Deuteronomio
30 “Kapag nangyari sa inyo ang lahat ng salitang ito, ang pagpapala at ang sumpa na iniharap ko sa inyo,+ at naalaala ninyo ang mga ito+ kapag naroon na kayo sa mga bansa kung saan kayo pinangalat ng Diyos ninyong si Jehova,+ 2 at kayo at ang mga anak ninyo ay nanumbalik sa Diyos ninyong si Jehova+ at nakinig sa tinig niya at sumunod nang buong puso at kaluluwa sa lahat ng iniuutos ko sa inyo ngayon,+ 3 ibabalik ng Diyos ninyong si Jehova ang mga nabihag sa inyo+ at magpapakita siya ng awa+ at muli kayong titipunin mula sa lahat ng bayan kung saan kayo pinangalat ng Diyos ninyong si Jehova.+ 4 Kahit pa nangalat ang inyong bayan hanggang sa dulo ng lupa, titipunin kayo at kukuning muli ng Diyos ninyong si Jehova.+ 5 Ibabalik kayo ng Diyos ninyong si Jehova sa lupaing naging pag-aari ng inyong mga ninuno, at magiging pag-aari ninyo iyon; at gagawan niya kayo ng mabuti at pararamihin kayo nang higit kaysa sa inyong mga ninuno.+ 6 Lilinisin* ng Diyos ninyong si Jehova ang puso ninyo at ng inyong mga supling,+ para ibigin ninyo ang Diyos ninyong si Jehova nang inyong buong puso at kaluluwa at kayo ay mabuhay.+ 7 At pasasapitin ng Diyos ninyong si Jehova ang lahat ng sumpang ito sa mga kaaway ninyo, na napoot at umapi sa inyo.+
8 “Kaya manunumbalik kayo at makikinig sa tinig ni Jehova at susunod sa lahat ng utos niya, na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 9 Sagana kayong pagpapalain ng Diyos ninyong si Jehova sa lahat ng gagawin ninyo+—pararamihin niya ang inyong mga anak, alagang hayop, at ani sa lupain—dahil muling matutuwa sa inyo si Jehova at gagawan kayo ng mabuti, gaya ng nadama niya para sa inyong mga ninuno.+ 10 Dahil sa panahong iyon ay makikinig na kayo sa tinig ng Diyos ninyong si Jehova at susunod sa mga utos at batas niya na nakasulat sa aklat na ito ng Kautusan, at manunumbalik kayo sa Diyos ninyong si Jehova nang inyong buong puso at kaluluwa.+
11 “Ang utos na ito na ibinibigay ko sa inyo ngayon ay hindi naman napakahirap sundin o napakalayo sa inyo.*+ 12 Wala ito sa langit, kaya hindi ninyo sasabihin, ‘Sino ang aakyat sa langit at kukuha nito para sa amin, para marinig namin ito at maisagawa?’+ 13 Wala rin ito sa kabilang ibayo ng dagat, kaya hindi ninyo sasabihin, ‘Sino ang tatawid sa kabilang ibayo ng dagat at kukuha nito para sa amin, para marinig namin ito at maisagawa?’ 14 Dahil ang salitang ito ay napakalapit sa inyo, nasa mismong bibig ninyo at puso,+ para maisagawa ninyo ito.+
15 “Tingnan ninyo, binibigyan ko kayo ng pagpipilian: buhay at kabutihan o kamatayan at kasamaan.+ 16 Kung tutuparin ninyo ang mga utos ng Diyos ninyong si Jehova, na ibinibigay ko sa inyo ngayon—ibigin ang Diyos ninyong si Jehova,+ lumakad sa mga daan niya, at sundin ang kaniyang mga utos, batas, at hudisyal na pasiya—kayo ay mananatiling buháy+ at darami, at pagpapalain kayo ng Diyos ninyong si Jehova sa lupaing magiging pag-aari ninyo.+
17 “Pero kung tatalikod kayo*+ at hindi kayo makikinig at matutukso kayong yumukod at maglingkod sa ibang mga diyos,+ 18 sinasabi ko sa inyo ngayon na talagang malilipol kayo.+ Hindi kayo mabubuhay nang mahaba sa lupaing magiging pag-aari ninyo pagtawid ng Jordan. 19 Saksi ang langit at lupa sa gagawin ninyo. Binigyan ko kayo ng pagpipilian: buhay o kamatayan, pagpapala o sumpa.+ Piliin ninyo ang buhay para manatili kayong buháy,+ kayo at ang mga inapo ninyo+— 20 ibigin ninyo ang Diyos ninyong si Jehova,+ makinig kayo sa tinig niya, at manatili kayong tapat sa kaniya+—dahil siya ang inyong buhay at siya ang magpapahaba ng buhay ninyo sa lupaing ipinangako ni Jehova sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob.”+