula sa iyong kawan, giikan, at pisaan para sa langis at alak. Dapat mo siyang bigyan ayon sa pagpapala sa iyo ni Jehova na iyong Diyos. 15 Alalahanin mong naging alipin ka sa Ehipto at pinalaya ka ni Jehova na iyong Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit ko ito iniuutos sa iyo ngayon.
16 “Pero kung sabihin niya sa iyo, ‘Ayokong umalis!’ dahil mahal ka niya at ang sambahayan mo, at masaya siya sa paglilingkod sa iyo,+ 17 kumuha ka ng pambutas,* dalhin mo siya sa may pinto, at butasan mo ang tainga niya, at habambuhay mo siyang magiging alipin. Ganiyan din ang gawin mo sa alipin mong babae. 18 Kapag pinalaya mo siya at umalis siya, huwag sásamâ ang loob mo, dahil ang paglilingkod niya sa iyo nang anim na taon ay katumbas ng dobleng sahod ng isang upahang trabahador, at pinagpala ka ni Jehova na iyong Diyos sa lahat ng bagay.
19 “Dapat mong ialay* kay Jehova na iyong Diyos ang lahat ng panganay na lalaki sa iyong bakahan at kawan.+ Huwag mong gagamitin sa anumang trabaho ang panganay sa bakahan* mo o gugupitan ang panganay sa kawan mo. 20 Taon-taon, dapat mo itong kainin kasama ang sambahayan mo sa harap ni Jehova na iyong Diyos sa lugar na pipiliin ni Jehova.+ 21 Pero kung pilay ito, bulag, o may iba pang malalang depekto, huwag mo itong iaalay kay Jehova na iyong Diyos.+ 22 Dapat mo itong kainin sa mga lunsod* ninyo, na para bang gasela ito o usa; makakain ito ng taong marumi at malinis.+ 23 Pero huwag mong kakainin ang dugo nito;+ ibuhos mo iyon sa lupa gaya ng tubig.+