Tularan ang Kanilang Pananampalataya
Natuto Siya sa Kaniyang mga Pagkakamali
INIISIP ni Jonas na sana’y kaya niyang patigilin ang nakakakilabot na ingay. Hindi lamang ito basta paghugong ng napakalakas na hangin na tumatama sa mga lubid ng layag ng barko; ni dagundong ng gabundok na mga alon na humahampas sa magkabilang gilid ng barko, anupat lumalangitngit ang bawat kahoy nito. Sa halip, higit na nakakakilabot para kay Jonas ang hiyaw ng mga marinero—ang kapitan at ang kaniyang mga tauhan—habang sinisikap nilang isalba ang barko. Natitiyak ni Jonas na mamamatay ang mga taong ito—dahil lamang sa kaniya!
Bakit nasa gayon kahirap na situwasyon si Jonas? Nakagawa siya ng malubhang pagkakamali sa harap ng kaniyang Diyos, si Jehova. Ano ba ang nagawa niya? Wala na bang pag-asang maayos ang kaugnayan niya kay Jehova? Marami tayong matututuhan mula sa sagot sa mga tanong na ito. Halimbawa, tutulungan tayo ng kuwento ni Jonas na maunawaan kung paano maaaring magkamali maging ang mga taong may tunay na pananampalataya—at kung paano nila maitutuwid ito.
Isang Propeta Mula sa Galilea
Kapag naiisip ng mga tao ang lalaking si Jonas, parang laging negatibong mga katangian ang napagtutuunan nila ng pansin, gaya ng hindi niya pagsunod o ang katigasan ng kaniyang ulo. Pero marami pa tayong dapat malaman tungkol sa lalaking ito. Tandaan na si Jonas ay napili para maging propeta ng Diyos na Jehova. Hindi siya pipiliin ni Jehova para sa mabigat na pananagutang iyon kung hindi siya matuwid o tapat.
May ilang bagay tayong matututuhan tungkol kay Jonas sa 2 Hari 14:25. Mula siya sa Gat-heper na apat na kilometro lamang mula sa Nazaret, ang nayon kung saan lumaki si Jesu-Kristo makalipas ang mga walong siglo.a Naging propeta si Jonas noong panahon ng pamamahala ni Haring Jeroboam II sa sampung-tribong kaharian ng Israel. Matagal nang patay si Elias; ang kapalit niyang si Eliseo ay namatay na rin noong panahon ng paghahari ng ama ni Jeroboam. Bagaman ginamit ni Jehova ang mga lalaking ito upang pawiin ang pagsamba kay Baal, sinadya na namang magkasala ng mga Israelita. Ang lupain ay nasa ilalim ng impluwensiya ng isang hari na ‘patuloy na gumagawa ng masama sa paningin ni Jehova.’ (2 Hari 14:24) Kaya ang paglilingkod ni Jonas ay maaaring hindi madali o kaiga-igaya. Pero ginawa niya ito nang may katapatan.
Pero isang araw, kinailangan ni Jonas na gumawa ng napakalaking desisyon. Nakatanggap siya ng isang atas mula kay Jehova na sa tingin niya’y napakahirap gawin. Ano ang ipinagagawa sa kaniya ni Jehova?
“Bumangon Ka, Pumaroon Ka sa Nineve”
Ganito ang sinabi ni Jehova kay Jonas: “Bumangon ka, pumaroon ka sa Nineve na dakilang lunsod, at ihayag mo laban sa kaniya na ang kanilang kasamaan ay umabot sa harap ko.” (Jonas 1:2) Madaling maunawaan kung bakit ang atas na ito ay waring nakapanghihina ng loob. Ang Nineve ay matatagpuan mga 800 kilometro sa silangan, isang lakarín na malamang na tatagal nang halos isang buwan. Pero waring mas madali ang paglalakbay na ito kung ihahambing sa mismong atas na ibinigay sa kaniya. Sa Nineve, kailangang ihayag ni Jonas ang mensahe ng paghatol ni Jehova sa mga Asiryano, na kilalang mararahas at mababangis pa nga. Kung kaunti lamang sa mismong bayan ng Diyos ang nakinig kay Jonas, ano pa kaya ang aasahan niya sa mga paganong ito? Paano magtatagumpay ang nag-iisang lingkod ni Jehova sa malaking lunsod ng Nineve, na tinawag nang maglaon na “lunsod ng pagbububo ng dugo”?—Nahum 3:1, 7.
Naisip kaya iyon ni Jonas? Naisip man niya iyon o hindi, hindi tayo nakatitiyak. Ang alam lamang natin ay na tumakas siya. Pinapupunta siya ni Jehova sa silangan, pero pumunta si Jonas sa kanluran sa pinakamalayong lugar na mararating niya. Pumunta siya sa baybayin, sa isang daungang-lunsod na tinatawag na Jope, kung saan sumakay siya ng barko patungong Tarsis. Sinasabi ng ilang iskolar na ang Tarsis ay nasa Espanya. Kung gayon, si Jonas ay patungo sa isang lugar na 3,500 kilometro ang layo mula sa Nineve. Ang paglalakbay na iyon papunta sa kabilang dulo ng Malaking Dagat—gaya ng tawag noon sa Dagat Mediteraneo—ay maaaring tumagal nang isang taon! Talagang determinado si Jonas na takasan ang atas na ibinigay sa kaniya ni Jehova!
Kung gayon, masasabi ba nating duwag si Jonas? Hindi natin siya dapat hatulan kaagad. Gaya ng makikita natin, kahanga-hanga rin ang katapangan niya. Pero gaya nating lahat, si Jonas ay di-sakdal at nagsisikap na mapagtagumpayan ang napakaraming kahinaan. (Awit 51:5) Sino sa atin ang hindi kailanman nakadama ng takot?
Kung minsan, waring napakahirap—o imposible pa nga—ng ipinagagawa sa atin ng Diyos. Maaaring nahihirapan tayong mangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, gaya ng kailangang gawin ng mga Kristiyano. (Mateo 24:14) Parang napakadali para sa atin na makalimutan ang napakahalagang katotohanang ito na sinabi ni Jesus: “Ang lahat ng mga bagay ay posible sa Diyos.” (Marcos 10:27) Kung may mga pagkakataong nalilimutan natin ang katotohanang iyan, marahil mauunawaan natin ang problema ni Jonas. Pero ano kaya ang naging resulta ng pagtakas ni Jonas?
Dinisiplina ni Jehova ang Kaniyang Suwail na Propeta
Guni-gunihin si Jonas na nakasakay sa barkong iyon na malamang na isang barkong pangkargamento ng Fenicia. Nagmamasid siya habang ang kapitan at ang mga tauhan nito ay abala para mailabas ang barko sa daungan. Habang papalayo sila sa pampang, maaaring umaasa si Jonas na matatakasan niya ang panganib na labis niyang kinatatakutan. Pero walang anu-ano, nagbago ang lagay ng panahon.
Dahil sa malakas na hangin, nagngalit ang dagat at lumikha ng gabundok na mga alon. Ang mga barko sa ngayon ay magmimistulang mga laruan dahil sa laki ng alon. Ilang saglit lang, nawala sa gitna ng naglalakihang mga alon at nagmukhang napakaliit at napakarupok ng barkong iyon na yari sa kahoy. Alam kaya ni Jonas nang panahong iyon na “si Jehova ay nagpabugso ng isang malakas na hangin sa dagat,” gaya ng isinulat niya nang maglaon? Hindi natin masasabi. Pero nakita niya na ang mga marinero ay nagsimulang humingi ng tulong sa kani-kanilang mga diyos, at alam niyang wala sa mga ito ang makatutulong sa kanila. Ganito ang sinasabi ng kaniyang ulat: “Kung tungkol sa barko, iyon ay malapit nang magiba.” (Jonas 1:4; Levitico 19:4) At paano kaya makapananalangin si Jonas sa Diyos na kaniyang tinatakasan?
Dahil wala naman siyang maitutulong, pumunta si Jonas sa ibabang palapag ng barko at nakahanap ng isang dakong mahihigaan. Doon, nakatulog siya nang mahimbing.b Pinuntahan ng kapitan si Jonas, ginising siya, at hinimok siyang manalangin sa kaniyang diyos, gaya ng ginagawa ng iba. Dahil kumbinsido ang mga marinero na may kababalaghan sa likod ng bagyong ito, nagpalabunutan sila para makita kung sino sa mga naroroon ang maaaring sanhi ng kanilang problema. Tiyak na nanlumo si Jonas habang isa-isang naaalis sa palabunutan ang mga naroroon. Di-nagtagal, naging malinaw ang katotohanan. Minamaniobra ni Jehova ang mga bagay-bagay—ang bagyo, pati na ang palabunutan—para ituro ang isang tao, si Jonas!—Jonas 1:5-7.
Ipinaliwanag ni Jonas sa mga marinero ang buong situwasyon. Siya ay isang lingkod ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova. Ito ang Diyos na kaniyang tinatakasan at ginalit, kung kaya nanganib ang buhay nilang lahat. Natakot ang mga lalaki at kitang-kita ito ni Jonas sa kanilang mga mata. Tinanong nila kung ano ang dapat nilang gawin sa kaniya para maisalba ang barko at mailigtas ang buhay nila. Ano ang sinabi niya? Malamang na nangatog sa takot si Jonas nang maisip niyang malulunod siya sa malamig at nagngangalit na dagat na iyon. Pero paano niya maaatim na mamatay ang lahat ng lalaking ito kung magagawa naman niyang iligtas sila? Kaya sinabi niya: “Buhatin ninyo ako at ihagis ninyo ako sa dagat, at ang dagat ay papayapa para sa inyo; sapagkat batid ko na dahil sa akin kung kaya ang malakas na unos na ito ay sumapit sa inyo.”—Jonas 1:12.
Masasabi ba iyan ng isang duwag? Tiyak na naantig ang puso ni Jehova na makita ang katapangan at mapagsakripisyong saloobin ni Jonas sa panahong iyon ng kagipitan. Kitang-kita natin dito ang matibay na pananampalataya ni Jonas. Matutularan natin ito kung uunahin natin ang kapakanan ng iba sa halip na ang sa atin. (Juan 13:34, 35) Kapag nakita nating nangangailangan ng tulong ang iba, pisikal man, emosyonal, o espirituwal, nagsasakripisyo ba tayo para tulungan sila? Malulugod si Jehova kapag ginawa natin ito!
Marahil ay naantig din ang mga marinero, dahil noong una, hindi sila pumayag sa ipinagagawa ni Jonas! Sa halip, ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para maisalba ang barko—pero wala ring nangyari. Lalo lamang lumakas ang unos. Kaya pumayag na rin sila nang bandang huli. Nanalangin sila nang malakas sa Diyos ni Jonas, si Jehova, para kaawaan Niya sila. Pagkatapos, binuhat nila si Jonas at inihagis nila siya sa dagat.—Jonas 1:13-15.
Nakasumpong si Jonas ng Kaawaan at Kaligtasan
Nahulog si Jonas sa nagngangalit na mga alon. Habang sinisikap niyang makaahon sa tubig at manatiling nakalutang, naaninag niya na mabilis na lumalayo ang barko. Pero humampas sa kaniya ang malalakas na alon kaya lalo siyang hindi makaahon. Palubog siya nang palubog hanggang sa mawalan na siya ng pag-asang makaligtas pa.
Nang maglaon, inilarawan ni Jonas ang nadama niya noong panahong iyon. Kung anu-ano ang pumasok sa isip niya. Nalungkot siya nang maisip niyang hindi na niya muling makikita ang magandang templo ni Jehova sa Jerusalem. Damang-dama niya na bumubulusok siya sa kalaliman ng dagat, malapit sa pinakaibaba ng mga bundok, kung saan pumulupot sa kaniya ang damong dagat. Waring ito na ang magiging hukay niya, ang kaniyang libingan.—Jonas 2:2-6.
Pero teka! May isang bagay na gumagalaw sa di-kalayuan—isang anino ng dambuhalang nilalang. Matulin itong lumalapit sa kaniya. Bumuka ang napakalaking bunganga nito at nilulon siya!
Ito na yata ang katapusan ni Jonas. Pero isang kataka-takang bagay ang nangyari sa kaniya. Buháy pa rin siya! Hindi siya nabalian ni natunaw man, at nakakahinga pa rin siya. Oo, buháy siya, bagaman ito na sana ang magiging libingan niya. Unti-unti, nalipos ng paghanga si Jonas. Walang alinlangan, ang kaniyang Diyos, si Jehova, ang ‘nagtalaga sa isang malaking isda upang lulunin si Jonas.’c—Jonas 1:17.
Lumipas ang ilang minuto at mga oras. Sa napakadilim na dakong iyon na noon lamang napuntahan ni Jonas, nakapag-isip-isip siya at nanalangin sa Diyos na Jehova. Maraming isinisiwalat ang kaniyang panalangin, na nakaulat nang buo sa ikalawang kabanata ng Jonas. Ipinapakita nito na malawak ang kaalaman ni Jonas sa Kasulatan dahil madalas sipiin ng aklat ng Jonas ang Mga Awit. Ipinapakita rin dito ang isang nakaaantig na katangian: ang pagiging mapagpasalamat. Ganito ang sinabi ni Jonas: “Kung tungkol sa akin, sa pamamagitan ng tinig ng pasasalamat ay maghahain ako sa iyo. Kung ano ang aking ipinanata ay tutuparin ko. Ang kaligtasan ay kay Jehova.”—Jonas 2:9.
Natutuhan ni Jonas na kayang iligtas ni Jehova ang sinuman, saanman, anumang oras. Maging doon sa “mga panloob na bahagi ng isda,” iniligtas ni Jehova ang kaniyang lingkod na nasa kagipitan. (Jonas 1:17) Tanging si Jehova ang makapagliligtas at makapag-iingat sa isang tao nang tatlong araw at tatlong gabi sa loob ng tiyan ng malaking isda. Makabubuti para sa atin na alalahanin ngayon na si Jehova “ang Diyos na sa kaniyang kamay ay naroon ang iyong hininga.” (Daniel 5:23) Utang natin sa kaniya ang ating buhay, ang mismong pag-iral natin. Ipinagpapasalamat ba natin ito? Kung gayon, hindi ba dapat na maging masunurin tayo bilang pagtanaw ng utang na loob kay Jehova?
Kumusta naman si Jonas? Natuto ba siyang magpakita ng kaniyang pasasalamat kay Jehova sa pamamagitan ng pagsunod? Oo naman. Pagkatapos ng tatlong araw at tatlong gabi, dinala ng isda si Jonas sa pampang at “iniluwa nito si Jonas sa tuyong lupa.” (Jonas 2:10) Isip-isipin—pagkatapos nang lahat ng ito, hindi na kailangan pang lumangoy ni Jonas papunta sa pampang! Siyempre pa, kailangan pa rin niyang hanapin ang pupuntahan niya mula sa dalampasigang iyon, saan man iyon naroroon. Pero di-nagtagal, nasubok kung talaga bang mapagpasalamat si Jonas. Ganito ang sinabi sa Jonas 3:1, 2: “At dumating kay Jonas ang salita ni Jehova sa ikalawang pagkakataon, na nagsasabi: ‘Bumangon ka, pumaroon ka sa Nineve na dakilang lunsod, at ihayag mo sa kaniya ang kapahayagan na sinasalita ko sa iyo.’” Ano ang ginawa ni Jonas?
Hindi nag-atubili si Jonas. Mababasa natin: “Sa gayon, si Jonas ay bumangon at pumaroon sa Nineve ayon sa salita ni Jehova.” (Jonas 3:3) Oo, sumunod siya. Maliwanag na natuto siya sa kaniyang mga pagkakamali. Dapat din nating tularan ang gayong pananampalataya ni Jonas. Tayong lahat ay nagkakasala at nagkakamali. (Roma 3:23) Pero sumusuko ba tayo, o natututo tayo sa ating mga pagkakamali anupat itinutuwid ang maling landasin at sumusunod sa Diyos?
Ginantimpalaan ba ni Jehova si Jonas dahil sa kaniyang pagsunod? Oo. Una sa lahat, waring nalaman ni Jonas nang maglaon na nakaligtas ang mga marinerong iyon. Agad na humupa ang bagyo pagkatapos isakripisyo ni Jonas ang kaniyang sarili, at ang mga marinerong iyon ay “nagsimulang matakot na lubha kay Jehova” at nag-alay ng mga hain sa Kaniya sa halip na sa kanilang huwad na mga diyos.—Jonas 1:15, 16.
Mas malaki pang gantimpala ang dumating nang dakong huli. Ginamit ni Jesus ang pananatili ni Jonas sa loob ng malaking isda bilang isang makahulang larawan sa kaniya mismong panahon sa libingan, o Sheol. (Mateo 12:38-40) Tiyak na matutuwa si Jonas na malaman ang pagpapalang ito kapag binuhay siyang muli sa lupa! (Juan 5:28, 29) Gusto rin ni Jehova na pagpalain ka. Gaya ni Jonas, matututo ka ba sa iyong mga pagkakamali, at magiging masunurin at mapagsakripisyo?
[Mga talababa]
a Ang katotohanan na nagmula si Jonas sa isang nayon sa Galilea ay kapansin-pansin dahil may-kayabangang sinabi ng mga Pariseo tungkol kay Jesus: “Magsaliksik ka at tingnan mo na walang propetang ibabangon mula sa Galilea.” (Juan 7:52) Maraming tagapagsalin at mananaliksik ang nagsasabing basta na lamang gumawa ng konklusyon ang mga Pariseo na walang propetang nagmula kailanman sa hamak na Galilea. Kung gayon, ipinagwawalang-bahala ng mga lalaking ito ang kasaysayan, pati na ang hula.—Isaias 9:1, 2.
b Idiniriin ng Septuagint na mahimbing ang tulog ni Jonas nang banggitin nito na siya ay humilik. Pero sa halip na isiping ang pagtulog ni Jonas ay tanda ng kawalang-malasakit sa bahagi niya, maaalaala natin na paminsan-minsan, inaantok ang iba dahil pinanghihinaan sila ng loob. Sa panahon ng matinding paghihirap ni Jesus sa hardin ng Getsemani, sina Pedro, Santiago, at Juan ay “umiidlip dahil sa pamimighati.”—Lucas 22:45.
c Sa wikang Griego, ang salitang Hebreo para sa “isda” ay isinalin na “dambuhalang hayop-dagat,” o “malaking isda.” Bagaman hindi natin lubusang matitiyak kung anong uri ng nilalang sa dagat ang tinutukoy, kapansin-pansin na may malalaking pating sa Mediteraneo na kayang lumulon ng isang tao nang buo. May mas malalaking pating pa sa ibang lugar; ang butanding ay maaaring umabot ng 15 metro ang haba—o baka nga higit pa!
[Kahon/Larawan sa pahina 29]
Tinuligsa ang Aklat ng Jonas
▪ Talaga bang naganap ang mga pangyayaring nakaulat sa aklat ng Bibliya na Jonas? Noon pa man, may mga tumutuligsa na sa aklat na ito. Sa makabagong panahong ito ng mapanuring kritisismo, madalas na ituring ang aklat na isang pabula, alamat, o kathang-isip lamang. Isang awtor noong ika-19 na siglo ang nag-ulat kung paano ipinaliwanag ng isang klerigo ang kuwento ni Jonas at ng malaking isda bilang isang kakaibang uri ng talinghaga: Nanuluyan si Jonas sa isang hotel sa Jope na ang pangalan ay Ang Balyena. Nang hindi sapat ang kaniyang pambayad, pinalayas siya ng may-ari ng hotel. Sa ganitong paraan “nilulon” at sa bandang huli ay “iniluwa” si Jonas mula sa isang balyena! Kaya nga, ligtas man si Jonas sa malaking isda, waring hindi naman siya nakaligtas sa mga kritiko ng Bibliya na tumutuligsa sa kaniya!
Bakit marami ang nag-iisip na hindi kapani-paniwala ang aklat na ito ng Bibliya? Dahil nag-uulat ito ng mga himala. Waring isa lamang ang iniisip ng maraming kritiko hinggil sa mga himala: Imposibleng mangyari ang mga ito. Pero makatuwiran ba ang pananaw na iyan? Tanungin ang iyong sarili, ‘Pinaniniwalaan ko ba ang unang talata ng Bibliya?’ Sinasabi nito: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Milyun-milyong makatuwirang tao sa buong daigdig ang naniniwala sa simpleng katotohanang iyan. Sa paanuman, ang mga salita sa talatang iyon ay mas nakahihigit sa lahat ng iba pang himala na binabanggit ng Bibliya.
Isaalang-alang ito: Para sa Isa na lumalang sa malawak at mabituing kalangitan at sa lahat ng masalimuot at kahanga-hangang nilalang na nabubuhay sa lupa, alin sa mga kalagayang binanggit sa aklat ng Jonas ang imposible niyang magawa? Lumikha ng isang bagyo? Utusan ang isang malaking isda na lulunin ang isang tao? O ang pangyarihin ang isdang iyon na iluwa ang taong nilulon nito? Para sa Isa na walang hanggan ang kapangyarihan, hindi mahirap gawin ang lahat ng iyan.—Isaias 40:26.
Kahit hindi gumawa ng himala ang Diyos, may kamangha-manghang mga bagay na nangyayari paminsan-minsan. Halimbawa, sinasabi na noong 1758, isang magdaragat na nakasakay sa kaniyang barko ang nahulog sa Dagat Mediteraneo at nilulon ng isang pating. Pero pinaputukan ng kanyon ang pating. Nang tamaan ito, iniluwa nito ang magdaragat, na nailigtas nang halos walang galos. Kung totoo man ito, maaari nating sabihing kahanga-hanga ang kuwentong ito o kamangha-mangha pa nga—pero hindi isang himala. Hindi ba kayang gamitin ng Diyos ang kaniyang kapangyarihan para gawin ang higit pa kaysa rito?
Iginigiit din ng mga mapag-alinlangan na walang tao ang maaaring mabuhay sa loob ng isda nang tatlong araw nang hindi kinakapos sa paghinga. Pero mapamaraan na ang mga tao dahil nagawa nilang punuin ang mga tangke ng hanging may malakas na presyon at gamitin ito para makahinga sila nang mas matagal sa ilalim ng tubig. Hindi ba kayang gamitin ng Diyos ang kaniyang nakahihigit at walang-hanggang kapangyarihan at karunungan para panatilihing buháy si Jonas at nakakahinga sa tiyan ng isda sa loob ng tatlong araw? Gaya ng sinabi ng isang anghel ni Jehova kay Maria, ang ina ni Jesus, “sa Diyos ay walang kapahayagan ang imposible.”—Lucas 1:37.
Ano pa ang katibayan na ang aklat ng Jonas ay tumpak pagdating sa kasaysayan? Ang paglalarawan ni Jonas sa barko at sa mga tauhan doon ay detalyado at makatotohanan. Sa Jonas 1:5, makikita natin na inihahagis ng mga magdaragat ang mga kagamitan mula sa barko upang gumaan ito. Ayon sa sinaunang mga istoryador at kahit ng rabinikong kautusan, iyon ang karaniwang ginagawa kapag masama ang lagay ng panahon. Pinatutunayan din ng kasaysayan at ng arkeolohiya na tumpak ang huling paglalarawan ni Jonas sa Nineve. Pero higit sa lahat, tinukoy ni Jesu-Kristo ang tatlong araw na pananatili ni Jonas sa loob ng malaking isda bilang isang hula ng kaniya mismong pananatili sa libingan. (Mateo 12:38-40) Ang sinabi ni Jesus ay nagpapatunay na totoo ang kuwento ni Jonas.
“Sa Diyos ay walang kapahayagan ang imposible.”—LUCAS 1:37
[Larawan sa pahina 26]
Dahil sa paghimok ni Jonas, binuhat siya ng mga marinero at inihagis sa dagat