Ikalawang Cronica
32 Pagkatapos gawin ni Hezekias ang mga bagay na ito at ipakita ang katapatan niya,+ dumating si Haring Senakerib ng Asirya at sinalakay ang Juda. Pinalibutan ng hukbo niya ang mga napapaderang* lunsod, at determinado silang pasukin at sakupin ang mga ito.+
2 Nang makita ni Hezekias na dumating si Senakerib para makipagdigma sa Jerusalem, 3 ipinasiya niya, matapos sumangguni sa kaniyang matataas na opisyal at mga mandirigma, na harangan ang pag-agos ng tubig mula sa mga bukal sa labas ng lunsod,+ at sinuportahan nila siya. 4 Marami ang nagtulong-tulong, at hinarangan nila ang lahat ng bukal at ang ilog na umaagos sa lupain. Sinabi nila: “Hindi dapat makakita ng maraming tubig ang mga hari ng Asirya pagdating nila dito.”
5 Gayundin, buong tapang niyang itinayong muli ang lahat ng bahagi ng pader na nagiba at naglagay siya ng mga tore sa ibabaw nito, at sa labas ay gumawa siya ng isa pang pader. Kinumpuni rin niya ang Gulod*+ ng Lunsod ni David, at gumawa siya ng maraming sandata* at kalasag. 6 Pagkatapos, nag-atas siya ng mga pinuno ng militar na mangunguna sa bayan, at tinipon niya sila sa liwasan* ng pintuang-daan ng lunsod at pinatibay sila.* Sinabi niya: 7 “Lakasan ninyo ang loob ninyo at magpakatatag kayo. Huwag kayong matakot o masindak sa hari ng Asirya+ at sa malaking hukbo na kasama niya, dahil mas marami ang kasama natin kaysa sa kasama niya.+ 8 Lakas lang ng tao* ang nasa panig niya, pero ang Diyos nating si Jehova ang kasama natin para tulungan tayo at ipakipaglaban ang ating mga digmaan.”+ At ang bayan ay napatibay sa mga sinabi ni Haring Hezekias ng Juda.+
9 Pagkatapos, habang nasa Lakis si Haring Senakerib ng Asirya+ kasama ang buong hukbo niya, nagsugo siya ng mga lingkod niya sa Jerusalem, kay Haring Hezekias ng Juda at sa lahat ng Judeano sa Jerusalem+ para sabihin:
10 “Ito ang sinabi ni Haring Senakerib ng Asirya, ‘Saan ba kayo nagtitiwala at ayaw pa rin ninyong umalis kahit napapalibutan na ang Jerusalem?+ 11 Niloloko lang kayo ni Hezekias nang sabihin niya: “Ililigtas tayo ng Diyos nating si Jehova sa kamay ng hari ng Asirya.”+ Dahil ang totoo, mamamatay kayo sa gutom at uhaw. 12 Hindi ba siya rin ang Hezekias na nag-alis ng matataas na lugar+ at ng mga altar ng inyong Diyos*+ at pagkatapos ay nagsabi sa Juda at Jerusalem: “Yumukod kayo sa harap ng isang altar at magsunog kayo roon ng mga handog”?+ 13 Hindi ba ninyo alam kung ano ang ginawa ko at ng mga ninuno ko sa lahat ng bayan ng ibang lupain?+ Nailigtas ba ng mga diyos ng mga bansang iyon ang lupain nila mula sa kamay ko?+ 14 Sino sa lahat ng diyos ng mga bansang iyon na nilipol ng mga ninuno ko ang nakapagligtas ng bayan niya mula sa kamay ko para isipin ninyong maililigtas kayo ng Diyos ninyo mula sa kamay ko?+ 15 Huwag kayong magpaloko o magpadaya nang ganiyan kay Hezekias!+ Huwag kayong maniwala sa kaniya, dahil walang diyos ng alinmang bansa o kaharian ang nakapagligtas ng bayan niya mula sa kamay ko at ng mga ninuno ko. Kaya hindi rin kayo maililigtas ng Diyos ninyo mula sa kamay ko!’”+
16 At ininsulto pa ng mga lingkod niya si Jehova na tunay na Diyos at ang lingkod ng Diyos na si Hezekias. 17 Sumulat din siya ng mga liham+ para insultuhin at hamakin si Jehova na Diyos ng Israel.+ Sinasabi nito: “Tulad ng mga diyos ng mga bansa ng ibang lupain na hindi nakapagligtas sa bayan nila mula sa kamay ko,+ hindi rin ililigtas ng Diyos ni Hezekias ang bayan niya mula sa kamay ko.” 18 Patuloy silang sumisigaw sa bayan ng Jerusalem na nasa may pader sa wika ng mga Judio, para takutin at sindakin ang mga ito at masakop nila ang lunsod.+ 19 Ininsulto nila ang Diyos ng Jerusalem gaya ng pang-iinsulto nila sa mga diyos ng ibang mga bansa, na gawa ng mga kamay ng tao. 20 Pero si Haring Hezekias at ang propetang si Isaias+ na anak ni Amoz ay patuloy na nanalangin tungkol dito at humingi ng tulong sa langit.+
21 Pagkatapos, nagsugo si Jehova ng isang anghel at nilipol ang lahat ng malalakas na mandirigma,+ lider, at pinuno sa kampo ng hari ng Asirya, kaya bumalik ang hari sa sarili niyang lupain na punô ng kahihiyan. Nang maglaon, pumasok siya sa bahay* ng kaniyang diyos, at pinatay siya roon ng ilan sa mga anak niya sa pamamagitan ng espada.+ 22 Gayon iniligtas ni Jehova si Hezekias at ang mga taga-Jerusalem mula sa kamay ni Haring Senakerib ng Asirya at mula sa kamay ng lahat ng iba pa, at binigyan niya sila ng kapahingahan sa buong lupain. 23 At maraming nagdala ng mga regalo kay Jehova sa Jerusalem at ng magagandang bagay kay Haring Hezekias ng Juda,+ at labis siyang iginalang ng lahat ng bansa pagkatapos nito.
24 Nang panahong iyon, nagkasakit si Hezekias at malapit nang mamatay, at nanalangin siya kay Jehova.+ Sinagot siya ng Diyos at binigyan ng isang tanda.+ 25 Pero hindi pinahalagahan ni Hezekias ang kabutihang ginawa sa kaniya, dahil naging mapagmataas siya.* Dahil dito, ang Diyos ay nagalit sa kaniya, pati sa Juda at Jerusalem. 26 Pero nagsisi si Hezekias sa pagiging mapagmataas niya at nagpakumbaba,+ siya at ang mga taga-Jerusalem. At hindi nila natikman ang galit ni Jehova noong panahon ni Hezekias.+
27 At nagkaroon si Hezekias ng malaking kayamanan at kaluwalhatian;+ at gumawa siya ng sarili niyang mga imbakan+ ng pilak, ginto, mamahaling bato, langis ng balsamo, kalasag, at ng lahat ng mahahalagang bagay. 28 Gumawa rin siya ng mga imbakan para sa aning butil at bagong alak at langis, pati ng mga kulungan para sa iba’t ibang uri ng hayop at mga kulungan para sa mga kawan. 29 Nagkaroon din siya ng mga lunsod at ng napakaraming alagang hayop, kawan, at bakahan, dahil binigyan siya ng Diyos ng napakaraming pag-aari. 30 Si Hezekias ang naglihis ng tubig mula sa bukal+ ng Gihon+ sa itaas para umagos ito pababa sa kanluran papunta sa Lunsod ni David,+ at si Hezekias ay nagtagumpay sa lahat ng ginawa niya. 31 Pero nang ipadala ang mga tagapagsalita ng matataas na opisyal ng Babilonya para tanungin siya tungkol sa tanda+ na nangyari sa lupain,+ hinayaan siya ng tunay na Diyos na gawin ang gusto niya para mailagay siya sa pagsubok,+ para malaman ang lahat ng nasa puso niya.+
32 Ang iba pang nangyari kay Hezekias at ang ipinakita niyang tapat na pag-ibig+ ay nasa ulat ng pangitain ng propetang si Isaias,+ na anak ni Amoz, sa Aklat ng mga Hari ng Juda at ng Israel.+ 33 Pagkatapos, si Hezekias ay namatay,* at inilibing nila siya sa dalisdis na papunta sa libingan ng mga anak ni David;+ at pinarangalan siya ng buong Juda at ng mga taga-Jerusalem sa kaniyang kamatayan. At ang anak niyang si Manases ang naging hari kapalit niya.