GALACIA
Mga Study Note—Kabanata 2
Pagkalipas ng 14 na taon: Ipinapalagay ng ilang iskolar na ang ibig sabihin dito ni Pablo ay “sa ika-14 na taon,“ na nangangahulugang isang taon na hindi buo na sinusundan ng 12 buong taon at ng isa pang taon na hindi rin buo. (Ihambing ang 1Ha 12:5, 12; tingnan ang study note sa Gal 1:18.) Malamang na ito ay mula noong 36 C.E. nang unang dumalaw si Pablo sa Jerusalem bilang isang Kristiyano hanggang 49 C.E. nang magpunta siya sa Jerusalem kasama sina Tito at Bernabe para iharap ang isyu ng pagtutuli sa mga apostol at matatandang lalaki doon.—Gaw 15:2.
dahil sa isang pagsisiwalat: Binanggit dito ni Pablo ang isang detalye na hindi mababasa sa ulat ni Lucas sa aklat ng Gawa. (Gaw 15:1, 2) Lumilitaw na sa pamamagitan ng isang pagsisiwalat, si Pablo ay inutusan ni Kristo, ang ulo ng kongregasyong Kristiyano, na dalhin ang mahalagang isyu ng pagtutuli sa mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem. (Efe 5:23) Nangyari ang makasaysayang pagpupulong na iyon noong mga 49 C.E. Nang banggitin ni Pablo ang tungkol sa pagsisiwalat na ito, lalo pa niyang napatunayan na hindi totoo ang sinasabi ng mga tagapagtaguyod ng Judaismo na hindi siya tunay na apostol. Bukod sa si Jesus mismo ang nag-atas kay Pablo, nagbigay pa siya ng mga tagubilin sa pamamagitan ng mga pagsisiwalat, na nagpapatunay na talagang apostol si Pablo.—Gal 1:1, 15, 16.
ipinangangaral: Ang salitang Griego para dito ay nangangahulugang “maghayag bilang isang mensahero sa publiko.” Itinatampok nito ang paraan ng paghahayag: karaniwan nang hayagan at sa publiko, sa halip na pagbibigay ng sermon sa isang grupo.—Tingnan ang study note sa Mat 3:1.
hindi pinilit na magpatuli . . . si Tito: Nang magkaroon ng isyu tungkol sa pagtutuli sa Antioquia (mga 49 C.E.), sinamahan ni Tito sina Pablo at Bernabe sa Jerusalem. (Gaw 15:1, 2; Gal 2:1) “Isa siyang Griego,“ isang di-tuling Gentil. (Tingnan ang study note sa Griego sa talatang ito.) Posibleng ipinapahiwatig ng paggamit ng pandiwang “pinilit” sa talatang ito na may mga Kristiyanong nagtataguyod ng mga paniniwala at tradisyong Judio na namimilit kay Tito na magpatuli. Pero sa pagpupulong sa Jerusalem, napagdesisyunan ng mga apostol at matatandang lalaki na hindi na kailangan ng mga Kristiyanong Gentil na magpatuli. (Gaw 15:23-29) Binanggit ni Pablo ang detalyeng ito tungkol kay Tito para suportahan ang argumento niya na ang mga nagpakumberte sa Kristiyanismo ay hindi na kailangang sumunod sa Kautusang Mosaiko. Dahil pangunahin nang nangangaral si Tito sa di-tuling mga tao ng ibang mga bansa, hindi magiging isyu kung hindi siya tuli. (2Co 8:6; 2Ti 4:10; Tit 1:4, 5) Kaya magkaiba sila ng kaso ni Timoteo, na tinuli ni Pablo.—Tingnan ang study note sa Gaw 16:3.
Griego: Inilarawan si Tito na isang Griego (Helʹlen) posibleng dahil Griego ang lahi niya. Pero ginagamit ng unang-siglong mga manunulat ang anyong pangmaramihan nito (Helʹle·nes) para tumukoy sa mga di-Griego na yumakap sa wika at kulturang Griego. Kaya posible ring sa ganitong diwa naging Griego si Tito.—Tingnan ang study note sa Ro 1:16.
nagkukunwaring mga kapatid: Dito lang mababasa at sa 2Co 11:26 ang salitang Griego para sa “nagkukunwaring kapatid” (pseu·daʹdel·phos). Sa isang diksyunaryo, ang salitang ito ay nangangahulugang “Kristiyano sa pangalan lang.” Ang mga nagtataguyod ng Judaismo sa mga kongregasyon sa Galacia ay nagkukunwaring espirituwal na mga tao, pero ang totoo, iniimpluwensiyahan nila ang kongregasyon na mahigpit na sumunod sa Kautusang Mosaiko. (Tingnan ang study note sa Gal 1:6.) Sinabi ni Pablo na ang mga taong iyon ay “pumasok nang tahimik at nag-espiya” para sirain ang kalayaan ng mga Kristiyano; ipinapakita lang nito na gumagamit sila ng tusong mga pakana sa pagpapalaganap ng mapanganib na mga turo nila.—Ihambing ang 2Co 11:13-15.
ang katotohanan ng mabuting balita: Ang ekspresyong ito, na mababasa rin sa talata 14, ay tumutukoy sa kalipunan ng mga turong Kristiyano sa Salita ng Diyos.
Diyos: “Diyos” ang mababasa sa mga manuskritong Griego, pero may ilang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreo at iba pang wika na gumamit dito ng pangalan ng Diyos.
mga di-tuli: Tumutukoy sa mga di-Judio.
kung paanong ipinagkatiwala kay Pedro: Ipinapakita dito ni Pablo na nagtutulungan ang mga nangunguna sa kongregasyon. (Tingnan ang study note sa Gal 2:9.) Kumbinsido ang lupong tagapamahala sa Jerusalem na ipinagkatiwala kay Pablo ang pangangaral sa mga di-Judio. Si Pedro naman ay pangunahin nang nangangaral sa mga Judio. Pero hindi naman ito nangangahulugang hindi puwedeng magtulungan sina Pablo at Pedro. Si Pedro ang nagbukas ng gawaing pangangaral sa mga Gentil. (Gaw 10:44-48; 11:18) At nagpatotoo rin si Pablo sa napakaraming Judio, dahil ang atas niya mula kay Kristo ay mangaral “sa mga bansa, gayundin . . . sa mga Israelita.” (Gaw 9:15) Parehong ginampanang mabuti nina Pedro at Pablo ang mga atas na ibinigay sa kanila. Halimbawa, naglakbay si Pedro pasilangan para mangaral sa Babilonya, na kilalá bilang sentro ng edukasyon para sa mga Judio at kung saan maraming Judio. (1Pe 5:13) Naglakbay naman si Pablo bilang misyonero pakanluran, at posibleng umabot pa nga siya sa Espanya.
mga tuli: Tumutukoy sa mga Judio.
nagbigay kay Pedro ng kakayahan para maging apostol . . . nagbigay rin sa akin ng kakayahan: Ang pandiwang Griego na e·ner·geʹo ay isinalin ditong “nagbigay . . . ng kakayahan.” Sa ibang paglitaw ng pandiwang ito, isinalin itong “umiimpluwensiya” o “pinasisigla.” (Efe 2:2; Fil 2:13) Sa kontekstong ito, lumilitaw na nagbigay ang Diyos kina Pedro at Pablo, hindi lang ng awtoridad na maging mga apostol, kundi pati ng kakayahang gampanan ang mga pananagutan nila.
haligi: Kung paanong sinusuportahan ng literal na haligi ang isang istraktura, ang mga lalaking tinawag ditong haligi ay sumusuporta at nagpapatatag sa kongregasyon. Ginamit din ang salitang ito nang ilarawan ang kongregasyong Kristiyano bilang “isang haligi at pundasyon ng katotohanan” (1Ti 3:15) at ang mga binti ng isang anghel na gaya ng “mga haliging apoy” (Apo 10:1-3). Maituturing na mga haligi sina Santiago, Cefas, at Juan—matatag sila, malakas sa espirituwal, at maaasahan ng kongregasyon.
Cefas: Isa sa mga pangalan ni apostol Pedro.—Tingnan ang study note sa 1Co 1:12.
kanang kamay: Ang pakikipagkamay ay nangangahulugang pakikipagtulungan o pakikipagtuwang. (2Ha 10:15) Noong mga 49 C.E., nagpunta si apostol Pablo sa Jerusalem para sumama sa pag-uusap ng unang-siglong lupong tagapamahala tungkol sa isyu ng pagtutuli. (Gaw 15:6-29) Sa panahon ding iyon, lumilitaw na nakipagkita si Pablo kina Santiago, Pedro, at Juan para sabihin sa kanila ang atas na natanggap niya mula sa Panginoong Jesu-Kristo na mangaral ng mabuting balita. (Gaw 9:15; 13:2; 1Ti 1:12) Sa tekstong ito, binanggit ni Pablo ang nakita niyang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga kapatid sa pag-uusap na iyon at sa mga sumunod pang pagkakataon. Malinaw sa mga kapatid na iisa lang naman ang gawain nila. Sumang-ayon sila na sina Pablo at Bernabe ay mangangaral sa ibang mga bansa, o sa mga Gentil, at sina Santiago, Pedro, at Juan naman ay magpopokus sa pangangaral sa mga tuli, o mga Judio.
lagi naming isaisip ang mahihirap: Noong mga 49 C.E., sina Pedro, Santiago, at Juan ay nagbigay ng atas kay Pablo at sa kamanggagawa niyang si Bernabe. (Gal 2:9) Dapat na lagi nilang isaisip ang materyal na pangangailangan ng mahihirap na Kristiyano habang nangangaral sila sa ibang mga bansa. Dito, sinabi ni Pablo na lagi niya itong pinagsisikapang gawin. Nang mangailangan ang mga Kristiyano sa Judea, pinasigla ni Pablo ang mga kongregasyon sa ibang lugar na mag-abuloy para sa mahihirap na kapatid sa Jerusalem. Makikita sa mga liham ni Pablo kung gaano siya kaseryoso sa atas niyang ito. Sa dalawang liham niya sa mga Kristiyano sa Corinto (mga 55 C.E.), binanggit niya ang tungkol sa paglikom ng abuloy; sinabi niya na nagbigay na siya ng tagubilin tungkol dito “sa mga kongregasyon sa Galacia.” (1Co 16:1-3; 2Co 8:1-8; 9:1-5; tingnan ang study note sa 1Co 16:1, 3; 2Co 8:2.) Nang sumulat si Pablo sa mga Kristiyano sa Roma noong mga 56 C.E., halos tapos na ang paglikom ng abuloy. (Ro 15:25, 26) At di-nagtagal, natapos na rin ni Pablo ang atas niya, dahil noong nililitis siya sa Jerusalem, sinabi niya kay Gobernador Felix ng Roma: “Dumating ako para magdala ng mga kaloob udyok ng awa sa aking bansa.” (Gaw 24:17) Ang ganitong pag-ibig ng mga Kristiyano at pagsisikap na masapatan ang pangangailangan ng mga kapatid nila ay isa sa mga pagkakakilanlan ng unang-siglong Kristiyanismo.—Ju 13:35.
Cefas: Isa sa mga pangalan ni apostol Pedro.—Tingnan ang study note sa 1Co 1:12.
sinaway: O “kinompronta.” Nang mapansin ni Pablo na ayaw makihalubilo ni apostol Pedro sa di-Judiong mga kapatid dahil sa takot sa tao, “sinaway” niya ito sa harap ng lahat. Ang salitang Griego na isinalin ditong “sinaway” ay literal na nangangahulugang “tumayo laban.”—Gal 2:11-14.
kumakain siyang kasama ng mga tao ng ibang mga bansa: Ang pagkaing kasama ng iba ay nagpapahiwatig ng malapít na samahan at kadalasan nang may kasama itong panalangin, kaya hindi talaga nakasanayan ng mga Judio na kumaing kasama ng mga Gentil. Sa katunayan, pinagbawalan ang mga Israelita na makihalubilo sa ibang mga bansa na nanatili sa Lupang Pangako o banggitin man lang ang diyos ng mga ito. (Jos 23:6, 7) Pagdating ng unang siglo C.E., gumawa ng karagdagang mga restriksiyon ang mga Judiong lider ng relihiyon; itinuturo nila na nagpaparumi sa seremonyal na paraan ang pagpasok sa bahay ng isang Gentil.—Ju 18:28.
itinigil niya ito at iniwasan ang mga taong iyon: Noong 36 C.E., ginamit ni Pedro, isang Judiong Kristiyano, ang ikatlong “susi ng Kaharian” para buksan ang pagkakataon kay Cornelio at sa sambahayan niya na maging unang mga Kristiyano na hindi Judio o Judiong proselita. (Tingnan ang study note sa Mat 16:19.) Ilang araw na nanatili sa Pedro sa bahay nina Cornelio, at siguradong maraming beses siyang kumaing kasama ng mga Gentil na ito. (Gaw 10:48; 11:1-17) Ipinagpatuloy niya ang pagkaing kasama ng mga Kristiyanong Gentil, at tama iyon. Pero pagkalipas ng mga 13 taon, habang nasa Antioquia ng Sirya si Pedro, bigla na lang niya itong “itinigil.” Natatakot kasi siya sa magiging reaksiyon ng ilang Judiong Kristiyano na galing sa Jerusalem. Ang mga lalaking ito ay isinugo ni Santiago, kaya lumilitaw na nakasama nila si Santiago sa Jerusalem. (Tingnan ang study note sa Gaw 15:13.) Hindi pa natatanggap ng mga lalaking ito ang pagbabago, at ipinipilit pa rin nila ang mahigpit na pagsunod sa Kautusang Mosaiko at sa ilang kaugaliang Judio. (Tingnan ang study note sa Gaw 10:28.) Dahil sa ginawang iyon ni Pedro, puwedeng mabale-wala ang desisyong kagagawa pa lang ng lupong tagapamahala nang taon ding iyon, mga 49 C.E. Pinagtibay ng desisyong iyon na hindi kailangan ng mga Kristiyanong Gentil na sumunod sa Kautusang Mosaiko. (Gaw 15:23-29) Iniulat dito ni Pablo ang nangyari sa Antioquia, hindi para ipahiya sa Pedro, kundi para ituwid ang maling pananaw ng mga taga-Galacia.
mga tagasuporta ng pagtutuli: Tumutukoy sa ilang tuling Judiong Kristiyano na nagmula sa kongregasyon sa Jerusalem. Sa ibang paglitaw ng ekspresyong Griego na ito, isinalin itong “mga tagapagtaguyod ng pagtutuli,” “mga tuli,” at “mga nanghahawakan sa pagtutuli.”—Gaw 11:2; Col 4:11; Tit 1:10.
Ginaya . . . ang pagkukunwari niya . . . magkunwari: Dalawang magkaugnay na ekspresyong Griego ang lumitaw dito, isang pandiwa (sy·ny·po·kriʹno·mai) at isang pangngalan (hy·poʹkri·sis). Noong una, parehong tumutukoy ang mga ito sa mga Griegong artista sa entablado na nakamaskara habang ginagampanan ang papel nila. Ang Griegong pangngalan na ginamit dito ay anim na beses na lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan at kadalasan nang isinasaling “pagkukunwari.” (Mat 23:28; Mar 12:15; Luc 12:1; 1Ti 4:2; 1Pe 2:1; para sa kaugnay na salitang “mapagkunwari,” tingnan ang study note sa Mat 6:2; Luc 6:42.) Ayon sa ilang diksyunaryo, ang pandiwang Griego na ginamit dito ay makasagisag, kaya isinalin itong “ginaya . . . ang pagkukunwari.”
Cefas: Isa sa mga pangalan ni apostol Pedro.—Tingnan ang study note sa 1Co 1:12.
ipinahahayag na matuwid: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pandiwang di·kai·oʹo at ang kaugnay nitong mga pangngalang di·kaiʹo·ma at di·kaiʹo·sis, na karaniwang isinasaling “ipagtanggol” o “pagtatanggol,” ay pangunahin nang nangangahulugang napawalang-sala ang isa kaya siya ay ipinahahayag at itinuturing nang matuwid. (Tingnan ang study note sa Ro 3:24.) Ang ilan sa mga kongregasyon sa Galacia ay naiimpluwensiyahan ng mga tagapagtaguyod ng Judaismo, na nagsisikap na patunayan ang kanilang pagiging matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan ni Moises. (Gal 5:4; tingnan ang study note sa Gal 1:6.) Pero idiniin ni Pablo na sa pamamagitan lang ng pananampalataya kay Jesu-Kristo puwedeng magkaroon ng matuwid na katayuan ang isa sa harap ng Diyos. Isinakripisyo ni Jesus ang perpekto niyang buhay, at dahil diyan, maipapahayag ng Diyos na matuwid ang lahat ng mananampalataya kay Kristo.—Ro 3:19-24; 10:3, 4; Gal 3:10-12, 24.
ang mismong mga bagay na ibinagsak ko: Dating masigasig na tagapagtaguyod ng Judaismo si Pablo, at naniniwala siya noon na magkakaroon siya ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos kung susunod siya sa Kautusang Mosaiko. (Tingnan ang study note sa Gal 1:13.) Pero makasagisag niyang ibinagsak ang paniniwalang iyon nang maging Kristiyano siya. (Gal 2:15, 16) Sinasabi ng mga kaaway niya na maliligtas lang ang mga Kristiyano kung mahigpit nilang susundin ang Kautusan. (Gal 1:9; 5:2-12) Ipinapaliwanag dito ni Pablo na kung muli siyang magpapasailalim—o ang iba pang Judiong Kristiyano—sa Kautusang Mosaiko, parang itinatayo niyang muli ang “mismong mga bagay na ibinagsak” na niya. Gagawin niya ulit na manlalabag-batas ang sarili niya at patuloy na mahahatulang makasalanan ng Kautusang ito.—Tingnan ang study note sa Gal 3:19.
sa pamamagitan ng Kautusan, namatay ako may kinalaman sa Kautusan: Ang sinabi dito ni Pablo ay bahagi ng argumento niya na hindi siya magkakaroon ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos dahil sa “pagsunod sa kautusan.” (Gal 2:16) Nahatulan ng Kautusang Mosaiko si Pablo na makasalanang karapat-dapat sa kamatayan dahil hindi niya ito perpektong nasusunod. (Ro 7:7-11) Pero sinabi ni Pablo na “namatay [siya] may kinalaman sa Kautusan,” ibig sabihin, lumaya na siya mula sa Kautusan. Legal na natapos ang tipang Kautusan na iyon nang mamatay si Jesus sa pahirapang tulos. (Col 2:13, 14) Kaya nasabi ni Pablo sa liham niya sa mga Kristiyano sa Roma na sila rin ay “ginawang patay sa Kautusan sa pamamagitan ng katawan ng Kristo.” (Ro 7:4) Nang manampalataya ang mga Kristiyano sa hain ni Kristo, sila ay “namatay . . . may kinalaman sa Kautusan.” Dahil ang Kautusan ang umakay kay Pablo sa Kristo, masasabi ni Pablo na “sa pamamagitan ng Kautusan, namatay [siya] may kinalaman sa Kautusan.”—Tingnan ang study note sa Gal 3:24 at 3:25.
Ipinako ako sa tulos kasama ni Kristo: Ginamit sa mga Ebanghelyo ang pandiwang Griego na syn·stau·roʹo para sa mga literal na ipinako sa tulos katabi ni Jesus. (Mat 27:44; Mar 15:32; Ju 19:32; tingnan ang study note sa Ro 6:6.) Gaya ng iba pang Kristiyano, namuhay si Pablo ayon sa pananampalataya sa Anak ng Diyos. (Gal 3:13; Col 2:14) Dahil sa pananampalataya kay Kristo na pinatay, namumuhay ang isang Judiong Kristiyano bilang tagasunod ni Kristo, hindi ng Kautusan.—Ro 10:4; 2Co 5:15; tingnan ang study note sa Gal 2:19.
nagmahal sa akin at nagbigay ng sarili niya para sa akin: Ang paggamit dito ni Pablo ng panghalip na “akin” ay nagdiriin sa mga pagpapala ng kaloob ni Kristo sa bawat indibidwal na mananampalataya sa kaniya. (Tingnan ang study note sa Ju 3:16.) Tinatanggap ni Pablo ang dakilang pag-ibig ni Kristo para sa kaniya bilang indibidwal, kaya napapakilos siyang maging mapagmahal, magiliw, at bukas-palad. (Tingnan ang study note sa 2Co 5:14; ihambing ang 2Co 6:11-13; 12:15.) Pinapahalagahan niya na tinawag siya ni Jesus para maging alagad kahit na inuusig niya noon ang mga tagasunod ni Kristo. Naiintindihan ni Pablo na dahil sa pag-ibig, ibinigay ni Jesus ang buhay niya, hindi lang para sa matuwid na mga tao, kundi pati sa mga napapabigatan ng kasalanan. (Ihambing ang Mat 9:12, 13.) Kahit na idiniriin dito ni Pablo kung paano siya makikinabang sa sakripisyo ni Kristo bilang indibidwal, malinaw sa kaniya na napakaraming taong makikinabang sa pantubos.
walang kabuluhan ang pagkamatay ni Kristo: Idiniriin dito ni Pablo na kung maipahahayag na matuwid ang isang tao sa pamamagitan ng kautusan, o pagsunod sa Kautusang Mosaiko, hindi na kailangang mamatay ni Kristo. Sa talatang ito, ipinapaliwanag ni Pablo na kung sisikapin ng isa na magkaroon ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng mga gawa, para na rin niyang itinatakwil ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos.—Ro 11:5, 6; Gal 5:4.