Deuteronomio
5 At tinawag ni Moises ang buong Israel at sinabi: “Dinggin mo, O Israel, ang mga tuntunin at hudisyal na pasiya na ipinahahayag ko sa inyo ngayon. Pag-aralan ninyo ang mga iyon at sunding mabuti. 2 Ang Diyos nating si Jehova ay nakipagtipan sa atin sa Horeb.+ 3 Nakipagtipan si Jehova, hindi sa mga ninuno natin, kundi sa atin mismo, sa ating lahat na buháy ngayon. 4 Mula sa apoy, tuwirang* nakipag-usap sa inyo si Jehova sa bundok.+ 5 Nakatayo ako noon sa pagitan ninyo at ni Jehova+ para ipaalám sa inyo ang sinasabi ni Jehova, dahil natatakot kayo sa apoy at hindi kayo umakyat sa bundok.+ Sinabi niya:
6 “‘Ako si Jehova na iyong Diyos, na naglabas sa iyo sa Ehipto, kung saan ka naging alipin.*+ 7 Hindi ka dapat magkaroon ng ibang diyos maliban sa akin.*+
8 “‘Huwag kang gagawa para sa iyo ng inukit na imahen+ o ng anyo na katulad ng anumang nasa langit o nasa lupa o nasa tubig. 9 Huwag kang yuyukod sa mga iyon o matutuksong maglingkod sa mga iyon,+ dahil akong si Jehova na iyong Diyos ay Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon,*+ nagpaparusa sa mga anak dahil sa kasalanan ng mga ama, hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon ng mga napopoot sa akin,+ 10 pero nagpapakita ng tapat na pag-ibig* hanggang sa ikasanlibong henerasyon ng mga umiibig sa akin at sumusunod sa mga utos ko.
11 “‘Huwag mong gagamitin ang pangalan ni Jehova na iyong Diyos sa walang-kabuluhang paraan,+ dahil tiyak na paparusahan ni Jehova ang gumagamit ng pangalan niya sa walang-kabuluhang paraan.+
12 “‘Sundin mo ang batas sa Sabbath at panatilihin itong banal, gaya ng iniutos sa iyo ni Jehova na iyong Diyos.+ 13 Puwede kang magtrabaho sa loob ng anim na araw,+ 14 pero ang ikapitong araw ay sabbath para kay Jehova na iyong Diyos.+ Hindi ka gagawa ng anumang trabaho,+ ikaw, ang iyong anak na lalaki at babae, aliping lalaki at babae, toro, asno, alinman sa iyong alagang hayop, o ang dayuhang naninirahan sa mga lunsod* ninyo,+ para makapagpahinga rin ang iyong aliping lalaki at babae gaya mo.+ 15 Alalahanin mong naging alipin ka sa Ehipto at inilabas ka roon ni Jehova na iyong Diyos sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay at isang unat na bisig.+ Iyan ang dahilan kung bakit iniutos sa iyo ni Jehova na iyong Diyos na sundin ang batas sa Sabbath.
16 “‘Parangalan* mo ang iyong ama at ina,+ gaya ng iniutos sa iyo ni Jehova na iyong Diyos, para mabuhay ka nang mahaba at mapabuti ka sa lupaing ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos.+
18 “‘Huwag ka ring mangangalunya.+
19 “‘Huwag ka ring magnanakaw.+
20 “‘Huwag ka ring magsisinungaling kapag tumetestigo ka laban sa kapuwa mo.+
21 “‘Huwag mo ring nanasain ang asawa ng kapuwa mo.+ Huwag mo ring nanasain nang may kasakiman ang bahay, bukid, aliping lalaki o babae, toro, asno, o anumang pag-aari ng kapuwa mo.’+
22 “Sinabi ni Jehova ang mga utos* na ito sa inyong buong kongregasyon mula sa bundok, mula sa apoy at sa maitim at makapal na ulap,+ sa malakas na tinig, at wala na siyang idinagdag; pagkatapos, isinulat niya ang mga iyon sa dalawang tapyas ng bato at ibinigay sa akin.+
23 “Pero nang marinig ninyo ang tinig mula sa kadiliman, habang nag-aapoy ang bundok,+ lumapit sa akin ang lahat ng pinuno ng inyong mga tribo at ang matatandang lalaki. 24 At sinabi ninyo, ‘Ipinakita sa amin ng Diyos nating si Jehova ang kaniyang kaluwalhatian at kadakilaan, at narinig namin ang tinig niya mula sa apoy.+ Nakita namin ngayon na puwedeng makipag-usap ang tao sa Diyos at manatili pa ring buháy.+ 25 Pero natatakot kaming mamatay, dahil baka tupukin kami ng naglalagablab na apoy na ito. Kung maririnig pa namin ang tinig ng Diyos naming si Jehova, tiyak na mamamatay kami. 26 Dahil sino pang tao ang gaya namin na nakarinig ng tinig ng Diyos na buháy na nagsasalita mula sa apoy at nanatili pa ring buháy? 27 Ikaw ang lumapit para makinig sa lahat ng sasabihin ng Diyos nating si Jehova, at ikaw ang magsabi sa amin ng lahat ng sasabihin sa iyo ng Diyos nating si Jehova, at makikinig kami at susunod.’+
28 “At narinig ni Jehova ang sinabi ninyo sa akin, kaya sinabi ni Jehova, ‘Narinig ko ang sinabi ng bayang ito sa iyo. Maganda ang lahat ng sinabi nila.+ 29 Kung mananatili lang na may takot sa akin ang puso nila+ at tutuparin nila ang lahat ng utos ko,+ mapapabuti sila at ang mga anak nila magpakailanman!+ 30 Sabihin mo sa kanila: “Bumalik na kayo sa mga tolda ninyo.” 31 Pero manatili ka rito kasama ko, at sasabihin ko sa iyo ang lahat ng utos, tuntunin, at hudisyal na pasiya na dapat mong ituro sa kanila at dapat nilang sundin sa lupain na ibinibigay ko sa kanila.’ 32 Tiyakin ninyong gawin ang iniutos sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova.+ Huwag kayong liliko sa kanan o sa kaliwa.+ 33 Dapat ninyong sundin ang lahat ng iniutos sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova,+ para mabuhay kayo at mapabuti at humaba ang inyong buhay sa lupain na magiging pag-aari ninyo.+