Jonas
1 Ito ang salita ni Jehova na dumating kay Jonas*+ na anak ni Amitai: 2 “Pumunta ka sa Nineve+ na dakilang lunsod, at ihayag mo ang hatol dito dahil nakita kong sobra na ang kasamaan nila.”
3 Pero sinubukan ni Jonas na takasan si Jehova, at nagplano siyang pumunta ng Tarsis; pumunta siya sa Jope at nakakita ng barko na papunta sa lugar na iyon. Kaya nagbayad siya ng pamasahe at sumama sa paglalayag papuntang Tarsis para takasan si Jehova.
4 Pero nagpadala si Jehova ng malakas na hangin sa dagat, at nagkaroon ng napakalakas na bagyo kaya halos mawasak ang barko. 5 Takot na takot ang mga marinero kaya humingi sila ng tulong sa kani-kanilang diyos. At inihagis nila sa dagat ang mga gamit sa barko para gumaan ito.+ Pero si Jonas ay bumaba sa kaloob-looban ng barko* at humiga roon at nakatulog nang mahimbing. 6 Nilapitan siya ng kapitan ng barko at sinabi: “Bakit ka natutulog? Bumangon ka, humingi ka ng tulong sa diyos mo! Baka sakaling maawa* sa atin ang tunay na Diyos at hindi tayo mamatay.”+
7 At sinabi nila sa isa’t isa: “Magpalabunutan tayo+ para malaman natin kung sino ang dapat sisihin sa kalamidad na ito.” Kaya nagpalabunutan sila, at ang nabunot ay kay Jonas.+ 8 Sinabi nila sa kaniya: “Pakiusap, sabihin mo kung sino ang dapat sisihin sa kalamidad na ito. Ano ang trabaho mo, at saan ka nanggaling? Ano ang iyong bansa, at anong bayan* ang pinagmulan mo?”
9 Sumagot siya: “Isa akong Hebreo, at ang sinasamba* ko ay si Jehova na Diyos ng langit, ang gumawa ng dagat at ng lupa.”*
10 Kaya lalong natakot ang mga lalaki, at sinabi nila: “Ano itong ginawa mo?” (Nalaman ng mga lalaki na tinatakasan niya si Jehova, dahil sinabi niya ito sa kanila.) 11 Kaya sinabi nila: “Ano ang dapat naming gawin sa iyo para kumalma ang dagat?” Dahil lalo pang lumalakas ang bagyo sa dagat. 12 Sumagot siya: “Buhatin ninyo ako at ihagis sa dagat para kumalma ito; alam kong ako ang dahilan ng napakalakas na bagyong ito.” 13 Pero buong lakas na nagsagwan* ang mga lalaki para madala ang barko sa pampang. Gayunman, hindi nila nagawa iyon dahil palakas nang palakas ang bagyo.
14 Nakiusap sila kay Jehova: “Pakisuyo, O Jehova, huwag mo kaming hayaang mamatay dahil sa taong ito! Huwag mo kaming panagutin sa kamatayan ng inosenteng taong* ito, dahil ang lahat ng ito ay ayon sa kalooban mo, O Jehova.” 15 Pagkatapos, binuhat nila si Jonas at inihagis sa dagat; at kumalma ang dagat. 16 Kaya ang mga lalaki ay talagang natakot kay Jehova,+ at naghandog sila kay Jehova at gumawa ng mga pangako sa kaniya.
17 Nagpadala si Jehova ng isang malaking isda para lulunin si Jonas, kaya si Jonas ay nanatili sa tiyan ng isda nang tatlong araw at tatlong gabi.+