Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Kalayaang Magpasiya? Kinokontrol ba ng Diyos ang Lahat ng Bagay?
Ang sagot ng Bibliya
Sa halip na itadhana ng Diyos ang mangyayari sa atin, binigyan niya tayo ng kalayaang magpasiya o gumawa ng sarili nating mga desisyon. Isaalang-alang ang turo ng Bibliya.
Nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang larawan. (Genesis 1:26) Di-gaya ng mga hayop na kadalasang sumusunod lang sa kanilang instinct, tayo ay katulad ng ating Maylalang na nakapagpapakita ng mga katangiang gaya ng pag-ibig at katarungan. Tulad niya, may kalayaan din tayong magpasiya.
Tayo ang may malaking pananagutan sa kung ano ang ating magiging kinabukasan. Hinihimok tayo ng Bibliya na ‘piliin ang buhay sa pamamagitan ng pakikinig sa tinig ng Diyos,’ o pagsunod sa kaniyang mga utos. (Deuteronomio 30:19, 20) Paano natin magagawa iyan kung wala naman tayong kalayaang magpasiya? Sa halip na puwersahin tayong gawin ang sinasabi niya, nakikiusap ang Diyos sa atin: “O kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa aking mga utos! Ang iyong kapayapaan nga ay magiging gaya ng ilog.”—Isaias 48:18.
Ang tagumpay natin at pagkabigo ay hindi nakatadhana. Kung gusto nating magtagumpay, dapat tayong magsikap. “Ang lahat ng masumpungang gawin ng iyong kamay,” ang sabi ng Bibliya, “gawin mo ng iyong buong kapangyarihan.” (Eclesiastes 9:10) Sinasabi rin nito: “Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan.”—Kawikaan 21:5.
Ang kalayaang magpasiya ay isang napakahalagang regalo mula sa Diyos dahil binibigyan tayo nito ng pagkakataong ibigin ang Diyos nang ating “buong puso.”—Mateo 22:37.
Hindi ba’t kinokontrol ng Diyos ang lahat ng bagay?
Itinuturo ng Bibliya na ang Diyos ang Makapangyarihan-sa-lahat. (Job 37:23; Isaias 40:26) Pero hindi niya kinokontrol ang lahat ng bagay. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ay “nagpigil ng [kaniyang] sarili” laban sa Babilonya, ang kaaway noon ng kaniyang bayan. (Isaias 42:14) Sa ngayon, hinahayaan din muna ng Diyos ang mga taong gumagamit ng kanilang kalayaang magpasiya para saktan ang iba. Pero wawakasan iyan ng Diyos.—Awit 37:10, 11.